Capitulo 36 - Ang Suliraning Paparating

196 18 0
                                    



"Anastacia, maaari mo bang ihatid sa Casa Real ang mga bibingkang latik na aking niluto para sa meryenda ng mga opisyales?" pakiusap ni Aling Rosario sa dalaga.

Magaliw na tumugon si Anastacia. Inilislis niya ang manggas ng kanyang saya at ipinakita kung gaano kalakas ang kanyang kalamnan sa pagbubuhat ng bilao. Natawa naman ang mga hermanang naroon nang tila mawala sa balanse ang dalaga habang buhat-buhat ang bilao na nakapatong sa kanyang ulo.

"Sus, ginoo kang bata ka. Mag-ingat ka, hija," paalala ni Nana Masing.

Ngumiti si Anastacia at nagpaalam sa mga hermana sa kusina.

Katabi lamang ng Casa de Gobernadorcillo ang Casa Real de Pueblo, ngunit nais niyang marating ito agad upang maaga siyang matapos at nang matulungan niya agad ang kanyang Ate Carmencita sa kanyang gawain.

Lumingon-llingon pa siya sa magkabilang panig bago tumawid sa kalsada sapagkat sunod-sunod ang pagdaan ng mga karwahe ng mga opisyal na nagpunta sa Casa Real para sa isang pagpupulong. Ngunit, dahil madalas na ipinupukol ni Anastacia ang kanyang paningin sa magkabilang panig, hindi niya nakita ang mabilis na pagdaan ng isang lalaki sa kanyang harapan, na naging sanhi ng pagkawala ng kanyang balanse, at tuluyang pagkabitaw  sa hawak-hawak na bilao. Napatid naman niya ang lalaking kanyang nakasalubong, kaya kapwa sila natumba.

Halos lumaki ang mata niya nang makitang nasa lupa na ang bibingkang latik. Agad siyang bumangon at mabilis na pinulot ang bibingka. Mabuti na lamang at ang kalahati ng bibingka ay may dahon ng saging. Ngunit ang problema niya'y kalahati rin ang nalagyan ng kaunting buhangin.

"Pasensiya na, binibini," tinig ng lalaki na tila nagmamadali't may hinahabol din.

"Wala po, iyon," magalang na saad ni Anastcaia sapagkat napansin niyang nangangayayat ang taong iyon at mukhang walang makain. Kaya naman, naiisip niyang hatian ng kahit na kaunting bibingka ang lalaki.

"Manong, kunin niyo na po ito," sabi ni Anastacia habang iniaabot ang kapiro ng bibingkang tinapyas niya.

"S-salamat," tugon ng lalaki at dali-daling isinubo nang buo ang ibinigay ni Anastacia.

"Tila hindi po kayo kumakain. Batid ko ang pagod niyo sa inyong trabaho," kumento ni Anastacia.

"Mahirap talagang magpanday ng mga sibat at armas ng mga guwardiya sibil. Minsa'y hindi na ako nakakakain," sagot niya. "Sige, salamat dito. Mauuna na ako."

"Manong! May nahulog po kayo!" sigaw ni Anastacia nang makita niya ang isang krusipihong nahulog sa bulsa ng lalaki. Pinulot niya ito, saka iniabot ito sa lalaki. 

Agad namang niyang kinuha ang bagay kay Anastacia at mabilis na lumisan. Nabarihan pa ng lagkit na galing sa bibingka ang palad ni Anastacia kaya ipinahid niya iyon sa kanyang saya.

Lumingon ulit sa paligid si Anastacia upnag makasiguro na walang nakakitang nahulog ang bibingkang kanyang dala. Nang nasiguro niyang walang nakakita rito, agad siyang pumasok sa Casa Real at  hinanap ang paminggalan (pantry) ng gusali. Hindi niya nais na isauli pa ulit ang bibingka sa casa ngunit  nakikinita niyang magagalit si Ginang Clotilde, maging ang mga hermanang lagi't lagi ang pagpapaalala sa kanya na mag-ingat ngunit hindi niya ginawa.

Ngayon, iniisip niya kung papaano ibibigay ang bibingka sa mga opsiyales ng pueblo. Gayundin, hindi niya maaaring ihain nang buo ang bibingka. Nabawasan na ito, dahil naibigay niya ang isang kapiraso sa lalaking nakabangga niya kanina lamang. 

Nakakita siya ng mga platito sa platera. Naghanap siya ng kutsilyo, ngunit, itak ang kanyang nakita.

"Maaari na ito," bulong niya sa kanyang sarili.,

La EscapadorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon