NANG lumalakad na sila pabalik sa main trail ay duon na lumutang ang kinikimkim na pagkainis ni Professor Soriano sa mga estudyante niya. Porket siguro nakalayo na sila sa mapanganib na lugar ay parang napahid na rin ang naramdaman nitong takot kanina.
"Ano ba kasing pumasok sa mga kukote ninyo at naisipan n'yong puntahan 'yung kubo?" Tanong ng propesor. Tiningnan muna nito ang inaakay sa paglalakad na si Luigi saka binaling ang tingin kina Benjamin at Leonard na nauuna sa paglalakad.
Akala nang propesor ay hindi kikibo si Luigi dahil mukhang na-shock ito sa nangyari sa kanya pero ito ang sumagot sa tanong niya kahit iwas itong tumingin sa mukha ng propesor.
"Kasalanan ko, Prof. Ako ang nagpumilit yayaain sina Benjie at Leo."
Kahit nanghihina at inaakay pareho nina Benjamin at Adrian, pinilit ni Leonard na lingunin ang propesor at si Luigi saka sumagot. "Don't shoulder all the blame, Luigi. Pumayag kami pareho ni Benjamin na sumama sa 'yo. Kaya kung papagalitan ka, dapat kami rin."
Pagkasabi niyon ay naubo ng malakas si Leonard. Tinigil muna nina Adrian at Benjamin ang pag-akay dito at hinintay humupa ang pag-ubo.
Hinimas-himas ni Benjamin ang dibdib ni Leonard para guminhawa ang pakiramdam nito. "Paos ka na nga, salita ka pa ng salita. Dapat ako ang mawalan ng boses at mas malakas ang mga sigaw ko kesa sa inyo."
"Uy, concerned sa 'kin." Nagawa pang magbiro ni Leonard.
Umasim agad ang mukha ni Benjamin. "'Di bahala ka nang ubuhin d'yan." At dahil sa inis napalakas ang hampas ni Benjamin sa dibdib ni Leonard. Nagtuloy-tuloy na itong umubo.
Amused namang nakataas ang kilay ni Adrian habang pinapanuod ang asaran ng dalawa.
Si Professor Soriano naman parang ayaw paawat. Parang nabuksang gripo ang kumakawalang emosyon. Pang-cover up sa pag-aalala niya nang malamang nawala ang mga estduyante niya kaya naggagalit-galitan.
"Bakit kasi kung ano pa 'yung bawal, 'yun pa ang gustung-gusto n'yong gawin. Sinabihan na nga kayo na huwag pumunta. Bawal. Dangerous. Kung balak n'yong magpaka-daredevil, after na ng trip na 'to. Pag nakauwi na tayo sa kaniya-kaniyang bahay natin. Para hindi ko na kayo kargo de kunsensiya!"
"Danny, relax." Malumanay na saway ni Adrian sa kababata. "Mabuti pa bumalik na tayo kaagad sa campsite. Para magamot 'yung mga sugat nila. Lalo na 'yang estudyanteng inaalalayan mo. Baka ma-impeksyon pa 'yan."
At lumapit na si Adrian kay Leonard para alalayan ulit ito sa paglalakad. Sinenyasan pa niya si Benjamin na tulungan siya.
Si Professor Soriano, halatang may gusto pang sabihin pero pinili na lang magtimpi. Itinuloy na lang nito ang pagkaray kay Luigi at sumunod kina Adrian sa paglalakad.
Nang malapit na sila sa signboard na may 'KEEP OUT' sign, dahil sa abala sila sa paglalakad pabalik sa campsite, hindi nila napansin na nanduon pa rin ang nag-iisang uwang na nakakapit pa rin sa signpost. Nang lagpasan ito nina Adrian, Benjamin at Leonard ay lumipad ang uwang at dumapo sa suot na T-shirt ni Leonard. Mabilis itong gumapang at nagtago sa tupi ng kuwelo ng suot nitong damit.
~~~~~~~
PINIPILIT na lang ni Luigi ang maglakad pero sa totoo lang hapong-hapo na ang pakiramdam niya. Kung pupuwede lang ay mauupo na siya sa maalikabok na trail para magpahinga. Baka nga hindi lang upo ang gawin niya. Mahihiga na siya at baka makatulog pa siya kahit kagatin pa ang buong katawan niya ng niknik.
