Ilang araw nang pabalik-balik ang lagnat ni Don Sigmundo. Minsa'y inaatake siya ng tuloy-tuloy na pag-ubo. Ayon sa doktor, may sakit raw sa baga ang don kung kaya't mabilis itong manghina at mangayayat. Hindi naman mapalagay ang mga tao sa kabahayan dahil sa kalagayan ng Ama ng kanilang tahanan. Sa mga araw na nagpapahinga ang Don, naroo't darating ang mga bisitang nais kumustahin ang kanyang kalagayan-- mula sa mga opisyal na lagi't lagi ang pangangamusta sa kanya, hanggang sa kanilang pinakamaliit na trabahador na nagbigay ng mga sariwang prutas na anila, tutulong sa mabilis na paggaling ng Don.
Panay rin ang taos-pusong pasasalamat ng pamilya Rivero sa tulong ng kanilang mga dating tauhan na naroon upang sila'y tulungan.
"Walang anuman iyon, senyora. Marami rin kaming utang sa inyo kaya nararapat lamang na tumulong kami sa mga panahong kailangan niyo kami," saad ng isa nilang dating tauhan.
"Istrikto man ang Don sa aming paggawa ngunit marami kaming natutunan sa kanya lalong-lalo na ang pagiging masipag at masigasig sa lahat ng bagay," anang isa rin nilang pahinante sa bahay-kalakal.
Tunay nga, masasabi ng ilan na kahit tila nagiging salat na sa kayamanan ang mga Rivero, marami pa rin naman ang sumasaludo at nagbibigay ng suporta sa kanila.
Isa rin sa mga dumalaw sa Don si Senyor Alfredo dela Joya na anak ng gobernadorcillo. Maliban sa kukumustahin niya ang don, naroon siya upang ibalitang sila ay tutuloy sa kasunduan ng kanilang pamilya sa pag-iisang dibdib nila ni Asuncion at sa makalawa pa ang kanilang padanon o palilian (pag-uusap ng magulang ng ikakasal sa petsa ng kasal).
Halos hindi siya hinarap ni Asuncion dahil sa pagkailang at dahil na rin sa hindi niya nais na magpakasal dito. Ayaw man ito ni Asuncion ngunit kailangan niyan gawing ito alang-alang na rin sa maysakit niyang ama. Kahit tutol rin sa Anastacia sa kahibangang ito, alam niyang malakas ang paninindigan ng kanyang ama at inaalagaan nito ang palabra de honor nito. Naiisip niya ang dating sinabi ng kanyang ama sa kanila. "Para sa inyo ito."
Sa pag-uusap nina Asuncion at Alfredo, naroon sa Anastacia bilang tagapagbantay ng dalawa. Sinisipat ni Anastacia ang bawat kilos ng binata. Kinikilatis niya ang bawat sasabihin nito sa dalaga.
Hindi gaanong matipuno ang pangangatawan ni Alfredo. Balingkinitan ito ngunit mas matipuno si Vicente. Mala-crema rin ang kutis ng ginoong ito. Napatingin tuloy si Anastacia sa kanyang kutis, sapagkat mas malinaw at mas mala-crema ang kutis nito na tila pinapahiran ng perlas araw-araw. Maayos na nakapomada ang kanyang buhok at tila nakulayan ng rosas ang kanyang mga labi. Tunay na may dugong mestizo. Kabaliktaran ng gobernadorcillo si Alfredo. Kung anong tapang ang mukha ng kanyang ama, ganoon naman kaamo ang mukha ni Alfredo.
Madalang lang ding lumabas ng bahay noon si Alfredo. Minsan lamang ito kung magpakita, minsan tuwing may okasyon lamang. Hindi rin popular sa kababaihan si Alfredo kahit may angkin itong kakisigan. Ang alam ni Anastacia, mahiyain ito. Kaya hamon para kay Alfredo ang lumabas ng bahay at magpunta pa sa bahay ng babaeng nakatakda niyang pakasalan.
"Inu-tusan ako n-ni Ama na m-magpunta rito," nauutal nitong sabi habang nakaupo sila sa balkonahe.
Dinig na dinig naman ni Anastacia ang utal na pananalita ni Alfredo kahit malayo siya sa dalawa.
BINABASA MO ANG
La Escapador
Narrativa StoricaNakakulong si Anastacia sa kahong ginawa para sa kanya ng lipunan -- pagkilos nang mayumi, pananatili sa loob ng tahanan, pag-aaral kung papaano maging mabuting ina at maybahay, at pagpapakasal sa lalaking itinakda sa kanya ng kanyang mga magulang...