❝ Ikaw pa lang . . .
Kung idinugtong ko ba 'yon, nandito ka pa?
Dapat ba akong maging matapang
Kahit ngayong wala ka na? ❞
"Huwag mo nang hintayin 'yung sulat. Sasabihin ko na lang sa 'yo ngayon lahat," panimula ko matapos kong marinig ang sagot niya.
"Huh?" kunot-noong tanong niya. "Gusto ko sulat!"
Nagbuga ako ng usok matapos humithit sa sigarilyo. "Hindi applicable sa lahat ng tao 'yung salitang masarap mabuhay. Para lang sa mga privileged 'yon. Para lang sa mga taong may maaasahan sa buhay kapag nagkaroon ng problema. Para sa akin, hindi ganoon kasarap mabuhay."
Tumingin ako sa kan'ya para makita ang reaksiyon niya. Hindi na siya nakatingin sa akin pero hindi ko na rin mabasa ang expression ng mukha niya. Parang hinihintay niya lahat ng sasabihin ko. Nakaikom ang bibig niya at bakas sa paglunok niya ang paghihintay ng mga susunod na sasabihin ko.
"Kung sabihin ko sa 'yong suko na ako sa mundo ngayon, anong sasabihin mo? Magiging okay din ang lahat? 'Wag akong sumuko kasi masarap at masayang mabuhay? Sa tingin mo, magugustuhan kong marinig 'yan? Toxic positivity ang tawag d'yan. You should let someone be sad and hurt at some point, kasi hindi sa lahat ng oras, nakakatulong ang optimism at enthusiasm."
Nanatili siyang tahimik sa tabi ko matapos kong sabihin 'yon. Itinuon ko na lang ang pansin ko sa paghithit ng sigarilyo, hanggang sa makalipas ang ilang minuto, nagtanong siya.
"Anong . . . anong gagawin mo kung sakaling may kakilala kang dumating sa punto na sad and hurt siya? Or naggi-give up na siya sa mundo? Sa buhay?"
Nagbuga ako ng buntonghininga bago hinithit ang natitira sa ikalawang sigarilyo ko.
"Iintindihin. Sasamahan. 'Yun lang naman. Hindi naman palaging masaya sa buhay. Hindi rin naman palaging malungkot. Minsan, kailangan lang naman ng tao ng kahit isa lang na makakaintindi sa kan'ya."
Gusto kong tumawa. Gusto kong pagtawanan ang sarili ko.
Bakit sinasabi ko ang mga 'yon ngayon? Anong pakialam ko, 'di ba? At ang galing ko rin namang magsalita. Ni hindi ko nga alam kung tama ba itong mga pinaglalaban ko.
Itinapon ko sa sahig ang upos ng sigarilyo at tinapakan.
"Pero kahit na ano namang sabihin ko, Mona, sarili nating desisyon ang susundin natin. Kung nagdesisyon ka para magpatuloy, eh 'di mabuti. Kung nagdesisyon akong sukuan ang mundo at mamatay nang maaga, ako naman ang magbabayad ng lahat ng 'yon. Kaya hindi mo ako masisisi kung mawalan ako ng pakialam. Dahil sa simula pa lang naman, walang nakialam sa akin."
Napalunok ako nang ilang ulit nang muntik ko nang dugtungan ang sinasabi ko kanina. Kung dinugtungan ko 'yon . . . siguradong magbabago ang tingin niya sa akin.
BINABASA MO ANG
Cigarettes and Regrets
Teen Fiction🌻 Editor's Pick January 2022 ✨ 🌻 Watty Awards 2023 Shortlist ✨ 🌻 Watty Awards 2023 Winner ✨ || first installment of "habit series" || Ramona Castillo kept on bugging Caleb Eusebio for a letter to which he couldn't give because for him, letters ar...