MASAKIT na ang tagiliran ni Myra pero ayaw pa rin niyang tumigil sa pagtakbo. Ramdam din niya ang lagkit ng katawan dahil sa pawis na lumalabas sa kanya. Pero paano ba niya maiisipang tumigil kung ramdam niya sa mga ingay na nangyayari sa likod niya habang patuloy siyang hinahabol ng halimaw? O aswang ba 'to? Shit! Ayaw na niyang mag-isip. Sumasagi na naman sa isip niya kung paano humiwalay ang ulo ni Dave nang tamaan ito ng palakol. Ang bumubulwak na dugo nang matanggal ang ulo nito sa katawan. Naiiyak na siya. Pinipigilan niya pero naiiyak talaga siya. Peste! Kung pinansin niya lang kaagad 'yung mga signs na nakita niya nu'ng una pa lang, hindi sana aabot na mapapatay ang partner niya at siya ay parang sukol na hayop na hinahabol ngayon sa madilim at masukal na gubat.
Wala ring tulong ang iniilawan ng headlamp niya dahil bukod sa umuuga ang ilaw habang tumatakbo siya, parang walang katapusan na mga puno at malubak na lupa ang nadadaanan niya. 'Yung mga hawak niya kaninang gimbal kung saan naka-attach ang iPhone niya at ang EMF reader, itinapon niya habang tumatakbo palayo kanina pa. Kaysa ma-impede siya sa pagtakbo habang dala-dala ang mga ito, minabuting i-discard na lang niya ito at piliing iligtas ang buhay niya. Matanaw lang niya ang resort house, alam na niya kung saan siya pupunta. Alam na niya kung saan direksyon siya tatakbo. At hindi siya titigil hangga't hindi siya nakakakita ng puwede niyang sakyan papunta sa plaza.
Pero dahil sa madilim ang dinadaanan niya sa kabila ng ilaw ng headlamp at sa kapal ng mga puno sa pagilid niya, hindi niya namalayan ang pababang dalisdis o slope na naapakan niya. Nawalan si Myra ng balanse at tuloy-tuloy na nahulog at gumulong pababa sa slope.
Hilo si Myra nang marating niya ang level ground ng slope. Hirap din siyang bumangon sa pagkakahiga sa mabato at maalikabok na lupa. Natigil sa pagdaing dahil sa sakit ng katawan si Myra nang makarinig ng galit na pag-angil ng aso. Saka niya nakita ang Rottweiler na aso na alaga ni Lino na lumalakad palapit sa kanya. May kagat-kagat ito sa bibig. Nang makalapit na ito ng ilang dipa mula sa kanya, saka nito binitawan ang kagat-kagat sa bibig at galit na tinahulan si Myra. Tumalbog at gumulong sa direksyon ni Myra ang binitawan ng aso. Saka lang nakita ni Myra na ang pugot na ulo ng security guard pala 'yun nang tumigil sa paggulong ang ulo sa harap niya.
Tigagal na napatingin si Myra. Halos lumuwa ang sarili niyang mga mata sa nakita. Hindi tuloy niya namalayan na nakalapit na sa likod niya si Apo Tudlay. Bago pa siya makasigaw, hinawakan na si Myra sa ulo gamit ang dalawang kamay ng halimaw at tinagilid iyon ng malakas hanggang lumagutok at mabali ang leeg niya. Patay na bumagsak sa lupa si Myra, pero nanatiling dilat na dilat sa gulat ang mga mata. Nawala na rin sa normal na anggulo ang hugpuan ng ulo nito sa leeg.
Napatingin ang aso kay Apo Tudlay at sa wala nang buhay na katawan ni Myra saka ito umalulong ng malakas. Pumunit ito sa kabuuan ng gubat na balot na ngayon ng dilim ng gabi.
~~~~~~~
PAGSAPIT ng umaga, nasa living area si Lino at may kausap sa telepono. Habang sa sahig sa harapan niya ay may nilalaro ang itim na aso na piraso ng kamay ng isang babae sa pagitan ng mga ngipin nito.
"Dumating ho sila dito kahapon. Tapos pumunta sila du'n sa trail sa likod ng property para mag-record ng video nila. Pero hanggang ngayon umaga hindi pa sila dumadating. Baka nag-spend ng gabi sa bakanteng campfire duon." Saglit na nakinig sa kabilang linya si Lino. "Oho. Naiwan pa nila dito 'yung mga gamit nila." Nakinig ulit si Lino. "Tinawagan n'yo na ba sa cellphone nila?" Nakinig ulit. "Ganu'n ba? Ano'ng plano n'yo ngayon?" Nakinig ulit si Lino at unti-unting ngumiti pero ang boses ay puno pa rin ng concern. "Sige ho. Welcome po kayong pumunta dito sa resort. Baka kasi naligaw lang sila sa trail. Samahan ko pa kayo."
Sa labas. Sa harap ng shed, may tatlo na ngayong ulo na nakatarak sa sulo ang nakatayo. Mga putol na ulo ng security guard, ni Dave at ni Myra. Nagmukha ang mga itong nakakatakot na dekorasyon para sa isang haunted site. Nagsimulang gumalaw ang mga ito habang sumisilip sa loob ng mga bibig nila ang nanlilisik at puno ng ugat na mga mata.
Sa loob ng shed naroon nakapuwesto ang estatwa ni Apo Tudlay sa porma nitong naka-Indian sit at magkasalikop ang dalawang kamay sa dibdib. Maraming gumagapang na gagamba, alupihan, uwang at iba pang insekto. Naghihintay. Nag-aabang ng mga bagong bibiktimahin sa tulong ng pag-eenganyo ng bago niyang mine-mentor na si Lino.
(January 17, 2021-January 27, 2021)
-END-

BINABASA MO ANG
Out Of The Blue & Into The Black (Stories) (COMPLETED)
HorrorKoleksyon ng mga kuwento tungkol sa hiwaga at kababalaghan. Ang magkakatagning mga kuwento na naririto ay maaaring sumubok sa magbabasa kung gaano niya kayang magbasa ng kuwento ng hiwaga at katatakutan. 1st story (Pusa Ng Ina) - Anong gagawin mo ku...