Capitulo 9 – Sagot sa Tanong
"Salamat sa pagbibigay ng pagkakataong masilayan ko siya," tugon ni Vicente kay Maximiliano habang tinatahak ang kanilang daan papauwi. Hawak-hawak niya ngayon ang sulat na palihim na itinapon sa kanya ni Asuncion mula sa bintana.
"Walang anuman iyon, gayyem(kaibigan). Hangad ko ang makita mo siyang muli kahit ilang minuto lamang. At sana'y hindi tayo nahalata ni Binibining Anastacia," tugon naman ni Maximiliano.
"Ngunit natitiyak kong nakita niya, matalinong babae ang binibini," saad ni Fernando, na siyang yakap-yakap ang guitara.
"Papaanong nakita mo iyon, kung sa buong saliw ng kanta'y nakapikit ka?" pabirong saad ni Vicente.
"May hindi nakikita ang mata na nakikita ng puso," matalinhagang saad nito. Ngunit napailing lamang sina Vicente at Maximiliano.
Kapwa kaibigan ni Maximiliano sina Vicente at Fernando. Anak ng kanilang hardinero si Vicente at anak naman ng isang nagdadamili (gumagawa ng banga) na nagngangalang Senyor Gomez si Fernando. Lumaki silang magkakasabay at magkakalaro. Nagkawalay lamang ang mga ito nang mag-aral ng bellas artes si Maximiliano at naglagi na rin sa Abra upang tumulong sa negosyo ng kanyang abuelo at abuela sa ina (lolo at lola), na itinuring na niya ring tunay na pamilya kahit na siya ay ampon lamang. Samantala, naging masugid na katiwala naman ng mga Guerrero si Vicente at patuloy ang ugnayan ng naiwang magkaibigan sapagkat suki ng mga Guerrero sa mga pasong gawa sa luwad ang mga Gomez.
Sapagkat batid ni Vicente ang uri ng kaniyang pamilya sa hirarkiya sa lipunan, mababang tao lamang ang tingin nito sa sarili. Lalo pa siyang nangliit nang mapagtanto niyang siya ay umiibig sa isang dalagang Rivero na nagngangalang Asuncion.
Ni minsan, hindi niya magawang tignan ang dalaga nang mata sa mata. Nababalitaan naman niyang mabait ang dalaga ngunit hindi pa rin siya makahanap ng lakas ng loob upang kausapin ang dalaga sapagkat isa lamang siyang hamak na anak ng isang hardinero. Nariyan namang pinapalakas ng loob ni Fernando ang kaibigan, ngunit tila sa pagtugtog ng harpa lamang ito nailalabas ang damdamin.
Sapagkat sa panahong ito, kahit pa sabihin ng mga mga prayle na pantay-pantay ang mga tao sa lipunan, hindi pa rin matagpuan ni Vicente ang kasagutan kung bakit ang mga principales ay nararapat sa kapwa nito principales at ang mahihirap at indiyo ay para din lamang sa mga indiyo. Lalo siyang napanghinaan ng loob nang mabalitaan niyang ipinagkasundo ang Ate Antonina nito sa isang Ingles. Doon niya napagtantong mahilig rin ang pamilya Rivero sa pakikipagkasundo pagdating sa pag-iisang dibdib.
Nang dumating muli si Maximiliano sa Fernandina de Vigan, tinangka ng mga magkakaibigan na subuking magkaroon ng ugnayan sina Vicente at Asuncion sa pamamagitan ng paggamit ng pangalan ni Maximiliano sapagkat sa kanilang tatlo, si Maximiliano lamang ang maituturing na kabilang sa mga principalia kahit na sa dugo nito'y isa siyang purong indiyo. Sa una pa lamang, ito na ay naging plano ni Maximiliano.
Naisipan nilang maghandog ng isang malaking salamin sa dalaga. Ilang araw pinagtiyagaan ni Maximiliano na turuan sa pag-uukit si Vicente. Madali naman itong nakasunod sapagkat ayon kay Vicente, ang pag-uukit ay para na ring pagtugtog ng harpa.
BINABASA MO ANG
La Escapador
Historical Fiction[COMPLETED] Nakakulong si Anastacia sa kahong ginawa para sa kanya ng lipunan -- pagkilos nang mayumi, pananatili sa loob ng tahanan, pag-aaral kung papaano maging mabuting ina at maybahay, at pagpapakasal sa lalaking itinakda sa kanya ng kanyang mg...
