Sinakmal ng abuhing kuting ang kagat-kagat na parte ng manok ng batik-batik na kuting. Nag-agawan ang dalawa sa pagkain. Parehong ayaw padaig at ayaw bitawan ng mga maliit nilang ipin ang kinakagatang pritong manok. Hanggang nainis na ang inaagawang kuting. Marahas nitong hinila ang kagat-kagat na manok na halos madala nito ang abuhing kuting na ayaw pa ring bumitaw. Umalis na sa tabi ng karton ang nanay na pusa at ngumingiyaw na lumapit sa dalawang nag-aaway na kuting. Ang puting kuting ay hindi pansin ang nag-aaway niyang magkapatid at tuloy-tuloy lang ito sa pagsimot ng laman ng karton.
Hindi pa rin nagpapigil sa pagsaway ng nanay na pusa ang dalawang kuting. Pero dahil siguro sa pagod sa paghila sa pagkain, lumuwag ang kagat ng batik-batik na kuting sa manok at tuluyan nahila ng abuhing kuting ang pagkain. 'Yun nga lang sa lakas ng paghila niya ay hindi sinasadyang nagpagulong-gulong ang abuhing kuting hanggang umabot siya sa may kalsada.
Unang nakapansin sa paparating na motor ang nanay na pusa at malakas itong ngumiyaw na tinawag ang abuhing kuting. Pero huli na bago nakakilos ang kuting. Kaagad itong nasalpok at nadaanan ng gulong ng mabilis at humaharurot na motorsiklo. Halos mapisa ang kuting sa kalsada. Sumambulat ang lamang-loob sa lakas ng tama. Sabog at kalat-kalat ang dugo sa paligid ng katawan. Dilat din ang mga mata ng kuting na tila hindi inaasahan ang trahedyang biglang dumating sa kanya. Malakas na nagngingiyaw ang nanay na pusa. Pati ang dalawang kuting ay natigil rin sa ginagawang pagkain nang makita ang sinapit ng kuting nilang kapatid.
Natigil sa pagpapatakbo ng motorsiklo si Reuben nang maramdaman ang impact nang matamaan ang kuting. Pinatay nito ang stereo ng motor saka inangat ang visor ng helmet at nilingon ang nadisgrasya niya.
Nakita niya ang kuting na napisa ng gulong ng motorsiklo niya at ang nanay na pusa na nakalapit na sa anak nito na ngumingiyaw ng malakas na parang tumatangis sa sinapit ng kanyang supling.
"Sorry." Sabi ni Reuben habang nakatanaw sa mga pusa.
Nuon lang napansin ng nanay na pusa ang nakasagasa sa kanyang kuting nang magsalita si Reuben. Kaagad tumayo ang mga balahibo nito at sumitsit habang tinitingnan ng masama ang rider ng motorsiklo.
Laking gulat ni Reuben nang biglang lumundag sa kanya ang pusa. Kaagad nangunyapit sa tela ng suot niyang motorcycle suit ang pusa at kinagat siya sa bandang balikat. Matalas at matalim ang ngipin ng pusa. Tumagos agad ito sa suot niyang suit at matagumpay siyang nasugatan sa bahagi ng balikat. Nagkakawag si Reuben at pilit pinalis ang pusa nakasabit sa likod niya. Pero matindi ang kapit ng pusa. Sumisingasing ito sa galit. Nararamdaman na ni Reuben ang pagkapunit ng suot niyang suit kasama ng balat niya sa balikat na sinasakmal ng pusa. Naramdaman na rin niya ang malakas na daloy ng sarili niyang likido sa likod. Sa tindi ng takot at balisa, binuhay niya ang motor at pinaharurot ng takbo. Pero nanatiling nakakapit sa likod niya ang pusa at mukhang hindi ito bibitaw kay Reuben.
Nang makita ng dalawang kuting ang nanay na pusa nila na umalis habang nakasampa sa likod ng nagmamadaling rider ng motor ay kaagad silang tumakbo pasunod dito. Iniwan nila ang katawan ng kapatid nilang kuting na sinisimulan ng dapuan ng mga langaw at insekto ang nawakwak nitong tiyan.
BINABASA MO ANG
Out Of The Blue & Into The Black (Stories) (COMPLETED)
HorrorKoleksyon ng mga kuwento tungkol sa hiwaga at kababalaghan. Ang magkakatagning mga kuwento na naririto ay maaaring sumubok sa magbabasa kung gaano niya kayang magbasa ng kuwento ng hiwaga at katatakutan. 1st story (Pusa Ng Ina) - Anong gagawin mo ku...