PAPALUBONG na ang araw. Kumakapal na ang dilim sa gubat na nakapaligid sa clearing. Pinapalaki ni Adrian ang apoy ng campfire nila habang tinutulungan naman ni Professor Soriano sina Benjamin at Leonard sa pagtayo ng naiwan nilang tent kanina. Dahil medyo nakakaramdam pa ng hilo ay hindi na nila pinatulong sa kanila si Luigi. Sa kanya natoka ang pagtusok ng hotdogs at marshmallows sa mga sticks na iihaw nila sa apoy mamaya habang nagkukuwentuhan sila.
"Prof, kamusta na daughter n'yo? Okay na ba siya?" Naisip biglang tanungin ni Benjamin habang nag-aayos sila ng tent.
Hinanap agad ng tingin ng professor si Cassandra. Nakita niya itong nakaupo sa isang maliit na bangkito, yakap-yakap ang Pusheen Cat stuff toy nito habang binabato ng mga ligaw na sanga ng kahoy ang nililiyabang campfire ni Adrian. Natuwa naman siya na sumunod ito sa bilin niyang huwag masyadong lumapit sa apoy.
Mukhang okay na naman si Cass, Benjamin." Sagot ni Professor Soriano nang bumaling ulit sa estudyante niya. "She easily forget things naman. Pag naiiyak na niya, the next moment wala na sa kanya."
"Nakakatakot kasi 'yung kinuwento ni Cassandra kanina. Biruin mo, Prof, kaya palang i-induce ng multo ang past life regression. It's amazing but at the same time I don't want to see what my past life was. Baka 'di ko kayanin kung ano 'yung makikita ko." Nanginig pa si Benjamin na parang kinilabutan pa sa naisip.
"Kung ako tatanungin mo, I don't believe it---past life and reincarnation. Sagradong Katoliko kasi ako. Para sa 'kin, kaya nangyari 'yung nangyari kay Cass kanina, marami kasing repressed emotions 'yang anak ko, ever since I broke up with her Mama. Kaya nagma-manifest sa ganyang paraan."
"You mean to say, Prof, 'yung batang multo na sumusunod sa daughter n'yo gawa-gawa lang niya?"
Mapaklang ngumiti si Professor Soriano at umiling. "Hindi ko alam, Benjamin. I don't have an answer to that."
"Okay na siguro ito, Prof, ano?" Sabad na tanong ni Leonard habang tinetesting ang pagkakatayo ng tent. "Hindi na siguro ito babagsak kahit humangin ng malakas.
"Oo. Okay na 'to." Segunda naman ng propesor. Nakuha pa nitong silipin ang loob ng tolda. "Mukha pa ngang mas malaki ang tent n'yo kaysa sa 'min."
"Okay nga 'yan, Prof." Sagot ni Leonard na nakisilip rin sa loob ng tent. "I need a big space kasi malikot akong matulog. Baka 'di ko namamalayan, nakapatong na ako kay Benjamin."
"Leonard, 'yang bibig mo!" Sita ni Benjamin mula sa labas ng tent.
Natawa naman si Leonard na bumalik sa labas ng tent. "O, bakit? I'm just stating a fact."
Natatawang napapailing na lumabas na rin ng tent si Professor Soriano. Kung iginawi lang ng propesor sa bandang kaliwa ang tingin niya, makikita sana niya ang malaking uwang na sumabit kanina sa kuwelyo ni Leonard mula sa trail ang nakakabit ngayon sa inside flap ng tent na para bang may hinihintay ito. May inaabangan.
Biglang pumunit sa malayong kakahuyan ang malungkot pero nakakapanindig-balahibong alulong ng isang asong ligaw. Naging alerto ang lahat. Nabitawan pa nga ni Luigi ang stick na kinakabitan ng hotdog nang marinig ang alulong. Nagtagal ang pag-iingay ng aso ng halos isang minuto bago ito tuluyang nanahimik.
"Buwisit na asong 'yan! Tinakot ako!" Naggalit-galitan si Luigi para madisimula ang takot na kumuha ulit ng stick para ituloy ang pagtusok ulit ng hotdog at marshmallow.
Halos patakbong lumapit naman si Cassandra kay Professor Soriano at yumakap sa pundyo ng pantalong suot nito.
"Dogs howling in the night. Normal na occurrence din ba 'yan sa campsite n'yo, Adrian?" Nanunuring tanong naman ng propesor.
"Wala 'yan. Talagang may umaalulong na aso dito almost every night. Tingin ko nga galing pang kabilang bayan 'yan eh. Pero 'di kayo dapat mag-worry. Hindi naman lumalapit 'yang mga 'yan. In fact, sa tagal ko na dito hindi ko pa nae-encounter 'yang mga asong ligaw na 'yan. Ano? Umpisahan na natin?" Nakangiting anyaya ni Adrian sa kanila.
