Hindi makatulog si Anastacia nang gabing makita niyang muli si Casimiro simula nang ito ay maaksidente. Kahit na may bendahe ang binata sa kanyang kaliwang braso at halata ang mga gasgas sa kanyang mukha, pinanatili nito ang magandang disposisyon nang sumulip siya sa bintana nang mabasa ang munting sulat sa kanya ni Anastacia na nais niyang makita ito kahit mula man lamang sa bintana. Kumaway siya nang napakasigla na tila walang iniindang kirot sa mga bahagi ng katawan niyang napuruhan dahil sa pagkakakaladkas niya sa rumaragasang kalesa.
Tandang-tanda naman ni Anastacia ang malalambing na ngiti ng binata na tila nararamdaman nito ang kanyang sabik noong mga sandaling iyon. Hindi man niya maamin sa kanyang sarili, ngunit tila nais niya ulit masilayan si Casimiro kahit na sandali lamang. Hindi niya akalaing mas lalong lumalago ang munting pagkagusto nito sa binata. Minsa'y natutuliro siya't iwinawaglit sa kanyang isip ang posibleng pagtitinginan nila, sapagkat nasa Pueblo Camaya sila. At wala pa siyang karapatang umibig ng iba.
Halos madaling araw na'y hindi pa rin siya dinadalaw ng antok. Marami pa ring bumabagabag sa kanyang isip. Isa na roon ang mga hindi nila nakikitang kaaway. Kaya naman, naisipan niyang bumangon na lamang at gawin ang mga maaari niyang gawin sa kusina. Tumitilaok na ang mga manok, at sa tingin niya'y ilang minuto na lamang at magigising na rin ang kanyang mga kasambahay.
Sinimulan lang magpunta sa may poso upang magsalok ng tubig na panluto. Hindi kagaya ng normal niyang ginagawa, mas maingay siya ngayong gumalaw. Sinadya niyang gumawa ng tunog mula sa baldeng lata. Ang kinakalawang na poso nama'y lumangitngit na tila nakikisabay sa paggawa niya ng ingay.
Ilang saglit pa, nakita niyang lumiwanag ang silid ng gobernadorcillo. Bumukas ang bintana nito, at bumungad mula rito si Casimiro. Tila papalitaw pa lang ang araw, ngunit animo'y mas naunang suminag ang araw sa mukha ni Anastacia.
Yumuko siya nang makita niya si Casimiro. Kumaway naman pabalik sa kanya ang binata. Hindi niya maipaliwanag ang kanyang nararamdaman. Hindi na niya alam kung ipagpapatuloy pa ba niya ang kanyang pag-iigib sa poso, o lulundag siya papalayo upang tumalon sa galak.
Nang lingunin niya ulit si Casimiro, wala na ito samay bintana. Kinirot niya ang kanyang pisngi.
"Puyat lamang ba ito, o nananaginip lang ako?" sambit niya sa kanyang sarili.
Minabuti niyang buhatin na lamang ang kanyang inigib at magpatuloy sa kanyang ginagawa. Ngunit, ilang saglit pa'y lumitaw ulit si Casimiro sa binata at may dala-dalang papel.
"Salamat sa pagpapaganda ng simula ng araw ko." Ito ang nakasulat nang malalaki sa papel na dala-dala ni Casimiro.
Tila hinihila ng ugat ng kanyang tenga ang mga ugat sa kanyang labi. Napatawa na lamang siya sa kahibangang nadarama.
"Oh, Anastacia, kay aga mo't tila masaya ka?"
Lumingon si Anastacia sa pinagmulan ng boses. Paparating si Ate Carmencita na maghuhugas sana ng kanyang mukha.
Biglang napawi ang kanyang ngiti.
"Ah, oo ate," saad niya, habang nag-iisip ng kanyang idadahilan. "Sadyang maaaga yata akong nagising kaya minabuti kong simulan ito nang mas maaga... at naisip kong mas maaga rin akong matatapos. K-kaya masaya ako sa naiisip kong iyon." Nang tumingin siya sa bintana, nakasara na iyon, na tila naging guni-guni na lamang niya ang nangyari kanina. Napatingin rin si Ate Carmencita sa bintang iyon.
"Siya nga ba? Sige, huwag ka lamang mag-iingay sapagkat tila mahimbing pang natutulog ang gobernadorcillo," paalala sa kanya ni Ate Carmencita.
Tumango lamang ito at nagmamadaling binuhat ang balde sa pag-aakalang namamalikmata lamang siya at tila pinaglalaruan siya ng kung anong maligno sa kanyang kapaligiran.
BINABASA MO ANG
La Escapador
Historische Romane[COMPLETED] Nakakulong si Anastacia sa kahong ginawa para sa kanya ng lipunan -- pagkilos nang mayumi, pananatili sa loob ng tahanan, pag-aaral kung papaano maging mabuting ina at maybahay, at pagpapakasal sa lalaking itinakda sa kanya ng kanyang mg...
