Capitulo 6 - Balakid

1.4K 97 42
                                    

"Sssh, tigil," saad ni Casimiro kay Anastacia nang makarating sila sa may bukana sa kanilang kalye na malapit sa dulong bahagi ng plaza habang sila'y papauwi galing sa pagburnayan.

Naroon sa plaza ang mga polista na kabilang sa polo y servicios. Nakatayo sa harapan si Heneral Primo Enriquez, ang aguacil mayor (Chief of Police) ng Ciudad Fernandina de Vigan.

"Estupidos indios! No me puedes engañar! (Stupid indios, you can't fool me)!" malakas na sabi ng heneral. At saka hinagupit ng kanyang latigo ang likod ng nakadapang lalaki. Tila kanina pa siya hinahagupit sapagkat napunit na ang duguang kamisa nito sa likod.

"Escuchame, cualquiera que viole nuestras reglas morirá! (Listen to me, anyone who violates our rules will die)!" saad nito. Binunot niya ang kanyang baril saka itinutok sa lalaking nakadapa.

Bang!

Umalingawngaw ang putok ng baril sa madugong alapaap.

Napaatras sina Anastacia at Casimiro sa nakita.

"Mga walang kaluluwa! Ikinahihiya kong may kaunti akong dugong kagaya nila na nananalaytay sa aking ugat. Mga hayop!"usal ni Anastacia.

Hindi nakaimik si Casimiro sapagkat amain niya sa binyag ang malupit na heneral.

Napatingin na lamang siya sa mga taong naroon ngayon sa plaza upang saksihan ang pagpapahirap sa isang kaawa-awang nilalang. Halos maiyak ang mga kababaihang nakakita niyon.

"Hindi na nga binabayaran ang mga polista sa kanilang serbisyo sa pagpapatayo ng mga imprastruktura, pagmamalupitan pa sila nang ganoon!" bulalas ng dalaga.

Hindi mawari ni Anastacia kung alin ang mas nanaig sa kanyang pakiramdam ngayon, awa ba o poot. Hindi lamang ito ang unang beses na nakakita siya ng pagmamalupit ng mga espanyol. Noong nakaraang araw nama'y isang babae ang nakabangga ng isang gwardiya sibil. Sa halip na tulungan ang natumbang babae, hinambalos pa niya iyon ng kanyang bayoneta. Nakakita na rin siya ng mag-anak na nasunugan ng kubo sapagkat hindi sila makapagbayad ng tamang tributo. Ngunit ang pinakanakakaawang pangyayaring nasaksihan niya ay ang paggarote sa isa sa mga pinaghihinalaang kakampi ng mga rebelde, si Ka Marcelo. Bata pa siya noon nang minsang sunugin ang Palacio Arzobispado ng mga rebelde. Natagpuang sugatan sa loob si Ka Marcelo samantalang ang kanyang mga kasama ay nakatakas. Nasa alaala pa rin ni Anastacia kung papaanong naputol ang ulo ng ginoo. Ilang gabi raw siya noong binangungot at tanging pagbabasa lamang ng libro ang nagpapakalma at nakapagpapatulog sa kanya. Ngunit mayroon pa siyang hindi maalala na ayaw balikan ng kanyang lirip. Isang malagim na pangyayari na napagtagumpayan niyang kalimutan ngunit sa sulok ng kanyang puso, nais niya ulit itong maalala. Tumindi ang pagnanais niyang mabalikan ang pangyayaring iyon ngayong nagbalik ang dati niyang kababatang si Casimiro.

"Magandang hapon Senyorita Anastacia," saad ng lalaking may malamig na boses sa likuran ni Anastacia. Nang lumingon siya'y nawala lahat ng poot na nararamdaman niya sa sandaling iyon.

"Magandang hapon din Ginoong Maximiliano,"ani Anastacia na tila nais lumundag ng kanyang puso nang masilayan niya ang binata.

"Magandang hapon Ginoong delos Reyes," saad ni Maximiliano kay Casimiro. "Sa iyo din, Engkay."

"Mas maganda si Binibining Anastacia kaysa sa iyong hapon, Ginoong Maximiliano," pabirong sagot ni Casimiro.

Tumawa naman si Maximiliano sa itinuring ni Casimiro. Ngunit kay daling nagbago ang ekspresyon niya sa kanyang mukha nang kinausap niya si Anastacia.

"Binibini, ako'y nalulungkot sapagkat kay bilis mong pumanhik papalabas ng inyong mansion na tila ayaw mo akong makita," nag-iba ang tono ni Maximiliano.

La EscapadorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon