MAINGAT na humakbang si Leonard paakyat sa hagdan ng kubo. Lumalangitngit ang bawat baitang ng hagdang naapakan ng suwelas ng suot niyang rubber shoes.
"Leonard, dito ka na lang. 'Wag ka nang pumasok d'yan." Tawag ni Benjamin sa kanya pero desidido si Leonard na tingnan ang loob ng kubo. Hindi na niya naririnig ang mga ungol na narinig niya kanina pero parang may nag-uudyok pa rin sa kanyang silipin ang loob nito.
Habang umaakyat sa hagdan ay unti-unting lumilitaw sa paningin niya ang paligid ng kubo. Maayos ang loob at hindi makalat pero halatang matagal na itong napabayaan at wala nag-aasikasong linisin ito sa kapal ng alikabok at mga sapot ng gagamba sa paligid. Pero ang umagaw ng atensyon ni Leonard ay ang rebultong bato ng isang matandang babae sa gitna ng kubo. Nanindig ang balahibo ni Leonard. Kahit yari sa bato ang estatwang nakikita niya at sa lohikal na pag-iisip ay hindi naman siya masasaktan nito ng pisikal ay hindi pa rin mapigilan ni Leonard na makaramdam ng sindak. Hindi niya gusto ang hitsura ng rebultong bato. Unsettling para sa kanya ang porma nitong magkasalikop ang mga kamay sa dibdib, nakapikit ang mga mata at nakangisi ang tikom nitong bibig. Parang handa ito sa kahit anong klase ng pagsalakay.
Nang tuluyan na siyang makaakyat sa huling palapag ng hagdan at makapasok sa bukana ng pintuan ng kubo ay duon lang napansin ni Leonard na nakaupo ang estatwa sa gitna ng nakaguhit na pentagram sa sahig. Yari sa chalk ang nakaguhit na pentagram pero nakapagtatakang matingkad pa rin ang pagkakaguhit nito sa sahig at parang hindi ito apektado ng paglipas ng panahon. Liban na lang kung may madalas na pumupunta sa kubo para i-retouch ang pentagram.
Nuon lang napansin ni Leonard na meron isang putol na kamay ng tao sa harapan ng estatwa. Galing sa lalaki ang kamay base hitsura at laki nito. Meron pang wedding ring na nakasuot sa isa sa mga daliri ng kamay. Pero ang ikinabigla ni Leonard ay may isang malaki at mabalahibong daga ang ngumangasab sa duguan at hiwang parte ng kamay. Nang maramdaman ng daga ang nanghihimasok na presensya ni Leonard sa pintuan ay umirit ito ng malakas saka mabilis na nagtago at sumiksik sa ilalim ng katre na nakapuwesto sa sulok ng kubo.
Sinundan ng tingin ni Leonard ang nagtagong daga at ibinalik ulit ang tingin sa estatwa. Hindi kontrolado ang sarili lumakad siya papalapit sa estatwa. Para magnet ang rebulto at siya naman ay isang metal na nababatubalani palapit dito.
"Umalis na tayo dito! Tara na!" Narinig ni Leonard na sigaw ni Benjamin mula sa labas ng kubo. Pero parang walang lakas si Leonard na pigilan ang sarili na hindi lumapit sa rebulto. At ang mga tawag ng kasama niya ay parang nanggagaling sa napakalayong lugar at walang halaga sa kanya. Ang importante ay makalapit siya sa rebultong tinititigan niya ngayon.
Sa labas ng kubo, nagawi ang tingin ni Luigi sa hilera ng mga sulo sa bakuran ng kubo. Nakita nito ang bangkay na ulong tinitingnan ni Leonard kanina. Pati na rin ang hindi kumukurap na matang nakatingin mula sa bibig ng bangkay. Matang nakatingin ngayon sa kanila. Napalahaw ng sigaw si Luigi.
Sa loob ng kubo, rinig ni Leonard ang mga sigaw ni Luigi pero nakatuon ang buong pansin niya sa rebulto. Nakatayo na siya sa harapan nito at unti-unting ibinaba ang kaliwang kamay parang hawakan ito sa ulo. Pero bago pa dumikit ang kamay niya sa eatatwa biglang naggalawan ang mga gamit sa loob ng kubo. Inakala tuloy ni Leonard ay lumilindol. Huli na nang mapansin niyang biglang umangat ang maliit na mangkok na nakapatong sa kalan malapit sa bintana. Umitsa ito papunta sa kay Leonard. Malakas na tumama ang mangkok sa gilid ng noo ni Leonard. Napahiyaw siya sa sakit sabay hawak sa natamaang bahagi ng ulo niya. Bumagsak ang palayok sa sahig at nagkadurog-durog sa paanan niya.
Habang hawak ni Leonard ang nasaktang bahagi ng noo niya, unti-unting naglabasan sa kung saan-saang sulok ng kubo ang malalaki at mabababalahibong gagamba. Gimbal si Leonard nang mapansin ang mga ito at kaagad napaatras nang sabay-sabay na gumapang ang mga gagamba papalapit sa kanya.
BINABASA MO ANG
Out Of The Blue & Into The Black (Stories) (COMPLETED)
TerrorKoleksyon ng mga kuwento tungkol sa hiwaga at kababalaghan. Ang magkakatagning mga kuwento na naririto ay maaaring sumubok sa magbabasa kung gaano niya kayang magbasa ng kuwento ng hiwaga at katatakutan. 1st story (Pusa Ng Ina) - Anong gagawin mo ku...