Capitulo 29 - Ang Pagpasok ng Hukbo sa Vigan

383 20 0
                                        


Pagkatapos ng tagumpay ng kanilang unang laban, maiging pinagpalanuhan ng grupo nina Diego Silang ang pang-aagaw sa kapangyarihan ng mga opisyales na kasalukuyang nakaluklok sa posisyon. Nabalitaan rin nilang nagpapalawig ng puwersa ang mga espanyol sa tulong ng mga prayle na nagpapakalat ng maling propaganda laban sa kanilang grupo upang mas magalit ang kanilang mga kailyan sa kanila.

"Amigo, panahon na siguro upang bumuo ka ng mga opisyales at magkaroon ng estruktura ang ating hukbo," suhestiyon ni Senyor Miguel Vicos.

"Tama ang sinabi ni Miguel, amigo. Oras na upang magtalaga ka ng mapagkakatiwalaang mamuno sa iba't ibang sangay ng ating hukbo," pagsang-ayon ni Senyor Pedro Becbec.

Pinag-isipan ni Diego ang mungkahi ng kanyang mga kaibigan. Kung kaya, nagpatawag siya ng pagpupulong nang gabing iyon upang pag-isipan ang mga bagay-bagay at humingi pa ng mga mungkahi sa mga miyembro.

"Unti-unti nang napasok ng mga Briton ang Maynila. Nakaupo na ang heneral ng mga Briton sa casa ng gobernador-heneral. Pumuslit lamang si Gobernador-Heneral Simon de Anda papunta sa Pampanga. Ito na siguro ang pagkakataon nating magpalakas dahil nahahati na ngayon ang puwersa ng mga Kastila sa pakikipaglaban sa mga Briton at sa mga nag-aalsang katutubo," saad ni Senyor Flores.

"Bueno, mabuti ang tadhana at ang Panginoon sa atin. Kaya ang sasabihin ko sa inyo, huwag nating papakialaman ang Simbahan. Pawang mga opisyales lamang ang ating bibigyan ng leksyon," saad ni Senyor Diego.

"Ngunit, senyor, maging ang mga nasa simbahan din ay isa sa mga yumuyurak sa pagkatao ng mga katutubo," saad ng isang miyembro.

"Kagaya ng sinabi ko dati, ang Panginoon ang gagabay sa atin kung gagalangin natin ang simbahan. At isa pa, hindi ang Diyos ang kalaban natin, kundi ang mga espanyol," sagot ni Senyor Diego.

Umayon ang lahat. Kasama ng iba't ibang namumuno sa iba't ibang bayan ng Ylocos, pinagkaisahang iluklok ang mga mamumuno sa bawat sangay. Inalis ni Diego ang mga nakikita niyang hindi maaasahan sa puwesto.

Inatasan niya ring maging kapitan si Senyor Pedro Becbec at Miguel Vicos sa iba't ibang kwarter ng kanilang hukbong, kahit na noong una'y mas gusto ng dalawa na mas mataas ang posisyong kanilang hawakan bilang kaibigan naman daw sila ni Senyor Diego. Samantala, hinirang niyang punong tinyente si Senyor Flores.

"Senyor, may sulat mula sa heneral ng mga Briton," bulong sa kanya ng isang miyembrong kadarating lamang. Binasa ito ni Senyor Diego. Humalakhak ang siya. Tama ang kanyang hinala noong una.

"Mga kapatid, ang mga Briton ay hindi natin kaaway! Nabalitaan nila ang ating tagumpay sa ating labanan. Itinalaga na niya akong Gobernador ng Ilocos sa pamamahala ng Britanya na nasa Maynila, Magpapadala raw sila ng ilang mga armas at tansong kanyon!" napasigaw sa tuwa si Senyor Diego. Nagpugaw ang mga miyembro ng hukbo.

Samantala, hiningi pa nilang ipadala ni Silang ang mga mahuhuling Espanyol at prayle na ipadala sa Maynila. Iminungkahi rin nilang kunin ang mga lupain ng mga kastila upang matulungan silang masangkapan ang kanyang hukbo.

Tinanggap ni Silang ang alyansa. Taimtim na tiniyak sa kanya ng Ingles na hindi sila makagambala sa alinman sa relihiyon o kaugalian ng mga tao, na malaya silang makabuo ng kanilang sariling sistema ng pamahalaan. Dito lalong naglakas-loob si Diego na madaliin ang kanilang pag-atake sa Vigan sa lalong madaling panahon, lalo na't nabalitaan din ni Gobernador-Heneral de Anda ang kanyang tagumpay at nagpapadala na ito ng hukbo mula sa Bulacan upang hulihin siya.

Sa kabilang dako, namamahinga si Anastacia sa kanilang kubo at pinapahilom ang kanyang mga sugat. Nakarinig siya ng sitsit mula sa labas. Dala ng kuryusidad, tinignan niya kung saan nanggaling ang sitsit. Nang sumilip siya sa labas, walang tao roon. Napakunot-noo siya. Ngunit, ilang saglit pa'y may sumitsit ulit kaya lumapit siya isang punong ilang metro ang layo sa kanilang kubo. Sinilip niya kung may nagtatago nito. Wala siyang nakitang ni anino ninuman.

La EscapadorMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon