Nagpatuloy sa paglilinis ng silid ng gobernadorcillo si Anastacia. Umaasa siyang makakahanap siya ng kahit na anumang detalye upang malaman kung sino ang lalaking kasama ni Alejandra upang hindi mapagbintagan si Casimiro na siya ang gumawa niyon kay Alejandra. Kung hindi man niya matutuklasan kung sino ang lalaking may responsibilidad kay Alejandra, ang tanging pag-asa lamang na nakikita niya ay ang pag-amin ni Alejandra na hindi si Casimiro ang lalaking kasama niya kagabi sa silid ng goobernadorcillo. Iyon nga lamang, hindi raw nagsasalita si Alejandra tungkol sa nangyari. Sa ilang taon niyang pamamalagi sa Pueblo Camaya, alam niya ang reputasyon ng dalaga. Nakukuha niya ang lahat ng kanyang gusto. Nang makita niyang lumilingkis ang dlaga kay Casimiro noong piging, ay nababasa niyang may gusto ang dalaga kay Casimiro.
Kahit sa kasulok-sulukang parte ng silid ay nilinis niya upang mawalan ng bahid kalapastanganan ang silid. Iniisip niya kung paano nangyari na naging ganoong kagulo ang silid na iyon. Hindi niya lubos maisip kung ano ang ginawa nina Alejandra at ng kanyang kasama kung bakit naging ganoon ang itsura nito.
"Napakamarahas namang kumilos ng mga iyon kagabi," saad ni Anastacia sa kaniyang sarili. "Ano ba ang kanilang ginawa rito sa loob? Animo'y dinaanan ng bagyo ang mga kagamitan!"
Yumuko siya upang abutin ang mga nalaglag na mga gamit sa ilalim ng kama. Ngunit, may nakaagaw na bagay sa kanyang atensiyon. Nakakita siya ng isang gasa. Hindi niya maisip kung ito ba'y kay Casimiro. Ngunit nang amuyin niya ang gasa, mayroon itong halimuyak ng hierba buena.
"Naamoy ko pa rin ang hierba buena. Tiyak akong hindi kay Casimiro ito sapagkat matagal nang naghilom ang kanyang mga sugat," saad ni Anastacia.
Naisip niyang maaaring ang nagmamay-ari ng gasa na iyon ay ang lalaking kasama ni Alejandra. Ngunit, hindi niya matuoy kung sino ang lalaking may sugat o kaya may pinsala sa katawan. Wala naman itong bahid ng dugo.
Nag-isip muli si Anastacia sa mga posibleng pinanggamitan ng gasang may hierba buena. Ang hierba buena ay itinatapal sa balat na may sugat o di kaya'y may pinsala sa buto at kasu-kasuan. Sa tingin niya,mahihirapan siyang hanapin kung sino ang lalaking iyon dahil maraming tao ang gumagamit ng halamang gamot na hierba buena sa kanilang katawan.
Ibinulsa niya ang gasa na iyon at nagpatuloy siya sa paglilinis. Maging ang mga sinturon ay nagkalat rin sa silid. Dalawang sinturon na ang nakita niya sa tabi ng kama.
"Ayna apo! Saan ba nila ginamit ang sinturong ito kagabi? Sila ba'y nagpaluan?" takang tanong ulit ni Anastacia sa sarili.
Pinunasan niya ang isang sinturon at inilagay ito sa bastonera. Subalit, ang isa'y ilalagay na sana niya sa bastonera nang mapansin niyang magkaiba ang naka-imprintang dibuho sa dalawang sinturon. Ang unang sinturon ay may nakaimprintang Letrang J at D. Samantalang sa isa nama'y may nakaimprintang kakaibang letra. Ang unang letra ay tila hawig sa letrang E at ang isa nama'y masasabi niyang hawig sa letrang M.
Napakamot sa ulo si Anastacia. Hindi niya alam kung alin ang kay Casimiro at kung alin ang sa lalaking nasa silid kagabi. Naisip niyang isangguni ang kanyang nalalaman kay Casimiro, ngunit naiilang pa rin siya sa binata.
Ilang saglit pa, may kumatok sa pinto ng silid.
"Casimiro?" bulong niya sa sarili. Agad siyang nag-ayos sa sarili at umaktong tila wala siyang ibang iniisip.
Binuksan niya ang pinto. Ngunit, hindi niya inaasahang iba ang kaniyang makikita.
"Ikaw po pala, Ginang Clotilde," mahinang saad ni Anastacia.
"Oo. Bakit tila iba ang inaasahan mong makita?"
"Hindi po, Ginang Clotilde. Nagulat lamang po ako. Ano po ang inyong sadya sa akin?"
BINABASA MO ANG
La Escapador
Ficção Histórica[COMPLETED] Nakakulong si Anastacia sa kahong ginawa para sa kanya ng lipunan -- pagkilos nang mayumi, pananatili sa loob ng tahanan, pag-aaral kung papaano maging mabuting ina at maybahay, at pagpapakasal sa lalaking itinakda sa kanya ng kanyang mg...
