MATULIN ang patakbo ng motorsiklo ni Reuben. Sinabayan pa niya ng malakas na patugtog ng kantang Chop Suey ng bandang System Of A Down mula sa speaker ng motor. Hindi iilan sa mga nadadaanan niya ang namura siya habang sinusundan siya ng masasamang tingin. Isang lalaki ang nagpapahinga sa makeshift hammock sa lawn ng bahay niya ang nagulat sa biglang harurot ng motor ni Reuben sa tapat ng bahay niya kaya nahulog ito sa hinihigaan hamakan at diretsong lumagpak sa damuhan. Halos bumula ang bibig ng lalaki sa pagmura sa papalayong si Reuben. May isa namang hairstylist ang konsentrado sa paggupit sa buhok ng parukyanong babae pero nang humarurot si Reuben sa tapat ng salon niya ay napalaki ang agwat nito ng gupit sa buhok ng kanyang kustomer. Halos habulin tuloy ng parlorista si Reuben nang lumabas ito ng salon habang sumisigaw na ma-flat sana ang gulong ng motor nito. Panay naman ang sigaw ng "Sorry!" ni Reuben sa mga nadadaanang napeperwisyo niya. Pero tuloy pa rin niyang pinahaharurot sa pagtakbo ang motor at lalo pang nilakasan ang rock music na pinapatugtog.

--------------------

NAKASAMPA ulit sa ibabaw ng basurahan ang nanay na pusa at itinutulak ang isang take-out carton ng Jollibee na may laman na tirang chicken at spaghetti gamit ang ulo at ang matalim na kuko sa harapang paa nito. Hanggang tuluyang gumilid ang karton at mahulog sa kinapupuwestuhan ng tatlong kuting na ngiyaw ng ngiyaw sa nanay nilang nasa taas ng basurahan. Pero nabaling agad ang pansin ng mga kuting sa lumagpak na pagkain at kanya-kanya ang mga ito ng hablot ng parte ng manok at hibla ng noodles ng spaghetti gamit ang kanilang maliliit na ipin.

Bumaba na rin ang nanay na pusa mula sa basurahan at nakisalo sa pagkain na pinagkakaguluhan ng mga anak niyang kuting. Nakatiyempo ng malaking parte ng manok ang kuting na maybatik-batik na kulay. Nang mapansin ito ng kuting na abuhin ang balahibo ay kaagad itong lumapit sa pilit na inaagaw ang malaking parte ng manok na ngasab-ngasab ng batik-batik na kuting. Kaagad na galit na umungol ang kuting na may kagat na malaking parte ng manok at lumakad kaunti palayo pero ayaw siyang tantanan ng abuhing kuting at pilit na inaagaw sa kanya ang manok. Nag-angat ng mukha ang nanay ng pusa mula sa kinakain sa karton at ngumiyaw ng malakas para sawayin ang dalawa niyang kuting pero mukhang ayaw paawat ng dalawa.

Out Of The Blue & Into The Black (Stories) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon