Capitulo 38 - Simula ng Pista

312 22 2
                                        

Setyembre 9, 1765

Makalipas ang dalawang taon...




"Anastacia! Dalhin mo rito ang mga kinatay na karne ng baboy!"

"Opo, Nana Masing!"

"Anastacia, malinis na ba ang mga tilyasi?"

"Aling Rosario, huwag ka pong mag-alala, maaari ka mo nang gawing salamin ang puwet nito!"

"Anastacia, kailangan ko ng tubig rito sa lababo."

"Nairyan na po sa tabi ninyo ang aking inigib kanina lamang, Aling Bebang!"

"Ay oo nga, ano?"

"Pagod ka na ba, Anastacia?"

"Malakas pa po ako sa kalabaw, Aling Pacia!"

Halos hindi magkandaugaga ang mga katiwala sa casa dahil sa paghahanda ngayong kapistahan ni San Nicolas de Tolentino. Ilang taon din silang hindi nakapagpagdiwang ng kapistahan. Sa loob ng mahigit dalawang taong pagsakop ng mga Briton sa Maynila at Cavite, bigla na lang silang lumisan sa bansa. Ang hinala ng ilan, nagbigay ng kaukulang bayad ang Espanya sa Gran Britanya upang lisanin ang kolonya nito sa Asya.

Malapit nang matapos ang ikasiyam na araw ng nobena ng mga hermana sa simbahan. Naayos na rin ng mga cabeza ang daraanan ng prusisyon ni San Nicolas. Napuno ng banderitas ang bawat kalyeng daraanan ng parada sa umaga at prusisyon naman sa dapithapon. Ang mga mangangasiwa sa kasiyahan sa pagdaraos ng pista ay nakapaghanda na rin. Magkakaroon ng salu-salo ang mga cabeza at ang mga hermana't hermano na nanguna sa nobena at maging ang mga prayle ng simbahan. Ito ang unang gabi kung saan magtutuloy-tuloy ang piging sa casa sa pagdiriwang ng pista.

"May mahalagang anunsiyo raw ang gobernadorcillo," pagbabalita ni Aling Bebang.

"Naku, Bebang! Nariyan ka na naman sa mga nasasagap mong balita!" paalala ni Nana Masing.

"Nana Masing naman, ibinalita ko lang sa inyo ang nasagap ko sa pamilihan," saad ni Aling Genoveva, habang tinatapos ang knayang gawain sa kusina.

"O siya, dalian natin sa paghahanda sapagkat magdadapithapon na," untag ni Nana Masing.

"Anastacia, halika," tawag ulit ni Nana Masing. "Ihatid mo rin itong kalahating sako ng saging sa simbahan. Naiwan ito ni Tope. Sinabi ko na ngang huwag niyang kakalimutang may saging sa likod ng mga panggatong, eh!"

"Masusunod po, Nana Masing. Huwag na po kayong magalit. Tignan niyo't nagiging kamukha na ninyo si Ginang Clotilde," tugon ni Anastacia.

Natigilan naman ang mga nasa loob ng kusina nang masabi iyon ni Anastacia.

"Ano ang sinabi mo?" mataas na boses ng nasa likuran niya. Nang tignan niya ito'y nakapameywang na si Ginang Clotilde.

Palihim namang naghahagikgikan ang mga hermana sa kusina.

"Ah, wala po," saka nito hinablot ang sakong may lamang saging at umalis kaagad-agad.

"Anastacia, hinahanap ka ni Don Damian!" sigaw ni Ginang Clotilde sa papalayong si Anastacia.

Samantala, kahit na mabilis siyang umalis sa casa, naririnig pa rin ni Anastacia ang pangalan ni Don Damian. Alam na naman niya kung ano ang pakay nito sa kanya. Kaya naman, mabilis niyang tinungo ang simbahan at hinanap ang silid kung saan niya laging nakikitang nagdarasal ang prayleng si Padre Rufino, na kahit namumutla ang balat nito dahil sa labis na kaputian ay hindi naman namumutla ang mga ngiting ipinupukol niya sa sinumang magdaraan sa simbahan.

La EscapadorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon