Capitulo Pito
Normal na kumilos si Anastacia pagkalipas ng gabing iyon. Normal na rin ang pakikipag-usap ng mga magulang niya sa kanya sa pag-aakalang tanggap na niya ang napagkasunduan nang hindi labag sa kanyang kalooban. Ngunit iba ang tumatakbo sa isipan ni Anastacia. Nagbihis siya nang normal, nakapag Misa De Gallo siya nang hindi tumitingin man lamang sa katabi niyang si Casimiro nang sila'y nasa simbahan. Natapos ang Misa De Gallo nang tila hindi siya umiimik.
"Anastacia, ikaw ba'y nasa maayos nang kalagayan?" pagpansin ni Ate Antonina sa kanya nang minsang nagbabasa siya ng libro malapit sa bintana.
"Ako'y wala po lamang sa huwisyo upang magsalita," sagot nito.
Tumabi sa kanya ang kanyang ate.
"Iyang nararamdaman mo'y nararamdaman ko rin noon. Labag sa kalooban kong makasal sa Ingles na iyon. Ngunit dahil sa nangangailangan si ama noon ng puhunan upang maitayong muli ang nasunog na bahay-kalakal, nagsilbi akong pambayad-utang kay Ginoong Anderson," malungkot na tono nito.
Naningkit ang mata ni Anastacia.
"Magtapat ka, nang. Sa isang taon mula nang ikasal kayo, hindi mo pa siya magawang mahalin, tama ba ako?"
Yumuko ito saglit. Ngunit nagpumilit siyang ngumiti.
"Siguro'y nabigla lamang ako ng pagkakataon. Ngunit sinusubukan ko.. Ang puso'y hindi nadidiktahan... Oo. Ngunit nakikita ng puso ang pangangailangan nitong umibig sa sitwasyong sarili mo na rin ang nasa bingit ng kalungkutan," sagot nito.
"Ngunit may pasa ka sa ilalim ng iyong braso, iyon ba ay kagagawan ni Ginoong Anderson?"
Tumango lamang si Antonina.
" Bakit hindi mo ito sinasabi kay ama?"
" Hindi ko nais na mag-alala pa kayo. At saka, wala lang ito, " sagot ng Antonina.
"Ngunit ang babae ay hindi nararapat sinasaktan! Kung ako sa iyo, iiwan ko yang Ingles na yan!"
"Anastacia! Hinaan mo ang iyong boses pagkat kung maririnig ka ni Ina, ikaw ay pagagalitan niya. Asawa ko pa rin si Ginoong Anderson kaya kailangan kong tanggapin ang buo niyang katauhan, masama man o mabuti."
"Iyan talaga ang ayaw ko sa pag-aasawa. Kaya ayaw kong makasal sa Casimirong iyon!"
"Bakit naman? Hindi ba't magkaibigan naman kayo noon? Bakit tila nagbago ang pakikitungo sa kanya?"
Sumimangot si Anastacia.
"'Nang, si Casimiro na yata ang pinakanakakainis na nilalang na nakilala ko sa buong buhay ko. At sa tuwing nakikita ko siya, laging lumulumbay ang pakiramdam ko at may nais akong gustong maalala kung bakit naging ganoon ang turing ko sa kanya," tugon nito.
"Siguro'y hatid lamang niyan ng pag-aaway ninyo noong kayo'y mga bata pa lamang," sagot ni Antonina.
Bumuntong-hininga siya.
"Nasaan nga pala sina Ate Asuncion at Angelita?" tanong ni Anastacia nang napansin niyang wala ang mga kapatid na dati ay nasa loob lamang ng bahay.
"Kanina'y may sinusulat si Asuncion sa kwarto. Ngayo'y naroon sila sa likod-bahay. Pinapanood nilang nangunguha ng makopa si Ginoong Maximiliano," sagot ni Antonina.
Napatayo si Anastacia. Luminga-linga siya sa paligid at siniguradong wala sa paningin niya ang kanyang ina.
"Manang! Kailangan ko munang lumabas. Nais kong magpahangin. Tila mainit ang panahon!" lumabas si Anastacia nang humahangos.
BINABASA MO ANG
La Escapador
Historical Fiction[COMPLETED] Nakakulong si Anastacia sa kahong ginawa para sa kanya ng lipunan -- pagkilos nang mayumi, pananatili sa loob ng tahanan, pag-aaral kung papaano maging mabuting ina at maybahay, at pagpapakasal sa lalaking itinakda sa kanya ng kanyang mg...
