Capitulo 3
"Ginoong Juan Maximiliano Guerrero y Rosario," ani Donya Vivencia noong nag-uusap sila ni Don Sigmundo.
"Ang bastardo at ulilang ampon ng mestizang si Senyora Florentina Guerrero y Rosario at ng isang Senyor Alvaro Guerrero na tubong Aringay, Pangasinan. Isang binatang nagpapakadalubhasa sa Bellas Artes. Siya'y naglagi sa Abra ngunit dahil sa panghihina ng Senyor Alvaro, siya ay pinauwi at pumalit bilang mangangasiwa sa pagawaan ng muebles ng mga Guerrero," sambit ni Don Sigmundo.
"Si! Natatandaan ko na ang batang yaon. Ngunit sino naman sa ating mga anak ang nililigawan ng ginoong Guerrero na iyon? Ano ang gagawin natin, Sigmundo!" alalang sabi ni Donya Vivencia.
"Huminahon ka, Vivencia," pag-aalo nito sa asawa.
"Ngunit hindi ko papayagang mapunta sa isang bastardo ang isa sa mga anak natin!" bulalas ng donya.
"Mahal ko, kumalma ka. Huwag kang mag-alala sapagkat kinausap na ako ng gobernadorcillo. Hinihingi niya ang kamay ng ating anak na si Asuncion para sa kanyang binatang si Senyor Alfredo na nag-aaral ng medisina sa Unibersidad ng Santo Tomas," Tumayo ang don at saka inilabas ang kanyang tabako.
"Ngunit paano kung si Anastacia ang nais niya?" humalukipkip na sabi ni Donya Vivencia.
Humalakhak ang don.
"Iyan ay kung gusto rin siya ni Anastacia. Kilala mo ang iyong anak, hindi iyon mahilig sa mga pag-ibig-pag-ibig na iyan!" saka ito nagbuga ng usok mula sa kanyang tabako
"Ngunit, paano kung ito'y salungat sa inaakala natin? Paano kung makaramdam siya ng pagmamahal? Kapag ang puso na ang naghahari sa katauhan ng isang nilalang, wala nang makapipigil pa sa kanya. Baka lalo niya tayong suwayin!" pag-aalalang saad ni donya.
"Huwag kang mag-alala, ihahanapan ko rin siya ng lalaking sa tingin ko'y nababagay sa kanya," tumikhim ang don.
"Sigmundo! Siguraduhin mo lamang na ang taong iyan ay magiging mabuting asawa para kay Anastacia. Mahigpit man ako sa kanya subalit ang nais ko lamang ay mapabuti siya, at mas maging mabuting maybahay sa hinaharap," malungkot na tugon ng donya.
"Walang ama ang nagnanais na mapahamak ang kanyang anak, mahal ko. Katulad na lamang ng ginawa ng mga magulang mo. Ipinagkasundo ka sa isang ginoong ubod ng tikas, masipag at maginoo! Tignan mo't nakabuo kayo ng apat na naggagandahang dilag!" pagbibiro nito.
Kapwa sila napatawa.
"Ngunit tandaan mo, Sigmundo, hindi lahat ng kasal na ipinagkasundo ay nagtatagumpay, katulad na lamang ng kapatid kong si Juliana," dugtong ni Donya Vivencia.
Napailing ang Don sa sinabi ng Donya. Kapwa sila napatingin sa mga istante ng mga aklat na nakahilera sa kanilang silid. Pagmamay-ari lahat iyon ng yumaong kapatid ni Donya Vivencia na si Donya Juliana.
"Mukhang nagkamali yata ako sa pagbibigay ng handog kay Anastacia," mahina niyang sambit sa kanyang isip.
Samantala, abala namang kinikilatis ng mga kadalagahan ang mahiwagang regalo mula sa isang mahiwagang manliligaw.
Inalis nila ang nakabalot na tela at nakita nilang isa itong pakwadradong salamin. Nakaukit sa kahoy na mukhang sa molave nagmula ang sopistikadong disenyo ng inukit na mga bulaklak.
"Kay rikit ng pagkakagawa sa salaming ito! Mas matangkad pa ito kaysa sa akin!" galak na sabi ni Angelita habang isinasayaw ang sarili nang makita ang repleskyon nito sa salamin.
"Ni hindi man lang sinabi ng ginoong iyon kung para kanino ang salamin na ito," wika ni Asuncion.
"Mga manang, tila sa akin inihahandog ang marikit na salaming ito! Tignan niyo, may letrang A na nakaukit sa gilid nito!" natutuwang sabi ni Angelita.
BINABASA MO ANG
La Escapador
Tarihi Kurgu[COMPLETED] Nakakulong si Anastacia sa kahong ginawa para sa kanya ng lipunan -- pagkilos nang mayumi, pananatili sa loob ng tahanan, pag-aaral kung papaano maging mabuting ina at maybahay, at pagpapakasal sa lalaking itinakda sa kanya ng kanyang mg...