At nagsimula na silang magkuwento sa isa't-isa ng kakatakutan.
~~~~~~~
NAKAPALIBOT na sila ng upo sa campfire. Bawat isa sa kanila ay may kaniya-kaniyang hawak na stick na may hotdogs at marshmallows habang niluluto ito sa apoy sa harap nila.
"Sir Adrian, kuwento n'yo 'yung tungkol du'n sa kubo ng mangkukulam na pinuntahan namin kanina." Halata sa mukha ni Luigi ang eagerness sa gustong marinig na kuwento.
"Luigi, I don't think it's wise..." Simulang sita ni Benjamin.
"O, kumokontra ka na naman, Benjie! Ikaw ba hindi ka ba curious kung bakit haunted ang lugar na 'yon?" Nanghahamong tanong naman ni Luigi.
"After nung mga nangyari sa 'tin habang nandu'n tayo? Hindi na 'no! Why would I torture myself further?"
"Ako. I would like to hear it." Sabad na sagot ni Leonard.
Napapantastikuhang napatingin naman si Benjamin kay Leonard na katabi niya sa pagkakaupo tapat ng campfire. "Pati ikaw? Of all people?"
"Iba kasi sa kaso ko, Benjamin. Dahil na-experience natin first hand 'yung weirdness nung lugar na 'yon, gusto ko tuloy malaman kung ano ba talagang meron. To understand it better."
"Pffft!" Halatang disgusted at diskuntado sa sinagot ni Leonard si Benjamin.
"Siguro, para fair, tanungin natin si Cassandra kung okay lang sa kanya na ikuwento ko 'yung tungkol sa kubo ng mangkukulam. Baka kasi lalo siyang matakot." Sabi ni Adrian sa kanila habang inaayos ang siga ng campfire para lalo itong magningas.
Lahat sila ay tumingin kay Cassandra na kalung-kalong ngayon ni Professor Soriano sa lap nito.
"Hindi naman ako takot. You can tell your story." Sagot nito habang kinakagat ang toasted marshmallow sa hawak nitong stick.
"Well, that settles it." Pinagkuyom pa ni Adrian ang mga palad.
Napatingin sa likuran si Cassandra, sa gawi ng mga nakatayo nilang tents. Nahagip nito ng tingin ang gusgusing bata na tumatakbo sa pagitan ng mga tolda nila na parang nakikipaglaro ng habulan sa sarili.
Inilayo agad ni Cassandra ang tingin sa naglalarong multo at lalong sumiksik sa dibdib ng propesor. Niyakap naman ni Professor Soriano ang anak na akala siguro ay nilalamig ito at hinalikan pa sa noo.
"O, pa'no ba 'yan, Benjie? Talo ka!" Naisipan pang mang-alaska ni Luigi.
Inirapan lang ni Benjamin ang kaibigan at itinalukbong sa ulo ang nakabalabal sa kanyang kumot.
May kinuha si Adrian na pouch sa tagiliran niya. Dumukot ito sa loob at isinaboy ang parang buhangin sa campfire. Lalong nagliyab ang apoy sa siga. Mula sa apoy, may makinang na tila maliit na mga tala ang humalo sa usok hanggang kumorte ito kaparis ng kubo na pinuntahan nina Benjamin kanina. Lahat sila ay napatingin sa kubong nalikha sa loob ng usok.
Hindi maitago ni Luigi ang pagkamangha habang pinagmamasdan ang pigura ng kubo sa usok. "Ang galing." Mahinang sabi nito.
"'Yan ang kubo na pinuntahan n'yo kanina." Simula ni Adrian habang nakatingin rin sa aparisyon sa usok. "Ang kubo ni Apo Tudlay."
Unti-unting naglaho ang aparisyon sa usok. Kaagad lumipat ang tingin nila kay Adrian. Lahat sila'y naghihintay sa susunod na sasabihin nito.
"Ang totoo, hindi ko talaga alam kung paano at saan nagsimula 'yang kubo na 'yan na talagang kinatatakutan dito sa Gabaldon, Nueva Ecija. Ang makukuwento ko lang sa inyo 'yung naranasan ko nung bata ako. Nung una kong makita ang kubo ni Apo Tudlay."
BINABASA MO ANG
Out Of The Blue & Into The Black (Stories) (COMPLETED)
HorrorKoleksyon ng mga kuwento tungkol sa hiwaga at kababalaghan. Ang magkakatagning mga kuwento na naririto ay maaaring sumubok sa magbabasa kung gaano niya kayang magbasa ng kuwento ng hiwaga at katatakutan. 1st story (Pusa Ng Ina) - Anong gagawin mo ku...