TUMIGIL ang isang tricycle sa tapat ng Amaya Bed & Breakfast Resort. Bumaba sa backride ang isang lalaki naka-deerstalker hat, checkered button down shirt at khaki shorts, sukbit ang malaking knapsack bag na namumutok ang loob sa dami ng laman. Bumaba naman mula sa loob ng side car ang babae na naka-skull cap, Greenpeace T-shirt at denim shorts. May dala din siyang knapsack pero mas maliit ito kumpara sa dala ng lalaki.
Habang nagbabayad ang lalaki sa tricycle driver, lumapit ang babae sa signage ng Amaya Resort, pinagmasdan ito pati na rin ang 'For Sale or For Lease' sign na nakalagay sa ilalim ng signage. Halatang napabayaan na ito dahil nagfe-fade na ang enamel finish ng aluminium signage ng resort. Natigilan ang babae nang mapansin niyang may malaking gagamba ang gumagapang sa 'For Sale or For Lease' na sign.
"Puwede n'yo ba kaming balikan dito ng ganito ring oras bukas, Kuya?" Tanong ng lalaki sa driver ng tricycle.
"Naku!" Napakamot pa sa batok ang driver. "Maabutan ko pa kaya kayo dito?"
"Ha? Bakit?" Nangunot ang noo ng lalaki. 'Di siya sigurado sa narinig na sinabi ng driver.
"Trobol 'yang pinasukan n'yo."
Napalapit na sa kanila ang babae. Halatang na-curious sa takbo ng usapan nila.
"Pa'nong trobol?" Tanong ulit ng lalaki.
"Maraming namatay na mga guests d'yan sa resort na 'yan. Inaalay ng may-ari sa demonyo. Kung hindi n'yo nga ako binayaran ng malaki, 'di n'yo ko mapapapunta dito."
Napatingin ang lalaki sa kasamang babae. Awtomatikong nadukot niya ang panyo sa bulsa ng suot na khaki shorts at ipinunas sa namumuong pawis niya sa noo.
"So, hindi n'yo na kami babalikan bukas?" May pangamba sa boses ng lalaki.
"Hindi. Kung bukas eh makakaalis pa kayo ng buhay d'yan, maglakad na lang kayo ng mga isang kilometro sa may sangangdaan. Duon may masasakyan na kayo pabalik sa plaza."
Sinimulang paandarin ng driver ang tricycle niya. "God bless na lang sa inyo."
Habang papalayo ang driver sa kanila. Unti-unting umaaliwalas ang mukha ng babae hanggang tuluyan na itong mapangiti. "Confirmed!" Halos pasigaw na sabi nito.
Halatang asar na napatingin ang lalaki sa babae. "Oo! Confirmed! Confirmed na resort ng mga devil worshippers itong napuntahan natin! Pero saka ka muna matuwa dahil problema pa 'yung pag-alis natin dito bukas." At nagpauna nang pumasok sa resort ang lalaki.
"Isang kilometro lang na lakad, pinoproblema mo na? You're such a weakling, Dave. At dapat nga natutuwa ka pa na kinatatakutan 'tong lugar na 'to dahil that's precisely why we are here in the first place." Sagot naman ng babae sa pagrereklamo sa kasama niyang lalaki habang sinusundan ito.
Pinili na lang na huwag pansinin ni Dave ang rebuttal ng kasamang babae. Tumingin-tingin siya sa paligid. Hitsura nang napabayaan ang resort. Parang wala nang nagmamantine. Maraming kalat sa paligid. Usually mga kalat na galing sa kalikasan, gaya ng mga tuyong dahon at alikabok.
"Nasa'n na ba 'yung contact mo dito?" Baling na tanong ni Dave sa kasama.
"He should be here. Nagsabi na ako na dadating tayo around two PM at salubungin na lang tayo." Sagot ng babae na nilagpasan si Dave at pinagmasdan ang paligid ng resort. Dinukot niya ang cellphone sa bulsa ng kanyang shorts at tiningnan agad ang naka-display na digital clock sa screen. "One forty-five pa nga lang, eh. Sandali, try ko ngang tawagan."
Dina-dial pa lang ng babae ang numero ng contact niya sa hotel ay biglang lumabas mula kung saan ang napakaking Rottweiler. Bumubula ang bibig at kahol ng kahol. Muntik na mahulog ng babae ang cellphone niya ng makita ang aso. Napahakbang siya paatras at nagtago sa likod ni Dave. "Shit! Ang laking Rottweiler!"

BINABASA MO ANG
Out Of The Blue & Into The Black (Stories) (COMPLETED)
HorreurKoleksyon ng mga kuwento tungkol sa hiwaga at kababalaghan. Ang magkakatagning mga kuwento na naririto ay maaaring sumubok sa magbabasa kung gaano niya kayang magbasa ng kuwento ng hiwaga at katatakutan. 1st story (Pusa Ng Ina) - Anong gagawin mo ku...