Capitulo 24 - Ilog Govantes

252 26 1
                                    



Araw ng Linggo at napagdesisyunan nina Donya Gabriela at Anastacia na mas maagang magpunta sa simbahan. Magrorosaryo pa umano ang donya bago magsimula ang misa. Halos ilang minuto pa lamang, nagsidatingan na ang mga parokyano. Kagaya ng dati, piling-pili lamang ang mga nakaupo sa harapan. Samantala, ang mga ordinaryong mamamayan naman ay nakaupo sa likuran. Panay ang tingin ni Anastacia sa kanyang likuran, hinahanap ng kanyang mata kung nasaan ang kanyang ina at mga kapatid.

Nakita niyang kumaway sa kanya si Maximiliano, kasama ang kanyang ama't ina. Sa dulong malayo naman, namataan niya si Senyor Gomez na kasama si Fernando. Halos magsimula na ang misa. Kagaya ng dati, halos hindi pa rin niya maintindihan ang sermon ni Padre de Ustariz. Ngunit kapag si Padre Tomas ang nagsasalita, nakikinig siya. Di hamak na may paborito siyang prayle. Nong siya ay madalas sa escuela, ginagalang si Padre Tomas dahil maliban sa siya ang propesor sa escuela, siya rin ay may simpatya sa mga kailyan. Kahit na siya ay purong kastila, mahal na mahal siya ng mga taga-bayan, pati ng mga taga-karatig-bayan.

Sa kalagitnaan ng sermon, muling nagpaalala si Padre de Ustariz. "Ang sinomang mamamayan na hindi susunod sa mga itinalaga ng Diyos na mamumuno ay masusunog sa impyerno. Layuan sana natin ang mga taong radikal at mapanganib dahil maaari tayo mapahamak nang dahil sa kanila."

Nagsimulang umugong bulungan sa loob ng simbahan. Tumahimik lamang ito nang suwayin sila ng prayle at nagpatuloy sa panenermon.

Kinabahan si Anastacia. Hindi lingid sa simbahan ang pagpoprotesta ng mga kailyanes, lalong-lalo na't ang pinuno nila ay si Senyor Diego na siyang laking simbahan at alaga rin ng mga pari simula nang siya ay maulila.

Natapos ang misa na tila may takot sa puso ni Anastacia. Napansin naman ito ni Donya Gabriela.

"Huwag kang mag-alala. Tayo ay nasa tamang landas. Huwag kang matakot," wika ng donya.

Agad naman nilang kinausap si Padre Tomas, na siyang nagpaki rin kay Donya Josefa nang siya ay bata pa.

"Padre, si Diego ay hindi masamang tao. Ang inaala lang niya ay ang kapakanan ng kanyang mga kababayan," saad ni Donya Gabriela.

"Yo sé eso (I know that), Josefa (mula sa ngalang Maria Josefa Gabriela). Tunay ngang nakakapanlumong may mga mapagsamantala, kagaya ng alcalde mayor Don Antonio Zaballa. Alam ni Padre de Ustariz na ibinebenta ng mga mamamayan ang pagkit (beeswax) sa alcaldia ng Ylocos, gamit ang madayang timbangan sa mababang halaga at pipilitin ang ibang mamamayan na bilhin naman ito sa mataas na halaga," wika ni Padre Tomas.

"Padre, sana'y matulungan niyo kami. Nais lamang naming ang mailuklok na opisyal ay may pagmamahal sa bayan. Aalisin namin ang mga mapagsamantala," pahayag ni Donya Gabriela.

"Sisikaping kong kausapin si Padre Manuel," saad ni Padre Tomas. "Kaawan nawa kayo ng Diyos."

Nagpaalam sina Donya Gabriela. Nang nasa labas na sila ng simbahan, nakita nilang nagkukumpulan ang mga grupo ng principalia na nagmamay-ari ng mga sakahan at baha-kalakal sa Vigan.

"Hindi natin dapat pinagmamalabisan ang mga kailyanes. Sila ay ating mga kapatid!" turing ng isang ginoong sa tingin ni Anastacia ay ang nagmamay-ari ng lupa na katabi ng kanilang lupang sakahan noon.

"Siya nga. Ang mga matataas na opisyal na ang nakikinibang sa buwis na ipinapataw sa atin. Tayo na nga ang nagbabayad ng falla sa ating mga trabahador upang hindi magtrabaho sa polo y servicios, tayo pa ang nalulugi sa buwis na galing sa mga ibinebenta nating ani," saad naman ng isa.

"Iyang mga matatas na opisyal na iyan, lahat naman ay mestizo't kastila. Ni wala tayong representasyon sa cabildo," wika naman ng isa pa.

"Kailangan natin ng magrerepresenta sa ating mga hinanaing!" tugon ng isa pa.

La EscapadorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon