TAHIMIK at madilim ang resort house nang magsimulang mag-explore si Myra. Kahit pa matirik ang sikat ng araw sa labas, parang sadyang kaparte na ng dilim ang kabuuan ng bahay. Na kahit gaano kaliwanag pa sa labas, mananatiling sakop ng dilim ang interiors nito.

Inilabas ni Myra ang phone, nilagay ito sa video mode at nagsimulang mag-record. Napadaan siya sa kusina at nakita niya si Lino na abala sa pagluluto. Base sa mga sangkap na nakalatag sa mesa, mukhang chicken adobo ang niluluto ng binatilyong caretaker. Amoy na amoy ni Myra ang ginigisa nitong bawang.

Nilampasan ni Myra ang kusina at nagpatuloy maglakad papunta sa living room area ng resort house. Maraming siyang nakita mga antigong gamit. Nilapitan niya ang malaking grandfather clock na siyang pinaka-dominanteng furniture sa living room area. Habang kinukuhanan ni Myra ng video ang mukha ng orasan hanggang sa gumagalaw na pendulum nito sa ilalim ay nakarinig siya ng sunud-sunod na pagtapik sa salamin. At nakita niya ang malaking Rottweiler na sumalubong sa kanila kanina. Tahol ng tahol ito habang hinahampas ng front paws ang salamin ng bintana sa living room. Napaatras si Myra. Nag-aalala siya na baka mabasag ng aso ang salamin ng bintana at daluhungin siya bigla.

Lumayo agad si Myra at hinanap ang pinto kung saan sila nagdaan kanina ni Dave at ni Lino papasok sa resort house. Hindi naman siya nahirapan sa paghahanap. Nang makalabas siya ng resort house, hinanap niya ang garahe kung saan nakaupo ang sinasabi ni Dave na guwardiya ng resort na kini-claim ni Dave na patay na. Pero maingat din siya huwag mapadaan sa pinupuwestuhan ng mainitin na ulo na Rottweiler. Isa pa naman iyon sa phobia niya. Ang makagat ng asong nauulol.

Nahanap rin ni Myra ang garahe. Nakita niya ang guwardiya na pa-slouch ang pagkakaupo sa silya. Nakaharap palayo sa kanya ang mukha. Base sa hitsura nito mula sa malayo, mukha himbing lang ito na natutulog. Pero todo pa rin ang kaba ni Myra habang lumalapit dito. Pilit niyang ini-steady ang hawak sa phone niya para hindi maugang lumabas ang pagvi-video niya.

Nang makalapit na si Myra ng kaunti nagsimula siyang makaamoy ng masangsang at parang nabubulok na laman. Mas kumakapal na rin ang langaw habang lumalakad siya palapit sa kinapupuwestuhan ng upo ng guwardiya. Sa kabila ng mga signs na nakikita at naamoy niya, parang ayaw pa ring irehistro ni Myra sa isip na talagang patay na ang security guard na kinukuhanan niya ng video. Paano kung patay na nga 'yung guwardiya? Kailangan sabihin nila ito sa caretaker na si Lino. Posibleng tumawag sila ng mga pulis at medico legal. Mabubulilyaso ang paranormal investigating vlog na gagawin sana nila. Gugustuhin ba niyang mangyari 'yon? Pero kung sakaling patay na ang guwardiya, puwede pa rin silang makisali sa pag-imbestiga kung bakit at paano ito namatay. Kung papayag ang pulisya. Malamang pumayag naman ang mga ito. Hindi sila mahihindian ng mga ito. Sila nakadiskubre sa bangkay. At mga influencers na rin silang matatawag. Marami na silang followers sa YouTube channel nila. Million ang mga views ng kanilang videos. Dapat lang na pumayag sila idokumento ito.

Natigil bigla si Myra sa paglapit sa security guard at sa tinatakbo ng isip niya nang biglang may humawak sa braso niya. Kulang na lang mapatili siya sa gulat. Si Lino lang pala ang humawak sa kanya. Seryoso ang mukha nito.

"Hinahanap ka nung kasama mo. Nakalimutan daw niya ang password du'n sa laptop na ginagamit n'yo." Kaswal na sabi sa kanya ni Lino.

"Lino, 'yung security guard n'yo. Kanina pa siya sa ganyang puwesto. Baka mamaya na-heart attack na siya. Gusto mo i-check natin?"

Saglit na tiningnan lang ni Lino ang security guard at binaling uling ang tingin kay Myra. "Ganyan talaga 'yang matulog si Kuya Celso. Tulog mantika. Saka masama ang timpla niyan pag ginigising. Pabayaan na lang natin siya. Siya pa mismo ang kusang papasok sa bahay pag nagising na 'yan at nagutom. Du'n ko na lang kayo ipapakilala sa kanya."

"Pero parang ang baho ng amoy kase..." Sabi pa ni Myra pero naputol na ang sasabihin niya ng hinila na siya ni Lino pabalik sa resort house.

"'Lika na! Mainit na 'yung ulo nung ka-partner mo at may kailangan daw siyang i-access du'n sa laptop n'yo."

Wala nang nagawa si Myra kung hindi sumama na lang kay Lino.

Kung nakalapit pa ng konti si Myra kay Celso at pumuwesto ng harap sa mukha nito, makikita niyang  dukot na ang dalawang mata nito na pinalilibutan na ng mga langaw at uod. At lalo niyang maamoy ang umaalingasaw na baho sa katawan nito.

Makalipas ang ilang sandali, lumapit dito ang Rottweiler at sinagpang ang binti ng security guard. Sinimulan itong hilahin ng aso mula sa binti hanggang humuso ang katawan ni Celso sa upuan hanggang tuluyang bumagsak. Patuloy hinila ng Rottweiler ang katawan ni Celso palayo sa garahe. Kung saan niya ito dadalhin, ang aso lang ang nakakaalam.

Out Of The Blue & Into The Black (Stories) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon