Pusa Ng Ina

81 1 0
                                    


OCTOBER 2019

MAG-A-ALAS diyes na ng gabi. Mapintog ang bilog na buwan sa kalangitan na napapalibutan ng nagmamadaling mga ulap. Pakaskas na itinigil ni Reuben ang motorsiklo sa tapat ng isang boarding house kung saan kasalukuyang nag-i-stay ang nobya niyang si Sally na nakaangkas ngayon sa kanyang likuran.

Kaagad bumaba sa motor si Sally. Sabay silang nagtanggal ng suot-suot na helmet ni Reuben. Ngingitian sana ni Reuben ang nobya at magsasabi sana ng malambing na "Goodnight" pero natigil iyon ng biglang ibato ni Sally ang helmet sa kanya. Buti na lang magaling ang reflex ni Reuben at nasalo niya ang helmet kahit ito nabigla.

"O, bakit ang sungit mo naman bigla?" Nag-aakusang tanong ni Reuben kay Sally na ngayon ay magkasalubong ang mga kilay na nakatingin sa kanya.

"Para ka kasing sira! Ang tulin-tulin mong magpatakbo ng motor! Muntik mo nang mahagip 'yung nadaanan nating magbabalot, 'di mo ba napansin?" Ngitngit sa inis na sabi naman ni Sally.

"Pambihira naman." Napakamot pa si Reuben sa batok. "'Di ka pa rin ba sanay sa 'kin? Na-master ko na 'yung mga pagkambyo ko sa motor ko. Kaya dapat 'di ka na kinakabahan, My Sweet."

"My Sweet, My Sweet. Ewan ko sa 'yo!" Iningusan lang ni Sally ang nobyo. "Pag 'di ka pa nagtino sa pag-drive d'yan sa motor mo, 'di na ulit ako aangkas sa 'yo. Magbu-book na lang ako ng Grab or sasabay na lang ako sa kotse ng ka-officemate kong si Luis."

"Aray naman!" Napahawak pa si Reuben sa kaliwang dibdib at minasahe pa ito na parang biglang sumakit ang puso niya. "Sino naman 'yang Luis na 'yan? Kausapin ko. Pagsasabihan ko na taken ka na."

"'Wag ka ngang pa-cute. Gay friend ko 'yun sa office. Kapitbahay ko lang 'yun dito. Sige na! Magluluto pa ako ng hapunan ko at kanina pa ako gutom." At tumalikod na si Sally para pumasok sa boarding house na tinutuluyan nito.

"'Wag ka nang mag-abala. Kain na lang tayo sa Jollibee du'n sa may kanto. Libre ko." Nakangiting anyaya ni Reuben.

"Gagastos ka pa. 'Wag na. Saka umiiwas na ako sa mga fastfood ngayon." Sagot ni Sally habang binubuksan ang gate papasok sa tinutuluyan.

"Teka lang, Sally! May nakalimutan ka pang gawin." Tawag ni Reuben nang makitang papasok na ang nobya sa gate.

Kunot-noong tinanaw naman ni Sally ang lalaki. "Ano naman 'yun, Reuben?"

"Wala pa 'yung goodnight kiss ko." At ininguso pa ni Reuben ang mga labi sabay pikit pa ng mga mata.

Sakto namang may isang malaking palaka na biglang lumabas sa mga halaman na nasa tabi ng gate at kumokak ng malakas.

"O, sakto! May ka-goodnight kiss ka na." At tumatawa pa si Sally habang ipinipinid ang gate pasara.

"Kaasar talaga 'tong babaing 'to." Nabubuwisit na isinuot ulit ni Reuben ang helmet saka pinaharurot ang motor paalis sa boarding house.

Tumalon-talon naman ang palaka palayo sa mga halaman na parang tinatanaw ang papalayong motor ni Reuben habang patuloy ang ingay sa pagkokak. Naalibadbaran din yata sa lakas ng tunog ng tambutso ng motor na pinatatakbo ng lalaki.

Out Of The Blue & Into The Black (Stories) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon