BUSING-BUSY si Leonard sa paglalaro ng Mobile Legend sa phone nito habang nakaupo sa bench sa malilim na bahagi ng campus ng University Of Saint Therese nang lapitan siya nina Troy at Ron. Pinagitnaan pa siya ng dalawa sa bench at kunwaring interesadong tinitingnan ang paglalaro nito. Hindi naman talagang close kay Leonard ang dalawa. Nagkataon lang kasi pare-pareho silang magkakasapi sa Zappa Phi Kappa at nagkakasama sa mga civic activities ng fraternity na kinabibilangan nila kaya kilala ni Leonard ang mga ito.
Medyo dudang tinapunan ng tingin ni Leonard ang dalawa niyang katabi saka itinuloy ang paglalaro. "Kung tungkol ito du'n sa ML tournament for next month sa SM North, nagpa-enlist na ako. Kaya 'wag n'yo na akong kulitin dalawa."
"Hindi naman 'yun ang reason kung bakit kami nandito." Sabi naman ni Troy.
Sakto namang naglalakad sa open grounds ang isang lalaking estudyante na may kausap na tatlong female students na kasabay nito sa paglalakad. Maliit sa pangkaraniwan lalaki ang estudyante. Mas matangkad pa nga dito ang mga babaing kausap niya. Mahilig pa sa oversized shirts at baggy pants ang lalaki kaya lutang na lutang lalo ang pagkapayat nito. Halos matabunan din ang pigura nito sa mga dala-dalang libro, notebook binder, nakarolyong kartolina at messenger bag habang kinakausap ang tatlong estudyante tungkol sa tinatapos nilang art project.
Napatingin sa payat na lalaking nasa open grounds si Ron saka umakbay kay Leonard. "'Di ba, Leonard, kilala mo 'yang si Benjamin?"
Saglit na tiningnan ni Leonard ang Benjamin na tinutukoy ni Ron na nakatayo sa open grounds saka ibinalik ulit ang tingin sa nilalarong Mobile Legend. "Bakit mo natanong?"
"Napapansin kasi namin na parang may kursunada 'yang si Benjamin sa 'yo. 'Di ba, Troy?" Inabot pa ni Ron mula sa pagkakaakbay kay Leonard ang balikat ni Troy para tapikin.
"Oo nga." Susog naman ni Troy. "Pansin mo, Leonard, tuwing makakasabay ka naming sa locker area, mapapatingin 'yang si Benjamin sa 'yo kahit may kinakausap siyang ibang kaklase."
"At ikaw naman du'n kay Audrey naman pirmihang nakatingin." Gatong na tukso naman ni Leonard kay Troy. Ang kaklase nila sa English Lit ang tinutukoy ni Leonard na madalas kuning muse ng Falcon Crest, ang banner basketball team ng unibersidad, sa tuwing may tournament itong sinasalihan.
Napakamot naman sa batok si Troy na tila nahihiya. "Iba naman 'yun."
"Eh, nung one time nung kinausap tayo ni Brod Caloy sa cafeteria para sa venue ng susunod na chapter meeting natin. 'Di ba andu'n din 'yang si Benjamin. Mag-isang lang kumakain. Pero nung mapatingin ka sa kanya, biglang inangat sa mukha niya 'yung binabasa niyang textbook na kunwari hindi mo napansin." Si Ron naman ngayon ang nag-volunteer ng scenario kay Leonard.
"Teka lang," binababa ni Leonard ang hawak na phone at may suspetsang sinulyapan ang dalawang lalaki nakapagitna sa kanya. " Sabi n'yo may gusto kamo sa akin. Bakit parang kayo 'ata may gusto du'n sa tinutukso n'yo sa 'kin at lahat ng mga kinikilos nu'ng tao kabisado n'yong dalawa?"
"Seryoso kami, sira!" Sagot naman ni Troy.
"Ano ba talaga kasi sadya n'yo? Be straight to the point kase." Medyo iritable nang sabi ni Leonard.
"Gusto sana naming makipagpustahan sa 'yo." Diretsong pahayag si Ron.
Kunot-noong napatingin si Leonard sa ka-brod.
"Gusto sana namin na paaminin mo 'yang si Benjamin na may gusto talaga siya sa 'yo." Patuloy na pahayag pa ni Ron.
"Seryoso kayo?" Hindi makapaniwala na napatingin si Leonard sa dalawa.
"Mukha ba kaming nagbibiro?" Ganting tanong naman ni Troy.
"Paano kung umamin? What would that entail?" Sunod na mga tanong ni Leonard.
"I-treat ka namin ni Troy ng ramen bowl at gyoza sa Ippudo. Or dadagdagan namin 'yung koleksyon mo ng funko pop ng mga favorite mong Marvel characters." Paglalatag ng reward ni Ron.
"Pag wala namang inamin, ano naman ang mangyayari?" Sunod na tanong ni Leonard.
Bahagyang inilapit ni Ron ang mukha sa tainga ni Leonard at halos ibinulong ang sinabi. "Magpatalo ka sa ML Tournament para sure ball na ako ang mananalo. I badly need the cash prize, P're. Hope you understand."
Nawewerduhan na napatingin na lang si Leonard sa dalawang katabi niya sa bench. Pero isinaloob na lang niya ang sariling opinyon at itinuloy ang paglalaro sa phone.
"Bakit ang init pala ng dugo n'yo d'yan. May atraso ba 'yan sa inyo?" Tanong muli ni Leonard habang nakatuon ang tingin sa laro.
"Ang yabang kasi masyado. Akala mo kung sino. Nagpapaturo lang ako sa Trigonometry equation sa Math class na kaklase ko siya. 'Di man lang tiningnan 'yung papel ko. Ang sabi lang, tyagain ko lang daw at gamitin ko kahit kaunti 'yung brain ko. Sarap pitikin sa ilong." Naghihimutok na sabi ni Troy.
"Saka nakakainis din 'yang si Benjamin. Panay pa-press release na straight daw siya at naka-ilang girlfriends na. Eh, halata namang ang lamyang kumilos at napaka-soft spoken. Mas matigas pa ngang kumilos ang young sister ko compared sa kanya." Ang sentimiyentong pahayag naman ni Ron.
Napailing na lang si Leonard. "Ang laki ng problema n'yong dalawa."
Umalis na ang mga kausap na babae ni Benjamin sa open grounds. Saka nagawi ang tingin nito sa kinauupuang bench nina Ron, Troy at Leonard. Nagsimula itong maglakad palapit sa bench.
Naalarmang bigla sina Troy at Ron.
"Bakit biglang naglalakad palapit 'yan?" Halos manlaki ang mga mata ni Ron habang nakatingin sa papalapit na si Benjamin.
"Ikaw kasi. Ang lakas ng boses mo. Narinig ka tuloy." Paninisi naman ni Troy.
Si Leonard naman kampante pa rin sa paglalaro sa phone na parang hindi napapansin ang mga nangyayari sa paligid niya.
Saktong tumigil si Benjamin sa tapat ni Leonard. "Uy, Leonard! Magsisimula na 'yung Chemistry class natin. 'Lika na!" Nakangiti pa si Benjamin habang niyaya si Leonard.
Duon lang nag-angat ng tingin si Leonard mula sa nilalarong game sa phone."Time na ba? Ang bilis naman."
Saglit na tinapunan ng tingin ni Benjamin sina Troy at Ron saka ibinaling ulit ang tingin kay Leonard. "Hindi ka pa ba tatayo d'yan? Mauuna na ako sa 'yo."
"Sige, sige. Sabay na tayo." At nag-exit na si Leonard sa game at ibinulsa kaagad ang phone.
Nagkatinginan sina Troy at Ron nang makitang sumabay si Leonard kay Benjamin sa paglakad papunta sa Chemistry class nila.
"Magkakilala pala ang dalawa. Baka isumbong ako ni Leonard." Nag-aalalang sabi ni Ron.
"Ikaw kasi. May pusta-pusta ka pang nalalaman d'yan." Parang naninisi na sabi naman ni Troy.
Nangingiti si Leonard sa naririnig na pag-uusap ng dalawa habang kasabay si Benjamin na naglalakad palayo sa bench.
Napansin naman ito ni Benjamin. "Nangingiti ka d'yan. Baka mamaya nakalimutan mo na naman ang lab coat mo, pagagalitan ka na naman ni Prof."
"Dala ko. Actually, andu'n sa locker ng girlfriend ko. Daanan lang natin saglit. Puwede?" Tanong ni Leonard.
Tumango lang si Benjamin at tuloy-tuloy na silang lumakad papunta sa locker area.
BINABASA MO ANG
Out Of The Blue & Into The Black (Stories) (COMPLETED)
HorrorKoleksyon ng mga kuwento tungkol sa hiwaga at kababalaghan. Ang magkakatagning mga kuwento na naririto ay maaaring sumubok sa magbabasa kung gaano niya kayang magbasa ng kuwento ng hiwaga at katatakutan. 1st story (Pusa Ng Ina) - Anong gagawin mo ku...