HABANG nagkakagulo sa bakuran, salitan ng ingay ng mga sigaw at putok ng baril, si Leonard naman ay nakatingin sa ulo ni Benjamin na gumulong malapit sa kanya nang mabitawan ito ni Mang Berto kanina. Sumisigok at nanlalabo ang mga mata sa luha, dahan-dahan niyang kinuha ang pugot na ulo ng kaibigan. Inilapit ito sa kanyang dibdib saka niyapos. Walang tigil ang agos ng luha niya. Ang dibdib niya parang sasabog sa tindi nang nadaramang emosyon. Nakatingin lang sa kanya ang mga mata ng rebulto ni Apo Tudlay. Walang mababakas na emosyon. Parang banyaga para dito ang emosyong pinapakita ngayon ni Leonard sa pagkawala ng kaibigan.
Sa ganoong posisyon naabutan ni Cassandra si Leonard sa hagdanan ng kubo. Kung sa ibang bata, pag nakakita ito ng ganuong senaryo ay baka nag-iiyak na itong tumakbo palayo. Pero si Cassandra ay punong-puno ng kuryosidad na tiningnan pang maigi ang yakap-yakap na pugot na ulo ni Leonard habang walang tigil ito sa pag-iyak. Concerned na napatingin si Cassandra kay Leonard saka inilapat niya ang sariling kamay sa isang kamay ni Leonard na nakahawak sa ulo ni Benjamin.
Ang batang multo ay tuluy-tuloy na pumasok sa loob ng kubo saka sinimulang nitong guluhin at ikalat ang mga kasangkapan sa loob. Binaligtad nito ang maliit na katre. Itinumba nito ang isang divider na naglalaman ng ilang mga gamit. Nabasag ang mga laman niyon sa sahig ng kubo. Huli nitong binaligtad ang mesitang kinapapatungan ng ilang ginamit ni Mang Berto, kasama ang palakol na may bahid pa ng dugo, ang headdress at ang gaserang may sindi. Sumabog ang gasera nang tumama sa sahig at nagsimulang kumalat ang apoy. Lumapit ang batang multo sa putol na katawan ni Benjamin at sinimulan itong itulak palapit kina Leonard at Cassandra na nakapuwesto pa rin sa may hagdanan ng kubo. Duon lang napansin ng dalawa na nagsisimula nang tupukin ng apoy ang kubo.
Nadako ang tingin ni Leonard sa rebulto ni Apo Tudlay. Nagsisimulang malusaw ang batong nakahulma sa pigura nito. Unti-unti itong napapalitan ng madulas at madikit na likido katulad ng sa putik. Nagsisimula na ring gumalaw ang estatwa na parang gusto nitong kumawala sa matagal na pagkakakulong bilang rebultong bato. Alam din ni Leonard na pag naghintay pa sila ay matutulad din sila ni Cassandra sa sinapit ni Benjamin. Mapapatay ng walang awa at wala man lang laban. Sinimulang hilahin ni Leonard palapit sa kanya ang katawan ni Benjamin pero nahihirapan siya dahil hawak din niya sa isang kamay ang ulo nito. Dagdag pa na pinahihirapan din siya ng sugat sa hita nang barilin siya ni Mang Berto.
"Akina 'yan, Kuya. Lapag muna natin sa damuhan." Prisinta ni Cassandra na ang tinutukoy ay ang hawak na ulo ni Leonard.
Hindi tumutol si Leonard nang kunin ni Cassandra ang pugot na ulo ni Benjamin sa kanya. Parang may hawak lang ng laruang bola si Cassandra na bumaba ng hagdan habang hawak ang ulo ni Benjamin at maingat na inilapag ito sa madamong parte ng bakuran. Bumalik agad si Cassandra sa hagdanan para tulungan si Leonard sa paghila pababa ng kubo ang natitirang katawan ni Benjamin. Nakitulong rin sa kanila ang batang multo. Nang makababa na sila ng hagdanan ng kubo, ipinasan ni Leonard ang katawan ni Benjamin sa likod niya at paika-ika itong lumakad papunta sa damuhan kung saan nakalapag ang putol na ulo ni Benjamin. Nakaalalay naman sa ibabang bahagi ng pinapasang katawan sina Cassandra at ang batang multo.
Nang makalapit na sa pinupuwestuhan ng ulo ni Benjamin ay kusang bumigay ang sariling katawan ni Leonard at bumagsak siya sa damuhan habang nakapasan sa likod niya ang pugot na katawan. Narinig na lang ni Cassandra na nagsisimula na naman itong umiyak.
Ang batang multo naman, tumakbo muli papasok sa kubong nababalutan na ng apoy at makapal na usok. Pero nang makapasok siya sa loob ay bumungad na sa kanya ang matalim at galit na galit na mukha ni Apo Tudlay. Tuluyan na itong nakakawala sa anyo nito bilang estatwang bato.
~~~~~~~
MUNTIKAN nang lumabas sa tinataguan niya sa likod ng mga tapayan si Professor Soriano nang marinig niyang sumigaw si Cassandra kanina. Pero naririnig din niya ang paglalakad at ang malalalim na hininga ni Mang Berto na naglalakad malapit sa gawi niya. Kaya kahit gustung-gusto niyang malaman ang sitwasyon ng anak, 'di niya magawa i-risk na makita siya ni Mang Berto. Ayaw niyang maulila ito sa ama dahil lang nagpadalus-dalos siya ng desisyon.
BINABASA MO ANG
Out Of The Blue & Into The Black (Stories) (COMPLETED)
HorrorKoleksyon ng mga kuwento tungkol sa hiwaga at kababalaghan. Ang magkakatagning mga kuwento na naririto ay maaaring sumubok sa magbabasa kung gaano niya kayang magbasa ng kuwento ng hiwaga at katatakutan. 1st story (Pusa Ng Ina) - Anong gagawin mo ku...