❝ Ang sabi mo, mag-uusap pa tayo
Ang sabi mo, magkikita pa tayo.
Hinintay kita buong araw at linggo
Pero nasaan ka na, mahal ko?
Ilang taon na ang lumipas, nandito pa rin ako
Sa kung saan ako ay iniwan mo. ❞
Hindi ko magawang matulog no'ng gabing 'yon kaiisip kay Ramona. Ramdam na ramdam ko na may kakaiba at hindi ako mapakali. Parang . . . parang may iba na hindi ko maipaliwanag. Parang may nakakalimutan ako.
Maaga akong nakagayak kinaumagahan. Gusto ko pa ngang dumaan sa bahay ni Ramona pero parang hindi ko pa kayang gawin.
At isa pa, nahihiya ako dahil matapos ko siyang itrato nang gano'n nitong mga nakalipas na araw, pupuntahan ko siya sa kanila? Parang wala akong mukhang maihaharap. Subukan ko na lang siguro siyang kausapin mamaya sa school.
Hindi pa man ako nakakarating sa sakayan ng jeep, nakita ko na ang pamilyar na babaeng nakaupo habang may hawak na stick at ipinangsusulat sa sahig. Medyo basa pa ang buhok niya kaya alam kong kadarating niya lang dito. Minsan kasi, hindi naman niya naibo-blower nang mabuti ang buhok niya kaya may mga natitira pang parte na basa.
Tulad na lang ngayon.
"Ramona . . ."
Mabilis siyang nag-angat ng tingin sa akin. Matamlay siyang ngumiti bago tumayo saka itinapon sa kung saan ang stick na hawak.
"A-Ang aga mo ngayon . . ." sabi niya bago itinago ang mga braso sa likod.
"Hindi ako . . . makatulog nang mabuti," sagot ko.
Sobrang awkward namin sa isa't isa ngayon na para akong nagliliyab dahil sa init ng pakiramdam. Medyo malamig ang umaga pero ramdam ko ang pamumuo ng pawis sa noo at leeg ko.
'Tang ina . . . parang hindi ako makahinga ngayong kinakausap ko si Ramona.
"P-Pasok na tayo," sabi ko nang naiwas ng tingin.
"Uhh . . ." Lumingon ako sa kan'ya. Nakaiwas din ang tingin niya sa akin. "Hindi ka ba magyoyosi?"
Ahh . . .
Kasama nga pala sa bawat umaga ko ang magyosi dito. Siya ang kasama ko sa bawat umaga na papasok ako sa school at pauwi sa bahay. Siya ang kasama ko sa pagyoyosi sa mga oras na gusto ko.
"Hindi na."
Tumango siya bago sumunod sa akin sa sakayan ng jeep. Pinauna ko na siyang sumakay. Nagbigay siya ng space para doon ako makaupo sa paborito kong p'westo. Gusto kong magpasalamat pero parang sobrang awkward n'on. Kahit isang beses, hindi ko nagawang mag-thank you sa kan'ya sa tuwing ginagawa niya 'to.
BINABASA MO ANG
Cigarettes and Regrets
Teen Fiction🌻 Editor's Pick January 2022 ✨ 🌻 Watty Awards 2023 Shortlist ✨ 🌻 Watty Awards 2023 Winner ✨ || first installment of "habit series" || Ramona Castillo kept on bugging Caleb Eusebio for a letter to which he couldn't give because for him, letters ar...