Dinala ng mga guwardiya sibil si Anastacia sa isang silid sa tribunal. Pinayuko siya sa harap ng mahabang mesa kung saan naroon si Don Camilo at ang alguacil mayor na si Tiniente Bernardo.
"Ano ang ginagawa ng babaeng iyan, dito?" tanong ni Don Camilo.
"Senyor, mayroon po siyang sinasabi ukol sa nangyaring panloloob sa inyong silid," saad ng guwardiya sibil na kumalag sa taling nasa kamay ni Anastacia.
"Kung gayon, magsalita ka, babae. Ano ang nalalaman mo sa pagkawala ng mga alahas ni Don Camilo?" sambit ni Tiniente Bernardo.
"Don Camilo, Tiniente Bernardo, nais ko lamang pong ihayag na wala pong natagpuang mga alahas sa silid ng mga katiwala, kung kaya't napatunayan pong inosente ang inyong mga dinakip," saad ni Anastacia.
Nanlaki ang mga mata ng gobernadorcillo sa kapangahasan at katapangang magpahayag na walang pagkakasala ang kanyang mga ipinadakip.
Napatayo si Don Camilo, saka humalakhak. "Nahihibang ka na ba't nakakapagsalita ka ng ganiyan? Ano ang iyong katibayan na wala silang kasalanan? Kung wala mang nahanap na ebidensiya sa inyong mga silid, hindi ibig sabihin niyon na nakaligtas na kayo sa pag-uusig."
"Yari lamang na nakikisali ka sa ppagsisiyasat, ay isa ka na ring ituturing na pinaghihinalaan," saad ni Tiniente Bernardo.
Lalong nagpumiglas si Anastacia nang talian ulit ng guwardiya sibil ang kanyang mga braso.
"Senyor, hindi ito makatarungan! Nais ko lamang na mapawalang-sala si Ate Carmencita," wika ni Anastacia.
Lalong naningkit ang mata ni Don Camilo. "Kung gayon, nais mong isakripisyo ang iyong sarili kapalit ng kalayaan ng iyong Ate Carmencita?"
"Opo. At kilala niyo po siya, Don Camilo. Mabait si Ate Carmencita. Hindi niya magagawang magnakaw!"
"Hibang! Tunay nga't malaki ang tiwala ko sa kanya, ngunit papaano mo maipapaliwanag ang nawawalang alahas sa aking silid kung saan ang huling naroon ay si Carmencita?" pahayag ni Don Camilo.
Hindi makasagot si Anastacia. Alam niyang walang kasalanan si Ate Carmencita, ngunit hindi niya alam ung papaano mapapatunayan ito sa gobernadorcillo.
Ilag saglit pa, dumating sina Don Damian, at Don Dionisio, na kapwa nagmamadali nang ipatawag sila ni Don Camilo.
"Don Damian, at Don Dionisio, tignan niyo ang inyong mga nasasakupan. Kapwa sila pinaghihinalaan. Maaatim niyo bang nangngaling sa inyong baryo ang mga salaring ito?" bungad sa kanila ni Don Camilo.Walang ekspresyon ang mukha ni Don Damian habang tinitignan ang mga nasasakdal. Umupo ito sa kanan ng gobernadorcillo. Samantala, dumiretso si Don Dionisio sa harap ni Ginang Clotilde at pinatikman siya ng isang malutong na sampal.
"Nakakahiya ka, Ginang Clotilde!" sigaw niya.
"Don Dionisio! Wala po akong kinalaman sa nangyari!" sumbat ni Ginang Clotilde.
"Huminahon ka, Don Dionisio. Umupo ka muna't pakinggan natin ang pahayag ng mga nasasakdal," saad ni Tiniente Bernardo. Tumikhim siya, saka nagpatuloy sa pagsisiyasat. "Ngayon, binibigyan ang mga nasasakdal ng pagkakataong magpahayag."
"Mga senyor! Ako po'y walang alam sa pagkawala ng alahas ni Don Camilo. Inosente po ako!" pagmamakaawa ni Ginang Clotilde.
"Ikaw ang nakakaalam sa mga gawi at pasikot-sikot sa casa. Paanong hindi mo alam ang panloloob na nangyari?" tanong ni Don Camilo.
"Don Camilo, nasa oratorio lamang ako noong mga panahong iyon. Si Carmencita lamang ang laging nagtutungo sa inyong silid upang maglinis!" pagtatanggol ni Ginang Clotilde sa kanyang sarili.
BINABASA MO ANG
La Escapador
Ficción históricaNakakulong si Anastacia sa kahong ginawa para sa kanya ng lipunan -- pagkilos nang mayumi, pananatili sa loob ng tahanan, pag-aaral kung papaano maging mabuting ina at maybahay, at pagpapakasal sa lalaking itinakda sa kanya ng kanyang mga magulang...