Iniabot ni Casimiro ang kanyang kamay sa kamay ni Anastacia na hirap na hirap sa pagkapit sa nakausling sanga. Nakabitin ang dalaga sa madausdos na bangin.
"B-bakit mo ba ako dinala rito? A-anong gusto mong mang-- yari?"hirap na sa pagsasalita si Anastacia. Sinubukan niyang ihanapan ng matatapakang kahit bato lamang ang kanyang paa bilang suporta upang hindi mangalay ang mga braso niyang hirap na hirap sa pagkapit. Nauuna nang mahulog ang mga butil ng pawis sa kanyang noo. Pinakalma niya ang sarili sapagkat magpapawis ang kamay niya kung siya'y kakabahan.
" Kumapit ka sa mga kamay ko," utos ni Casimiro.
Ngunit hindi siya nakinig kay Casimiro. Sa halip, kagaya ng dati, buong lakas niyang ginamit ang kanyang binti upang maiangat ang bigat ng kanyang sarili. Kahit ayaw niya, hinila pa rin siya ni Casimiro upang mas madali siyang maiangat. Sa wakas, nakasampa rin siya. Parang mauubusan na siya ng hangin habang takot na takot siya sa ideyang maaaring hindi na siya makauwi nang buhay.
Napatingin siya sa baba ng bangin. Hindi niya alam kung totoo o guni-guni ba ang nakita niyang katawan ng isang dalagita sa baba ng bangin. Duguan ito at tila basag ang ulo. Napapikit siya at nagnais na makaalis sa bahaging iyon upang hindi masilayan ng kanyang hinagap ang malagim na sitwasyon ng babaeng naroon. Nang makaangat siya, buong lakas niyang ginamit ang kanyang kalamnan sa mga braso upang mailagay niya ang kanyang katawan sa ligtas na bahagi ng lupa.
"Y-yung b-babae," nanginginig pa rin si Anastacia na kagaya ng panginginig ng kanyang kalamnan sa braso.
Napatingin si Casimiro sa ibaba ng dausdos.
"Walang tao roon Anastacia," pag-aalo ni Casimiro.
"Hindi! May tao roon! Alam ko! Kilala ko na siya! Naalala ko na siya!" sigaw niya kay Casimiro at itinulak niya ang binata papalayo sa kanya.
Gulong-gulo si Anastacia. Hindi na niya maramdaman ang kaligtasan sa piling ni Casimiro. Lalo na't unti-unting nagbabalik ang alaalang iyon.
"Bilang iyong mapapangasawa, nais ko lamang ipakita sayo ang madilim at maliwanag na bahagi ng aking pagkatao," mahina ngunit matunog na sabi ni Casimiro.
Nagtakip ng tenga si Anastacia, hudyat na ayaw niyang makarinig ng anumang paliwanag mula sa binata.
Nakarating sila sa sentro ng bayan nang walang imikan. Nadatnan nila ang kanilang pamilya na nagkukwentuhan sa kanilang balkonahe.
Dali-daling umakyat si Anastacia upang yumakap sa kanyang ama.
"Ama, hindi ko po kayang magpakasal sa lalaking iyan... nakikiusap ako ama. Gagawin ko ang lahat, huwag niyo lamang akong ipakasal sa lalaking iyan.." hindi na niya mapigilan ang paglabas ng luha sa kanyang mata. Naroon ang halo-halong takot, pangamba at pagkamuhi sa nanginginig niyang bibig habang nagsasalita.
"A- hija.." tanging sambit ng don sapagkat walang kaalam-alam ang don sa pangyayari. Napatingin ito kay Casimiro at nang lumaon sa mag-asawang delos Reyes.
Bakas naman sa mukha ng magkakapatid, at kahit sa mukha ni Donya Vivencia ang pagtataka sa inasta ni Anastacia. Hindi nila maiwasang magtanong kung bakit nagbalik ang dating Anastacia na kilala nila - Anastacia na laging takot, mapag-isa, iyakin at laging naghahanap ng yakap ng ama.
"Senyorita, que paso? " pag-iinteroga ni Don Ildefonso at naidapo niya ang tingin sa kinakabahang si Casimiro. Nang makita ni Don Ildefonso ang itsura ni Casimiro na tila nababagabag sapagkat sunod-sunod ang tulo ng pawis nito, tinanguan niya ang binata at saka muling nagsalita. "Sa tingin ko'y nararapat lamang na pagpahingahin na ang binibini sapagkat marahil ay dala na ito ng pagod. At kung anuman ang nagawa ng aking anak na siyang naging dahilan ng pagkabagabag ng dalaga, ay aking aalamin sa aming masinsinang pag-uusap."
BINABASA MO ANG
La Escapador
Historical Fiction[COMPLETED] Nakakulong si Anastacia sa kahong ginawa para sa kanya ng lipunan -- pagkilos nang mayumi, pananatili sa loob ng tahanan, pag-aaral kung papaano maging mabuting ina at maybahay, at pagpapakasal sa lalaking itinakda sa kanya ng kanyang mg...
