Capitulo 5 - Sa Pagburnayan

1.8K 103 26
                                    

Naging mas maaga pa ang pag-gising ng pamilya Rivero upang pagnilayan ang siyam na madaling araw bago ang Araw ng Pascua Natividad.

Pagkatapos ng Misa De Gallo, naging abala ang mag-anak sa kani-kanilang mga gawain. Muling nagtungo sa bahay-kalakal si Don Sigmundo upang pangasiwaan ang mga bagong dating na produkto galing Tsina. Samantalang ang mga kababaihan ay pinagtutuunan ng pansin ng Donya.

"Ina, maaari po ba akong lumabas?Nais ko lamang pong magpunta sa maisan ni Ama. Ang sabi ni Mang Estacio, magulang na raw ang mga butil ng mais doon," pagpapaalam ni Anastacia nang matapos siyang makagantsilyo ng sapin at patungan ng plorera.

"Bueno, akin munang susuriin ang iyong gawa," saad ni Donya Vivencia. Napangiwi siya sapagkat naghihimulmol at naalis ang mga pagkakagantsilyo ng bawat sinulid.

"Ina, sa tingin ko po'y bigyan niyo muna ng kalayaan si Anastacia sa kanyang nais gawin," saad ni Ate Antonina.

"Antonina, huwag mong kampihan ang kapatid mo. Kailangan niyang matuto sa mga gawing pangkamay at hindi sa paglalakbay sa kung saan-saan!" paliwanag ng Donya.

"Ina, ngunit hindi po ako para diyan. Tignan niyo kung gaano kahirap ang maggantsilyo. Tila mababaliw ako sa pag-ikot-ikot ng mga sinulid. Ina, pangako. Uuwi po ako nang maayos at walang dagdag na galos. Maaari po ba, maganda kong ina?" paglalambing ni Anastacia habang niyayakap niya ang kanyang ina.

"Bueno, kung iyan ang gusto mo," saad ng Donya.

Napapalakpak naman ang dalaga kaya't pinalo siya nang bahagya dahil sa kanyang inasta.

Iniligpit na ni Anastacia ang kanyang gamit at saka tinungo ang pintuan. Patakbo siyang bumaba sa hagdan at nagpatalon-talon sa bawat baitang.

Napailing ang donya at nagsipaghagikgikan ang magkakapatid. Dinig na dinig nila ang tila patalon na paglalakad ni Anastacia papalabas ng kanilang bahay.

Ngunit ilang saglit pa, bumalik si Anastacia habang humihingal.

"S-si.." lumalim ang kanyang paghinga na siyang ikinabahala ng donya at mga kapatid.

"Anong si? Sinong si? Anong nangyayari sa iyo, hija?" tanong ng donya.

"S-si Ginoong Juan Maximiliano, n-nasa labas ng bahay," saad nito.

Napatayo si Asuncion. Inayos nito ang kanyang saya. Gayundin, napatayo na rin ang magkakapatid upang salubungin ang hindi nila inaasahang bisita.

"Hija, bakit naman hindi mo pinapasok sa bahay ang ginoo? Hala sige, umayos na kayo sapagkat may bisita sa bahay," utos ng Donya saka niya tinawag si Manang Claring upang pagbuksan si Maximiliano.

Nakahilera ang lahat sa antesala upang salubungin ang kanilang bisita. Hindi mapakali si Anastacia samantalang banayad at mayumi lang ang paghawi ni Asuncion sa kanyang makapal at maitim na buhok.

"Buenas dias, Senyor," pambungad ni Donya Vivencia. Kahit tila hindi niya gusto si Maximiliano para sa kanyang mga anak, kailangan niyang magpakita ng pakikipagkapwa-tao.

"Buenas Dias Senyora y senyoritas," magalang na saad ni Maximiliano. Nagpasalamat din siya sa mga tauhan sa kanilang pagawaan na tumulong sa kanya upang buhatin ang mga bagay na ihahandog niya sa mga Rivero.

"Bueno, anong dahilan at ika'y naparirito?" anang Donya habang nakataas ang isa nitong kilay.

"Nais ko po sanang ihandog itong rebulto ni Sta. Rosa de Lima ," sagot ni Maximiliano habang iniiabot ang rebulto ng isang madre na may koronang bulaklak sa kanyang ulo at may hawak na krusipiho.

La EscapadorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon