Nakakulong si Anastacia sa kahong ginawa para sa kanya ng lipunan -- pagkilos nang mayumi, pananatili sa loob ng tahanan, pag-aaral kung papaano maging mabuting ina at maybahay, at pagpapakasal sa lalaking itinakda sa kanya ng kanyang mga magulang...
Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
1761, Ciudad Fernandina de Vigan
Para kay Anastacia, masarap langhapin ang malamig na hanging hatid ng amihan sa buwan ng Disyembre. Sa mga panahong ito, nagnanais ang kanyang katawan ng ibayong init na kagaya ng hangin tuwing Abril. Kaya naman, naisipan niyang magpapapawis sa pamamagitan ng pag-akyat sa isang puno. Pakiramdam niya kasi, kapag nasa itaas siya ng puno, tila nasa tuktok siya ng bundok at siya ang reyna ng lahat. At sa ilang saglit, maaari siyang liparin ng hangin kasama ng kanyang pinakapaboritong hayop -- ang mga ibon.
Ipinulupot niya ang kanyang mga binti sa mga sanga ng puno ng mangga at saka buong lakas niyang ikinapit ang kanyang mga kamay sa maliliit na sanga. Tila nahihirapan siya sa pag-agpas kung kaya't itinaas niya ang kanyang saya at inilislis niya ang manggas ng kanyang baro.
Sa kanyang isip, mukhang wala namang makakikitang tao sa kanya roon sapagkat naroon siya sa malawak na bukid ng kanyang Ama at nagsisiesta naman ngayon ang kanilang mga trabahador.
Nakahanap siya ng magandang puwesto sa isang malapad na sanga, saka niya inilabas mula sa maliit na bulsa ng kanyang saya ang maliit na libreto.
Isinandal niya ang kanyang likod sa isa pang mas malapad na sanga at saka sinimulan niyang bigkasin ang mga salita sa libro, "Novelas amorosas y ejemplares..."
Panay ang pagbilog ng bibig ng dalaga dahil sa paghanga sa mga katagang nakasulat sa librong kanyang binabasa. Nakakaintindi siya ng ilang mga salitang Espanyol dahil sa pagtuturo ng kanyang pribadong guro.
"Kahanga-hanga ang paraan ng pagsasalaysay!" sambit niya sa kanyang sarili.
Sunod-sunod ang paglipat niya ng pahina ng librong kanyang binabasa. Tila wala siya sa mundong kinalalagyan niya ngayon sapagkat ang kaluluwa niya'y naglalakbay sa loob ng kwentong binabasa niya. Hindi niya mapigilang ngumiti.
"Senyorita Anastacia! Nasaan ka hija? Senyorita!" alingawngaw ng sigaw mula sa 'di kalayuan.
Pamilyar ang pagtawag na iyon Tiyak siyang iyon ay boses ni Manang Claring, ang kanilang matandang katiwala.
"Senyorita Anastacia ! Senyorita! Nasaan ka?" patuloy na hiyaw ng matanda nilang katiwala.
Agad naman siyang bumaba sapagkat alam niyang hinahanap na siya sa kanilang tahanan. Tiyak niyang darating na ang kanyang Ama mula sa pakikipagkalakal ng tabako sa mga Tsino. Bukod sa sila ang nagmamay-ari sa isa sa malalawak na plantasyon ng mais, tubo at tabako sa Ciudad Fernandina De Vigan, mayroon din silang bahay-kalakal kung saan nila itinitinda ang naaani sa kanilang lupa. Minsa'y nakararating sa kabisera sa Maynila ang kanilang mga kalakal.
Kumaripas siya sa pagbaba. Ni hindi na niya alam kung saang bahagi ng puno siya aapak dahil sa pagkataranta. Batid niyang pagagalitan siya ni Manang Claring kung makikita siyang nasa itaas ng puno. Para siyang butiking nawalan ng balanse nang dumausdos siya pababa sanhi ng kanyang pagkahulog. Hinalikan ng magaspang na balat ng puno ang kanyang makinis at mala-kremang binti.