Ang daan patungo sa daungan, na dumadaan sa mga burol at sa tabi ng kanang pampang ng ilog, ay itinuturing na ligtas na espasyo upang pagtayuan ng kuta ng hukbong militar ni Senyor Diego Silang. Tinawag nila itong "Pantok ni Silang" isang baluarte at tanggulan na pinaglagyan ng mga artilyera ng mga baril at mga kanyon. Ito ay pinatibay upang mapangasiwaan at mabantayan pareho ang bayan at ilog na siyang nagsisilbing daanan ng mga kalakal at mga tagalabas.
Walang masabi si Anastacia sa paraan ng pamamahala ni Senyor Diego. Mula sa pagpapatakbo ng kalakalan at ekonomiya ng kanilang bayan, hanggang sa pagtatayo ng hukbong militar ay pinagplanuhang maigi. Ngunit isa lamang ang kahinaan ni Senyor Diego – ang hayaang magplano ng masama ang kanyang mga kalaban,partikular na ang masidhing sumasalungat sa kanya, ang mga prayle.
"Binibini, hindi pa kita nagagantimpalaan sa iyong katapatan sa ating hukbo," saad ni Donya Gabriela nang maabutan niyang nagbabayo ng palay si Anastacia.
"Hindi na po kayo dapat na mag-alala pa, Donya Gabriela. Ang pagkakaloob niyo po ng kanlungan para sa kaligtasan ng aking pamilya ay sapat na," saad ni Anastacia.
Tila nasiyahan ang donya sa itinuring ng dalaga. Ngunit, ang pagpili ng dalaga sa paglilingkod para sa kanilang mag-asawa ay tunay niyang ipinagpapasalamat.
"Ngunit nais kong mabigyan ka ng kaunting handog," saad ni Donya Gabriela.
"Huwag na po kayong mag-abala, Donya Gabriela. Ipinagpapasalamat ko rin po't hindi ninyo ikinulong ang aking kaibigang si Alfredo sa kabila ng pagiging anak ng ipiniit ninyong gobernadorcillo," wika ni Anastacia.
Hinawakan ni Donya Gabriela ang mga kamay ni Anastacia. "Hindi ito isang abala. Ito ay isang pasasalamat sa iyong katapatan.At ang iyong kaibigan ay napatunayan naming walang ugnayan sa masasamang gawain ng gobernadorcillo. "
Tinawag niya ang isa niyang katiwala na dala-dala ang bagay na nasa sisidlang gawa sa katad (leather).
Iniabot ito ng donya sa dalaga. Buong galak na binuksan ni Anastacia ang laman ng sisidlan. Isa itong gitara na gawa sa lauan ang katawan at narra naman ang hawakan. Hinaplos niya ang kabuuan ng gitara at sinubukan niyang kalbitin ang mga kuwerdas nito.
"Kay rikit,Donya Gabriela!" bulalas niya.
"Nagustuhan mo ba? Iyan ay ipinagawa ko kay Ginoong Maximiliano," saad ni Donya Gabriela.
Napatigil si Anastacia. Hindi niya alam kung papaano tumauli (react) sa itinuring ng donya. Napangiti siya nang pilit, hindi pa siya naliliwanagan sa kung ano ang totoo niyang nararamdaman sa binata. Ngunit, mas nanaig sa kanya ang galak nang makahawak muli ng gitara pagkatapos ng ilang buwang pagkawak sa sulo, satiya ng kabayo at espada.
"Ito'y tatanawin kong napakalaking regalo, Donya Gabriela," saad ni Anastacia at yumuko bilang paggalang.
"Ngunit hindi lamang ako ang dapat mong pasalamatan kundi si Ginoong Maximiliano rin. Maingat niyang pinili ang kahoy na gagamitin sa katawan nito. Marami siyang iginugol na panahon upang magawa ang kabuuan nito," paliwanag ni Donya Gabriela.
Napayuko si Anastacia at tinitigan ang gitara. Kahit halos madalang na lamang siyang makawak ng gitara, alam niyang pinaggugulan nang panahon ang paggawa ito. Kitang-kita nito ang artistikong disenyo sa katawan nito, hindi kataka-takang gawa ito ng isang taong nagpapakabihasa sa bellas artes.
"Buena, hija, kailangan mo munang magpahinga. Malaya ka ngayong araw. Maaari mong gawain kung anuman ang mga naisin mong gawin," paalala ni Donya Gabriela.
Kahit na nag-aalangan siyang magpahinga sapagkat marami pang gawain sa mansion ni Donya Gabriela at mga gawain sa kampo ni Senyor Diego, minabuti niyang sundin ang payo ni Donya Gabriela. Pinuntahan niya ang kaibigang si Alfredo sa Kamanggaan, sa bahay ni Tiyo Feliciano, kung saan naging pansamantalang tirahan ng binata habang ipinapaayos pa ang kanilang mansiong natupok ng apoy noong pag-aalsa.
BINABASA MO ANG
La Escapador
Fiction Historique[COMPLETED] Nakakulong si Anastacia sa kahong ginawa para sa kanya ng lipunan -- pagkilos nang mayumi, pananatili sa loob ng tahanan, pag-aaral kung papaano maging mabuting ina at maybahay, at pagpapakasal sa lalaking itinakda sa kanya ng kanyang mg...
