Capitulo 35 - Ang Paglilingkod

239 18 1
                                    



Halos kilala na ng lahat ng mga kabaryo ni Ramon si Anastacia. Sa pakiwari ni Anastacia, hindi siya mahihirapang pakisamahan ang mga tao roon sapagkat marunong silang makipagkapwa-tao. Dito naintindihan ni Anastacia na nasanay si Ramon sa kapaligirang magiliw na tumatanggap ng mga bagong salta. Kaya para sa kanya, ang pagliligtas at pagkupkop sa kanya ni Ramon ay walang halong lihim na intensiyon, kundi iyon ang natural na ugali ng binata dahil sa nakagisnan nitong kapaligiran.

Maagang nagising si Ramon dahil sasama siya sa mga magtatrabaho sa paggawa ng karo na gagamitin nila sa nalalapit na pista ni San Nicolas de Tolentino. Habang abala si Aling Doring sa pagluluto ng kanilang agahan, napagpasyahan naman ni Anastacia na walisin ang nagkalat na dahon ng acasia sa harap ng kanilang bakuran. Panay rin ang bati niya sa mga taong dadaanan sa kanilang bakuran, kumakaway at ngumingiti nang walang humpay.

"Kilala mo na po lahat ng tao rito sa aming baryo?" usisa ni Clarinda habang tinutulungan niya si Anastacia na hakutin ang mga tuyong dahon.

Ngumiti si Anastacia at hinaplos ang buhok ni Clarinda.

"Iyong mga iba lamang, Inday. Ngunit hindi ko pa kabisado ang ilan sa kanila," saad ni Anastacia.

"Kahanga-hanga ka po ate. Madali mo pong naisasaulo ang mga mukha at pangalan nila. Ako po, nahihirapan akong tandaan ang mga mukha nila," saad ni Clarinda nang may lungkot sa mukha.

"Naku, bata ka pa lang. Kapag lumaki ka na'y makakabisado mo na rin ang mga taong nandito sa inyo," alo ni Anastacia sa bata.

"Hindi na po ako makapaghintay sa aking paglaki. At pangarap kong hindi lamang ako makapagsaulo ng mga tao rito sa aming baryo, kundi pati na rin sa buong bayan!" galak na sabi ni Clarinda.

Natutuwa si Anastacia sa ipinapakitang sigla ni Clarinda. Naaalala niya tuloy ang kanyang bunsong kapatid na si Angelita.

"Bakit ka po malungkot ate?" usisa ni Clarinda.

"Naalala ko lamang ang kapatid ko sa iyo. Kagaya mo ring magiliw na dalaginding," sagot ni Anastacia.

"Siguro po'y nais mo na po siyang makita, ano po?"

"Labis-labis," malungkot na tinig ni Anastacia.

"Maaari po akong maging kapatid niyo pansamantala," sagot ni Clarinda.

"Siyang tunay, Inday. Ituring mo na rin akong iyong ate," sagot din ni Anastacia at niyakap niya ito ng mahigpit.

Ilang saglit pa'y napakalas sa pagkakayakap si Clarinda nang makita niyang paparating ang isang babaeng may dala-dalang sisidlang bayong.

"Ate Ameng!" sigaw niya at sinalubong ang babae.

Sa tantiya ni Anastacia, ito ang ate ni Ramon na mas matanda sa binata nang 4 na taon. Kung dalawang taon ang tanda ni Anastacia kay Ramon, malamang dalawang taon din ang tanda ni Ate Ameng kay Anastacia, kasingtanda ito ng Ate Asuncion niya.

"Inay! Inay!" sigaw ni Clarinda habang nakayakap sa kararating na dalaga. 

Sumalubong din si Anastacia upang magpakilala.

"Magandang umaga, ako po si Anastacia."

Nginitian siya ng babae at lumabas ang mga biloy nito na perpektong umayon sa bilugan nitong mukha at mahabang kulot na buhok.

"Magandang umaga rin. Ikaw pala si Anastacia. Ako nga pala si Carmencita, ang ate ni Ramon," wika niya habang lumulubog-lumilitaw ang kanyang biloy habang nagsasalita.

Humahangos na lumabas  si Aling Doring upang salubungin ang kanyang dalaga.

"Diyos ko! Salamat at maayos ang iyong kalagayan!" masiglang saad ni Aling Doring.

La EscapadorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon