WALA nang sumunod na insidenteng nangyari kina Professor Soriano hanggang makarating sila sa Amaya Bread & Breakfast Resort sa Gabaldon, Nueva Ecija na pag-aari ng kaibigan at kababata ng propesor na si Adrian Quinto.

Matapos ang maikling pagpapakilala, inusisa agad ng propesor at ng kaibigan nito ang yuping ginawa ng unggoy sa hood ng kanyang sasakyan.

"Ako kasi pag naka-encounter ng yupi, ginagamit ko lang eh 'yung toilet plunger. Pero kung ganitong kalalim, ipa-check mo na sa repair shop kung maayos pa nila. Worse case scenario, kailangan ipa-replace mo sa Toyota 'yang hood." Sabi ni Adrian habang ini-inspect ang yupi natamo ng kotse ng propesor.

"'Yun nga inaalala ko eh." Napapalatak namang sabi ni Professor Soriano. At nadako na ang pag-uusap ng dalawa tungkol sa warranty ng kotse.

"I like the scenery, ha? It's very green." Sabi ni Luigi habang pinagmamasdan ang paligid ng resort.

"Oo nga eh." Sang-ayon naman ni Leonard. "Ikaw, Benjamin? Okay ba sa 'yo yung place?" Tanong nito na sinabayan pa ng akbay.

Kaagad naman kumalas si Benjamin sa akbay ni Leonard. Nasa hitsura nito ang pagkabagot. "Sakto lang."

Susundot sana ng panunukso si Leonard nang biglang tumunog ang cellphone. "Sandali lang." At lumayo siya ng bahagya sa dalawa.

Pero rinig na rinig ni Benjamin na si Fara ang kausap ni Leonard sa phone. Nagso-sorry ito na hindi nakapagpaalam agad sa kasintahan at huwag mag-alala dahil kasama naman niya ang kaibigan ng girlfriend na si Benjamin.

"Benjie, maganda ang background dito. 'Lika, selfie naman tayo." Yaya ni Luigi kay Benjamin.

"Ikaw na lang. Wala ako sa mood magpa-picture." Tanggi agad ni Benjamin.

"Ang moody mo naman." Parang nagtatampong sabi ni Luigi.

"Gutom na kasi ako kanina pa." Paliwanag naman ni Benjamin.

Hindi naman nagpapapigil si Luigi at sige na itong kinuhanan ang sarili habang panay ang pose sa camera ng phone.

Si Cassandra naman kalmado na at may sinisipsip pa itong chocolate drink na nasa tetra pack. Pero tahimik lang ito at nakatitig sa loob ng sasakyan nila sa may driver's seat. Kaya pala ay duon naman ngayon nakapuwesto ang batang gusgusin at nakikipaglabanan din ng tingin kay Cassandra. Habang nakatitig ang bata kay Cassandra ay isa-isang kumalas ang bola ng mga mata nito sa pinagkakabitan at unti-unting dumausdos pababa sa magkabilang pisngi. May kahalo pang parang malagkit na likido ang mga mata habang bumaba ito sa pisngi ng bata.

Seryosong-seryoso namang nakatitig lang rin si Cassandra sa bata sa loob ng sasakyan. Maya-maya, bigla nitong binato ang iniinom na drink sa tapat ng windshield kung saan nakapuwesto ang bata. Natigil sa pag-uusap sina Professor Soriano at ang kaibigan nitong si Adrian nang marinig ang kalabog nang tumama ang tetra pack drink sa windshield.

Bumaling agad ang propesor sa anak at hinawakan ito sa balikat. "Why did you do that, Cass?"

Pero hindi sumagot si Cassandra at nakikitig pa rin sa binatong windshield ng kotse.

"Hindi ka magsasalita?" May pagbabanta na sa boses ng propesor.

Biglang yumugyog ng malakas ang Fortuner at tumunog ang alarm ng sasakyan. Napaatras palayo tuloy sina Benjamin at Luigi sa kotse. Si Leonard naman na tapos nang kausapin ang girlfriend ay napalapit naman sa dalawa habang inuuusyoso ang yumuyugyog na sasakyan.

Kung anong biglang pagyugyog ng kotse ang siyang biglang pagtigil nito kasabay din ng paghinto ng pagtunog ng alarm ng sasakyan. Kasunod niyon ay biglang bumukas ang pintuan sa driver's seat.

Out Of The Blue & Into The Black (Stories) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon