Ilang linggo nang matamlay ang tahanan ng mga Rivero. Matapos mamatay ni Don Sigmundo, nagbago ang lahat. Ang banidoso sa katawang si Donya Vivencia'y tila napapabayaan na ang sarili. Mula sa dating laging nakaayos ang buhok at naka-colorete ang mukha, ngayon, makikita na lamang ang natural nitong kulay na siyang nakapagpalitaw sa kanyang kumukulubot na balat.
Bilang bunso, si Angelita ang naiiwan sa bahay. Samantala, sina Antonina at Anastacia naman ang umaalis upang asikasuhin ang kaso ng estado ng kanilang mga ari-arian. Makailang ulit silang nagpapabalik-balik sa tahanan ng gobernadorcillo, sa katedral, sa mga opisina ng ayuntamiento, at sa mga taong kailangan nilang kausapin. Ngunit isa lamang ang naging bunga. Walang makitang kasulatan, walang patunay na pagmamay-ari nila ang kanilang lupain, at maaaring makuha sa kanila ang lahat ng kanilang ari-arian.
"Sumosobra na sila. Talagang nababaliko nila ang batas. Walang bagay ang hindi nila nakukuha, basta't ginusto nila," may inis na sad ni Anastacia. Matapos nilang malamang binibigyan na lamang sila ng ilang araw upang lisanin na ang kanilang mansion.
"Nakakapagtaka ngang lahat ng kasulatan at papeles ng ari-arian ni Ama ay nawawala. At ang mas lalong nakapagtataka, ang mga lupaing sinasaka natin ay pinalabas nilang huwad at walang nagmamay-ari. Kaya naman sinunggaban agad ng mga oportunista ang pagkakataong iyon upang makamkam lahat ng pinaghirapan ni ama!" dugtong ni Asuncion.
Ipinagtapat na rin nina Anastacia at Asuncion ang kalagayan ng kanilang ari-arian sa kanilang ina. Lalong nanlumo ang donya sa kaniyang nalaman.
"Diyos ko! Anong parusa ito! Unang nawala si Sigmundo. Sumunod nama'y lahat ng kanyang pinaghirapan!" palahaw ni Donya Vivencia.
"Ina, huminahon ka," pag-aalo ni Asuncion.
"Ngayong wala na si Sigmundo, wala na ring kwenta ang buhay ko!" muling pagdaramdam ni Donya Vivencia.
"Ina, huwag mong sabihin iyan. Naririto pa kami. Tayo ang magkakasama saad ni Angelita habang hinihimas ang likod ng donya habang umiiyak.
"Salamat, mga anak. Patawad at wala akong nagawa sa lahat ng ito. Wala akong alam sa pagpapatakbo ng negosyo. Wala akong alam sa pagpoproseso ng papeles ng lupain, wala akong alam sa pangangasiwa ari-arian. Ang tanging alam ko lang ay ang pangasiwaan ang ating tahanan," may pagsisising sabi ni Donya Vivencia.
Naisip ni Anastacia na kalabisan na ang mga nangyayari. Kung may pagkakataon lamang siya upang masupil ang gawain ng mga mapang-abuso, matagal na niyang ginawa. Nagnanais na rin niya ng pagbabago sa sistema ng pamahalaan, sa sistema ng lipunan, at sa sistema ng pagbibigay ng pantay-pantay na karapatan.
Habang nagdadamdam ang donya sa sila, nakarinig sila ng katok mula sa tarangkahan. Bumungad sa kanila ang mag-asawang Don Ildefonso at Donya Conegunda.
"Magandang araw, Donya Vivencia," bati ni Don Ildefonso na mas malapad pa ang ngiti kaysa dati. May dala-dala silang mga dokumento na nakasilid sa isang malaing sobre.
Bilang paggalang, pinaupo sila sa sala at ipinatawag ang mga magkakapatid dahil ayon sa kanila'y may mahalaga silang anunsiyo.
BINABASA MO ANG
La Escapador
Historical FictionNakakulong si Anastacia sa kahong ginawa para sa kanya ng lipunan -- pagkilos nang mayumi, pananatili sa loob ng tahanan, pag-aaral kung papaano maging mabuting ina at maybahay, at pagpapakasal sa lalaking itinakda sa kanya ng kanyang mga magulang...