Capitulo 20 - Bagong Kasama

298 28 2
                                    



Natahimik ang lahat dahil sa pagkagulat sa biglaang pagsaboy ni Anastacia sa mga naroon. At nang may nagsindi ulit ng isang sulo, nakita ni Anastacia na basang-basa ang mga taong nasa loob ng kamalig – sina Tiyo Feliciano, Senyor Diego, Donya Gabriela, ang ilang mga taong taga-Vigan kasama na roon sina Maximiliano, Fernando at Vicente.

Napatakip na lamang ng mukha si Anastacia sa hiya. Sa tantiya niya'y nasa dalawampung tao ang nakasaksi sa kanyang katangahan.

"Naku! Paumanhin po! Paumanhin po!" sunod-sunod na saad niya at tila hindi niya alam ang gagawin at kung sino ang uunahin niyang punasan.

"Paumanhin po, akala ko'y may nasusunog na ang loob ng kamalig at—" nanginginig siyang nagpaliwanag at nakikita niya ang pagkadismaya sa mukha ni Senyor Diego.

Napalingon siya kay Donya Gabriela na nakapikit nang matagal ngunit saglit pa'y tumawa ito..

Sumunod na tumawa si Senyor Diego at nasundan pa ng pagtawa ng mga taong naroon.

"Kay liksi ng pag-aapula ng apoy ng iyong pamangkin, Feliciano!" saad ni Senyor Diego at hindi pa rin nawawala ang tawanan sa loob ng kamalig. "Naapula niya kaaagad ang ating pagupulong!"

Hindi magakandaugaga sa pagyuko si Anastacia at paulit-ulit na humingi ng paumanhin. Litong-lito na rin siya kung anong nangyayari. Hindi niya alam kung bakit sila naroroon.

"Wala iyon, binibini. Sadyang naputol mo nga lamang ang aming mga usapan, ngunit ito nama'y patapos na," saad naman ni Donya Gabriela.

"Mabuti pa'y putulin muna natin ang pagpupulong na ito, mga kababayan, at nang makapagsimula tayo ng bagong hakbang bukas," saad ni Senyor Diego kung kaya't nagsialisan ang mga naroon upang umuwi na.

Naiwan naman sina Senyor Diego at Donya Gabriela upang tumulong kay Tiyo Feliciano na mag-ayos sa loob ng kamalig.

"Alam kong nagugulumihanan ka ngayon, ngunit ito'y ipapaliwanag ko sa iyo sa ibang pagkakataon. Ngayo'y samahan mo muna akong asikasuhin ang mga bisita," utos ni Tiyo Feliciano kay Anastacia.

Nakita naman niyang nauna nang umalis sina Vicente at Fernando at nahuli si Maximiiano.

"Maximiliano..." bulong ni Anastacia sa papaalis na sanang binata. "...pasensiya na."

Ngiti lamang ang itinugon ni Maximiliano.

"Walang anuman, Anastacia. Alam kong hindi mo naman ito sinasadya," saad ni Maximiliano. Halata rin sa kanyang kilos ang pagkalamig sapagkat nangangatal siyang nagsasalita.

"O siya! Mabuti pa, tayo'y magkape, Senyor Diego at Donya Gabriela nang mainitan naman tayo mula sa pagkakamali ng aking pamangkin," yakag ni Tiyo Feliciano. " Sumama ka na, Maximiliano."

Hindi na rin tumanggi ang lahat at pinaunlakan ang paanyaya ni Tiyo Feliciano sa pagkakape.

Bilang pambawi naman sa katangahang nagawa ni Anastacia, siya na rin ang nagpresenta upang magtimpla ng kape.

Naghanap naman si Tiyo Feliciano ng mga damit at baro upang panandaliang makapagpalit ng damit sina Senyor Diego, Donya Gabriela at Maximiliano na kapwa napuruhan ng pagsaboy ng tubig ni Anastacia.

"Naku, kay sarap palang magtimpla ng dalagang ito!" bati ni Senyor Diego nang matikma ang kapeng gawa sa bigas.

"Tunay nga't may ibubuga ang mga dalagang Rivero sa tamang pamamahala ng tahanan," dagdag ni Donya Gabriela.

La EscapadorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon