Chapter 25 - Home Snit Home

2 2 0
                                    

>> • JAMILA • <<

"Ah, lumipat na kayo sa kabayanan? Mabuti naman ho at naisipan ninyo. Pero paano naman po ang bukirin niyo roon? Pinamahagi niyo na po ba sa iba?"

Napabuntong-hininga na lamang si Ingkong at pinaypayan pa ng mas malakas ang bagang lalong pumupula sa bawat ihip.

Hindi niya alintana ang tirik na sikat ng araw. Ano nga naman ang dapat katakutan doon? Ilang dekada na siyang nakababad doon. Sa kabila ng edad nitong sitenta, malakas pa rin siya sapat na upang makipagsabayan sa mga mas batang kargador sa pinapasukan niyang trabaho.

"Malakas pa 'ko, kaya ko pang magsaka sa ilan pang taon. 'Yang si Asiong, susubukan kong pagtapusin 'yan kahit na puro pag-aararo sa palayan ang alam. Hindi ubrang puro kalabaw lang ang kasama niya sa buong buhay niya." ani nito at kumuha ng bakal na tubo upang mas mahipan ang baga.

"Dito sa kabayanan?" tanong ko.

Tumango siya.

"Kung gusto niyo, ako na ang tutulong sa inyo magpaaral sa kaniya kapag nakatapos ako. Ilang taon na lang naman ang hihintayin."

"Naku, salamat! Pero sa tingin ko, dapat mo munang unahin ang mga kapatid mo. Pag-aralin mo iyong mga gustong mag-aral. Sa panahon ngayon, mahirap mabuhay at manatiling mangmang." makahulugan ako nitong binalingan. "Kung wala kang alam, mas madalas kang mapagsasamantalahan."


"Maraming eskuwela sa Maynila, hindi rin iba ang mga nasa kalapit na probinsya. Kapag nagkakwarta na 'ko, ako pa ang pipili ng eskuwela na gusto nila." dagdag ko. "Yung eskuwela ba nila ay 'yong mayroong malalaking kubo at kabi-kabilang nakasabit na pisara?"

Inilapag niya sa ibabaw ng nagniningas na dila ng apoy ang isang malaking kawa. Nakahanda na sa papag ang kamatis, sibuyas at iba pang mga nakahandang sangkap gaya ng sapsap. Mukhang magluluto siya ng pinangat.

"Wala naman nang iba. Iyon na siguro ang pinakaasensadong eskuwela rito sa bayan." pinunasan niya ang mga dahon ng saging na tinabas niya kanina at inilapag ito sa papag. "Makisalo ka na ng tanghalian sa 'min, mamayang kaunti pagbaba ng araw sasamahan kita sa kanila."

Kumpara sa siyudad, mas malakas at mas malamig pa rin ang hangin rito. Bihira rin ang ingay at maski ako'y gugustuhing ipagpalit ang buhay-siyudad para rito.

Iyon ay kung hindi ko kailangang makatapos.

Matapos mananghalian, inanyayahan nila 'kong mamahinga habang kasama ni Ingkong na manungkit ng mangga ang mga pinsan ko. Ang ilan sa mga lalaki'y sumampa sa sanga ng puno ng santol na katabi lamang ng mangga at pasimpleng inuga-uga ang mga sanga upang magkandahulog ang bunga nito.

Tinulungan na rin nila akong dalhin ang mga sisidlang pinaglagyan nila ng mga ito paakyat ng bundok. Sinabihan ko silang mayroon namang mga santol at mangga roon pero pinagpilitan nilang may madala man lang sila sa pamilya ko na piniling manatili rito.

Sa bawat hakbang na tinatahak ko paakyat, mas marami pang katanungan ang pumapasok sa isipan ko sa halip na mga kasagutan.

Halos magtatakipsilim na nang huminto kami sa paglalakad.

"Magpapalipas ba muna tayo ng dilim dito?" tanong ko at naupo.

Nagkatinginan silang lahat, tila ba nahiwagaan sa binitiwan kong tanong.

Aurora BorealisTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon