HALOS magta-tatlong oras nang nagbibiyahe sina Professor Soriano. Kasalukuyan nilang binabagtas ang Tanawan Road papuntang Junction Tablang. Pulos malalagong mga puno, talahiban at malalawak na pataniman ang nadadaanan nila. Nakatiyempo pa nga sila ng magsasaka na nag-aararo ng bukid gamit ang napakalaking kalabaw.

Kahit busy sa pagmamaneho si Professor Soriano, hindi niya mapigilang hindi nakawan ng tingin ang daughter niyang si Cassandra na nakaupo sa tabi niya. Hindi kasi sa mga nadadaanan nilang tanawin ito pirmihang tumitingin kung hindi sa itaas na parte ng windshield. Kasi naman nakikita na naman ni Cassandra ang batang lalaking gusgusin na nakita niya sa parking area kanina sa Cubao. Ngayon naman ay nakasilip ito pabaligtad mula sa itaas ng bubong ng sasakyan nila.

May ideya na ang propesor kung bakit ganuon ang mga gawi ng anak niya. Hindi pa nga lang niya nakakausap ng masinsinan si Cassandra tungkol duon. Kinusot niya muli ang buhok ng anak niya gamit ang isang kamay habang ang isa naman ay nakapirming nakahawak sa manibela.

"Gusto mo bang kumain ulit ng chips?" Tanong ni Professor Soriano.

"Mamaya na lang, Papa." Sagot naman ni Cassandra na hindi inaalis ang tingin sa itaas na parte ng windshield kung saan nakikita pa rin nito ang batang nakasilip. Niyakap pang lalo ni Cassandra ang hawak-hawak na Pusheen Cat na stuff toy.

Napailing na lang si Professor Soriano saka nagpatugtog ng kanta sa cellphone niyang naka-attach sa dashboard mount. Kaagad naman napuno ang loob ng sasakyan ng malamig na himig ng boses ni Bobby Vinton habang kumakanta ng classic hit song niya na Mr. Lonely.

Si Leonard naman halatang inaantok na sa biyahe ay napapasandal na ang ulo sa balikat ni Benjamin. Si Benjamin naman na naiinis dahil sa bigat ng ulo ng sumasandal sa kanya ay iuuntog ang balikat niya sa ulo ni Leonard. Mahihimasmasan naman si Leonard saka nito mapapansin si Luigi na nakaupo sa kabilang gilid niya na aliw na aliw sa paglalaro ng Fruit Ninja sa phone nito.

"Leonard." Tawag ni Benjamin nang mapansing hindi na inaantok ang katabi niya.

Kaagad namang nilingon ni Leonard si Benjamin at hinintay ang sasabihin nito.

"Hindi ka 'ata nagsabi kay Fara na sasama ka sa lakad namin."

"Hindi nga." Sagot ni Leonard saka biglang nangunot ang noo. "Teka. How did you know?"

"Kanina pa ako mine-message ni Fara. Tinatanong sa 'kin 'yung whereabouts mo." Sabi naman ni Benjamin sabay pakita ng mga messages ni Fara sa kanya sa phone sa katabi.

Saglit lang binasa ni Leonard ang mga messages ng girlfriend kay Benjamin. "Ang kulit talaga n'yan." Natatawang pakli nito.

"Hindi mo ba siya tatawagan to assuage her? Para hindi na niya ako kinukulit."

"Tinatamad pa ako, eh. Mamaya na lang. Pag andu'n na tayo sa resort ng friend ni Prof." At sumandal na sa upuan si Leonard. Ipinikit ang mga mata at ilang saglit pa ay maririnig mo nang humihilik.

Inismiran ni Benjamin ang katabi at isinuot na lang ang headphone at nakinig ng mga playlist niya sa Spotify para hindi marinig ang paghilik ng katabi.

Bigla namang naputol ang magandang tinig ni Bobby Vinton dahil may pumapasok na incoming call. Si Miriam. Ex-wife ni Professor Soriano at nanay ni Cassandra. Kaagad isinuot ng propesor ang Bluetooth wireless headset sa tainga saka saka sinagot ang incoming call. Si Cassandra naman ay patuloy pa ring nakikipagtitigan sa gusgusing batang sumisilip mula sa bubong ng Fortuner.

"Miriam! So nice of you to check on us this early." Makikinig saglit sa kabilang linya ang propesor. "Oo. Nasa biyahe pa kami." Maririnig mula sa headset ang matinis na boses na halatang inis o galit. "Hindi naman puro junk food lang ang dala ko for Cassandra. May oat cookies, may milk..." Biglang nasapo ni Professor Soriano ang bibig. Ang ratsada ng boses sa kabilang linya ay proof na hindi nito pinababayaang makapagsalita ang propesor.

Napatingin muli si Professor Soriano kay Cassandra. Pirmihan pa rin itong nakatingin sa itaas na bahagi ng front windshield na parang hindi nito pansin na ang Mama na nito ang kausap ng propesor sa phone. Tumingin rin saglit ang propesor sa bahagi ng windshield na tinitingnan ng anak pero ang abuhing langit lang naman ang nakikita niya.

Naisip tuloy ng propesor na ialok ang tawag kay Cassandra. Hindi lang dahil naririndi na siya sa walang tigil na salita ng ex-wife kung hindi para maputol ang parang trance state ngayon ng anak.

"Cass, do you want to speak to Mama?" Alok ni Professor Soriano habang tinatanggal ang Bluetooth headset sa tainga.

Mabilis ang mga sumunod na pangyayari. Biglang ibinalik ng gusgusing bata ang ulong nakasilip sa ibabaw ng kotse. Napadukwang sa inuupuan si Cassandra para habulin ng tingin ang gusgusing bata biglang nagtago sa kanya. Kasabay niyon ay may isang unggoy ang biglang pumuslit mula sa tinataguan nitong mga damo na nasa gilid ng daan at tumatakbo sa sentrong dinadaanan ng kotse nila.

Si Luigi ang unang nakapansin sa unggoy. "Prof!"

Napansin din kaagad ng propesor ang unggoy at kaagad na inapakan niya ng malakas ang brake ng kotse. Lumikha ito ng nakakangilong tili ng mga gulong sa daan. Pero tinamaan pa rin nito ang unggoy at kumalabog ang katawan nito ng malakas sa front bumper ng kotse saka napahiga sa kalsada. Napatili ng matinis si Cassandra. Nanlaki ang mga mata ni Leonard mula sa pagkakatulog sa lakas ng paghinto ng kotse. Agad na tinanggal naman ni Benjamin ang nakasaksak niyang earphones.

Bumangon naman ang unggoy mula sa pagkakabundol. Pero bigla naman itong tumalon sa hood ng kotse at gamit ang dalawang kamay ay sinimulan nitong bayuhin ang hood ng sasakyan. Magkakaroon ito ng kaunting yupi na mapapansin lang nila pag nakapunta na sila sa resort.

Sinigawan ito ng malakas ng propesor. Saka lang tumalon ang unggoy mula sa hood ng Fortuner at nagtatakbong muli papunta sa kabilang parte ng kalsada at nagtago ulit sa mga damuhan.

Nang mawala na sa paningin ng propesor ang hayop saka lang nito napansin na matinis pa ring tumitili si Cassandra habang sapo ng dalawang kamay nito ang magkabilang tainga.

Niyakap kaagad ng propesor ang anak, inalo at binulungan ng maamong salita para tumahan. Nakaligtaan niyang nasa kabilang linya pa ng call niya ang ex-wife na ngayon ay maririnig ang frantic nitong boses na nagmumula sa Bluetooth headset.

Out Of The Blue & Into The Black (Stories) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon