❝ Hindi ko lubos maisip kung bakit
Palagi kang nand'yan sa tuwing kailangan kong mapag-isa
Dahil ba alam mong kailangan kita
O dahil alam mong kailangan natin ang isa't isa? ❞
Mabagal akong naglakad pauwi mula sa harap ng village kung saan nakatira si Ramona. Paulit-ulit sa pandinig ko kung paano niya ako binati ngayon . . .
Bakit niya inaalala ang mga bagay na kahit ako . . . hindi ko naman pinagtutuunan ng pansin?
Nawawalan na ba ako ng sense sa date at time kaya nawala sa loob kong birthday ko ngayon . . . o nawalan na lang talaga ako ng pakialam, pati sa sarili ko?
Nang makauwi ako, dumiretso ako sa k'warto at ibinagsak ang katawan sa kama matapos kong maibalibag ang bag sa gilid. Ipinikit ko ang mga mata at inisip kung kumusta na ba si Mama ngayon.
Naaalala niya kaya na birthday ko?
Si Papa . . . alam kaya niya?
Bumangon ako at nagpalit ng damit, saka lumabas ng village dala ang wallet at cellphone ko na hindi ko rin naman gaanong nagagamit. Sumakay ako ng bus at nagpahatid sa kung saan nakatira si Mama.
Nang makalipas ang apat na oras na byahe, nakarating na ako sa harap ng bahay ni Mama. Sa sobrang laking bahay kung saan kasama na niya ang bago niyang pamilya. Hindi ko alam kung bakit hinahayaan na lang ako ng guard ng village na maglabas-pasok dito.
Siguro dahil alam niyang . . . madalas, "wala" naman ang ipinunta ko dito.
Madilim na at hindi ko alam kung makakauwi pa ba ako sa bahay kung sakali pero ayaw kong matapos ang araw na 'to nang hindi ko man lang nakikita ang kahit na isa lang sa mga magulang ko.
Kahit ikaw lang . . . Mama.
Paulit-ulit kong pinindot ang doorbell ng napakalaking bahay sa harap ko. Ilang minuto lang akong naghintay, binuksan ng katulong ang gate.
Alam ko na ang sasabihin niya.
"Wala ho si Ma'am, eh. Umalis po."
Sabi ko na . . .
Bahagya akong yumuko, kasabay ng pagngiti, saka ibinalik ang tingin sa kan'ya. "Ahh . . . gano'n po ba? Mga anong oras po siya babalik? Okay lang naman po sa aking maghintay kahit dito lang."
Lumunok ang katulong at ilang ulit na nag-iwas ng tingin sa akin, hindi makasagot.
"Uhm . . . h-hindi ko rin alam, Sir. Wala kasing ibinilin."
Ilang sandali pa, dumating ang isang napakakintab na sasakyan saka huminto sa harap ng bahay na 'to. Lumabas ang isang babae na sa tingin ko, siyam o sampong taong gulang na. Nakaisip ako ng paraan dahil do'n.
BINABASA MO ANG
Cigarettes and Regrets
Teen Fiction🌻 Editor's Pick January 2022 ✨ 🌻 Watty Awards 2023 Shortlist ✨ 🌻 Watty Awards 2023 Winner ✨ || first installment of "habit series" || Ramona Castillo kept on bugging Caleb Eusebio for a letter to which he couldn't give because for him, letters ar...