Naalimpungatan si Anastacia mula sa pagkakaidlip habang nakaupo't nakasandal sa pader. Kumaluskos ang dayami kung saan niya ipinahiga si Ginoong Fernando. Nang tignan niya ito, nakaupo na ang ginoo.
"Huwag ka munang bumangon, ginoo," may pag-aalalang utos nito.
"M-maayos na ang pakiramdam ko. Tila namanhid na ako sa hapdi," saad nito na nanginginig pa.
Nilapitan ni Anastacia ang binata. "Nais mo ba ng tubig?"
Sumenyas ang binata na hindi niya ito kailangan. Nagpalinga-linga naman si Anastacia sa paligid. Sa pagkakatantiya niya, madaling-araw pa lamang.
"Bukas raw ng alas otso - "
"Pupugutan na tayo ng ulo," dugtong ng binata.
"Kay pait ng sinapit natin."
"Ngunit mas mapait ang sinapit ni Senyor Diego," sumbat nito. Inayos niya ang pagkakaupo niya at sumandal sa pader at saka napaimpit ang paghinga nito nang magalaw nito ang sugat sa kanyang braso. Hindi maiwasan ni Anastacia na hindi mag-alala sa kalagayan ng binata.
"Paano nangyari ito? Ang mapayapang pamumuno ni Senyor Diego, sa iglap lang, agad na nabago."
"P-pinagtaksilan siya ng kanyang mga kaibigang sina Senyor V-vicos at Kapitan Becbec," sagot ni Fernando habang hirap pa rin sa pagsasalita.
Nagulat si Anastacia sa nalaman. Ang dalawa'y kapwa malapit na kaibigan ni Senyor Diego. Hindi niya akalaing mamamatay si Senyor Diego sa kamay ng mga taksil niyang kaibigan.
"N-ngunit, bakit?" tanong ni Anastacia.
"H-hindi ko mawari. Ngunit isa lang ang tiyak ko. Nasilaw sila sa gantimpala."
"B-bakit nagapi kaagad ang ating puwersa? Wala bang nagbabantay sa kampo? Sa Pantok?" usisa ni Anastacia.
Napapikit ulit si Fernando. "W-walang nag-akala. Isa itong sorpresang pag-atake. A-ang baril ni V-vicos ang hudyat ng kanilang paglusob."
Napabuntong-hiniga si Anastacia. Ngunit may isa pang bumabagabag sa kanya. "Nasaan sina Donya Gabriela at sina Maximiliano?"
Napapikit si Fernando habang nagsasalita, "T-tumakas sila... papuntang kabundukan ng Abra. Kasama nila ang iba nating kasamahan."
Napahilamos si Anastacia sa mukha. Ang saglit na kapayapaang naranasan pala niya'y may kapalit na kaguluhan.
Hindi na nagtangka pang magtanong si Anastacia dahil batid niya ang hirap na sa pagsasalita si Ginoong Alfredo. Sapat nang malaman niyang hindi pa nahuhuli ang iba nilang kasamahan. Umaasa siyang may magbabalik upang iligtas sila, dahil sa pagkakataong ito, hindi niya maililigtas ang kanyang sarili.
Nais pa sanang umidlip ni Anastacia ngunit hindi na siya dinalaw ng antok. Pinagmasdan niya ang buong paligid. Ito ang huling lugar na mapagmamasdan niya bago siya pumanaw. Hindi rin niya maiwasang maluha. Hindi na niya muling makakapiling ang kanyang ina at mga kapatid. Hindi niya makikitang ikakasal ang kanyang ate Asuncion at hindi na niya makikitang magdalaga ang bunso nilang si Angelita.
Napabuntong hininga siya. Kumalansing sa ilalim ng kanyang saya ang perang nakuha niya sa pagbebenta ng mais ni Donya Gabriela. Marahil, ito na ang magiging baon niya sa kabilang buhay.
Habang nagmumuni-muni si Anastacia at inaalala niya nang tahimik ang kanyang mga huling sandali, biglang may kumalag sa kadena ng rehas ng kanyang selda. Sumenyas ang nakabihis guwardiya sibil na huwag siyang maingay.
"Ssshh. Tagumpay kong nakuha ang susi mula sa kwartel ng mga guwardiya sibil," saad nito. Nang mabuksan niya ang kandado, agad niyang tinungo ang kinaroroonan nina Anastacia at Fernando.
BINABASA MO ANG
La Escapador
Historical FictionNakakulong si Anastacia sa kahong ginawa para sa kanya ng lipunan -- pagkilos nang mayumi, pananatili sa loob ng tahanan, pag-aaral kung papaano maging mabuting ina at maybahay, at pagpapakasal sa lalaking itinakda sa kanya ng kanyang mga magulang...