Pero sige pa rin ang encouragement sa kanya ni Professor Soriano. Konti na lang, Luigi. Nandu'n na tayo sa campsite. Magagamot na natin 'yang mga sugat mo.
Kaya sige pa rin siya sa lakad pero ang totoo parang jelly na ang pakiramdam niya sa mga binti at tuhod niya. Na kusa na itong bibigay kahit anuman ang pilit niya.
Finally, natatanaw na niya ang campsite. Kita niya na maayos na nakatayo ang tolda nina Prof. Kukumbinsihin niya na makipagpalit na lang ng tent. Wala na siyang energy para ayusin 'yung nakatoka sa kanilang tent.
May naririnig pa siyang upbeat music na babae ang kumakanta (na kalaunan makikita ni Professor Soriano ay ang kantang High Horse ni Kacey Musgrave na tumutugtog sa Spotify App niya sa phone). Kahit na hindi niya alam ang lyrics, parang gusto niya itong aralin. Gusto niyang makisayaw sa kanta.
Patay na. Mukhang nawawala na siya sa sarili. Ganito ba talaga pag marami kang natamong sugat na natiyempuhan pang kanina pa kumukulo ang tiyan niya?
'Di bale na. Malapit na ang campsite. Konting pilit pa ng paglakad. Pag nasa campsite na sila, didiretso siya kaagad sa nakatayong tent. Kahit tawagin pa siya ng mga kasama, bahala sila. Kailangan niyang ipikit ang mga mata niya. Gusto niyang matulog kahit saglit.
May natanaw siyang parang malaking manyika sa tabi ng tolda nina Prof. May dala-dala ba silang ganu'ng manyika? 'Di ba 'yung stuff toy na pusa lang 'yung dala nila? 'Yung palaging hawak ng anak ni Prof na si Cassandra.
Ang galing! Pagkaisip niya ng pangalan ni Cassandra, biglang nagsisigaw si Prof sa tabi niya. Tinatawag 'yung pangalan ni Cassandra. Saka biglang nagtatakbo papunta sa clearing ng campsite. Pambihira! Iniwan siya ni Prof. Hindi man lang hinintay na makalapit-lapit man lang siya sa nakatayong tolda. Bahala na. Pipilitin na lang niyang lakarin. Ilang dipa na lang naman nandu'n na siya. Huwag lang siyang biguin ng mga nangangalay na niyang mga legs.
Umiiyak ba si Prof? Bakit? Saka yakap-yakap nito 'yung manyikang malaki. Ah, hindi pala manyika. Si Cassandra pala. Pero bakit parang may dugo sa harap ng blouse? Napa'no ba ito? Pero kumikilos naman. Nakayakap na nga kay Prof. Umiiyak din. Tinatanong ni Prof kung anong nangyari pero puro iyak lang ang sagot. Spoiled talaga 'yang batang 'yan. Tinatanong ng matino, puro nguy-ngoy lang ang sinasabi.
Konti na lang, Luigi. Konti na lang andu'n ka na sa tolda. Makakatulog ka na ng mahimbing. Hindi mo na mararamdaman 'yung mga kirot ng mga sugat mo. Huwag ka ring papaistorbo sa kanila. Basta ang importante makapagpahinga ka. Konti na lang. Ano ba 'tong mga paa at binti na 'to? Ayaw makisama. Ayaw na talagang humakbang. 'Di bale. Dito na lang ako sa trail mauupo. O kahit dito na rin ako mahiga. Mga five minutes lang.
At hinayaan na ni Luigi na bumigay ang mga binti't paa niya at paharap siyang bumagsak pahiga sa maalikabok na trail. Ang huli niyang narinig ay ang impit na tili ni Benjamin bago siya tuluyan panawan ng urirat.
BINABASA MO ANG
Out Of The Blue & Into The Black (Stories) (COMPLETED)
TerrorKoleksyon ng mga kuwento tungkol sa hiwaga at kababalaghan. Ang magkakatagning mga kuwento na naririto ay maaaring sumubok sa magbabasa kung gaano niya kayang magbasa ng kuwento ng hiwaga at katatakutan. 1st story (Pusa Ng Ina) - Anong gagawin mo ku...