Capitulo 39- Sentro ng Atensiyon

308 22 0
                                        

Muntikan nang mahulog ang platerang hawak ni Anastacia nang marinig niya ang sinabi ni Don Camilo. Animo'y nabuhusan siya ng malamig na tubig nang maipukol ang mga tingin ng mga naroon sa kanya.

Pagkatapos ng ilang segundong pananahimik, humalakhak si Don Camilo at umalingawngaw ito sa buong kabahayan.

"Ang inyong mga mukha'y hindi maipinta!" saad niya sa pagitan ng kanyang halakhak. Napahawak ito sa kanyang tiyan.

Nagsitawanan din ang mga naroon, kahit hindi nila malaman kung bakit nakakahawa ang pagtawa ng gobernadorcillo.

"Iyan, tignan niyo ang inyong mga mukha! Napakaseryoso ninyo kaya ako'y nagbiro," pagpapatuloy nito.

"Don Camilo, hindi magandang biro ang iyong sinabi," saad ni Don Dionisio. "Ang pinag-uusapan dito'y ang Mutya, ang simbolo ng kababaihan sa buong Pueblo Camaya, iyong titingalain ng lahat sa pista."

"Bakit, Don Dionisio? Hindi ba't may kakayahan naman si Anastacia na maging mutya? Iyon lamang at nasa mababang uri siya sa lipunan at alam kong hindi niyo maatim na tingalain ang isang taong nagmula sa mababang-uri," saad ni Don Camilo na tila nang-iinis.

Nagtinginan ang mga cabezang naroon.

Humalaklak ulit si Don Camilo.

"Kayo naman, hindi na mabiro. Tignan niyo ang inyong mga mukha, kakatwa!" saad ulit ni Don Camilo habang nasasamid sa katatawa. "Si Senyorita Alejandra del Tierra ang ating mutya ngayong taon, ang anak ni Don Anselmo," saad ni Don Camilo at ikinuway ang palad sa direksyon ni Don Anselmo.

Tila humupa nag tensiyong nagaganap. Gayundin, huminga nang maluwag si Anastacia. Nagbibiro na naman ang gobernadorcillo. Pakiwari niya'y masyadong pinaglalaruan ni Don Camilo ang kanyang mga cabeza. Gustong-gusto nitong makita ang mga kakatwa at hindi maipintang itsura nila. Noong nakaraang linggo ay ipinag-utos niyang bawal pumasok ang mga cabeza sa Casa Real sapagkat sinabi niyang may traydor raw sa kanila. Agad namang ipinatawag ni Don Damian si Anastacia upang malaman kung sino ang tinutukoy ng gobernadorcillo. Iyon pala'y nagbibiro lamang ang gobernadorcillo at nais lamang niyang gulatin ang mga cabeza. Napailing na lamang si Anastacia. Naiintindihan na niya kung bakit kailangan ni Don Damian ng tenga sa loob ng casa dahil sa mga pagbibiro ni Don Camilo na hindi nila alam kung ito'y totoo o hindi.

Samantala, lalong lumapad ang ngiti ni Don Anselmo saka ito tumingin kay Don Damian.

Ikinulot naman ni Don Damian ang kanyang bibig, at makikita ang kanyang inis dahil sa paglitaw ng mga gusot sa kanyang noo.

Tila namamangha naman si Don Camilo tuwing nagbabanggaan ang dalawang cabeza. Nakita ni Anastacia ang reaksyong iyon ni Don Camilo at siy ay napapaisip sa plano ng gobernadorcillo.

"Ano kaya ang iniisip niya at pinagbabangga niya ang ang mga cabeza? May pagkakataong kinakampihan niya si Don Damian. Minsan nama'y si Don Anselmo. Kaya nga ba nais ni Don Damian na mapagtibay ang impresyon sa kanya ni Don Camilo upang hindi na nito maisipan pang magpalipat-lipat ng papanigan?" tanong ni Anastacia sa sarili. Marami siyang tanong sa isipan, ngunit para sa kanya, mas mahalagang kumampi siya sa opisyal na malalapitan niya kung nais na niyang umuwi. Alam niyang maaaring matulungan siya ni Don Damian, ngunit matutulungan din siya ng gobernadorcillo. Kaya naman, nakikiramdam din siya sa mga taong nasa paligid niya.

"Mawalang-galang nga po, Don Camilo. Tatanungin ko lamang. Ano ang iyong basehan sa pagpili ng Mutya ng Pueblo Camaya?" wika ni Don Damian.

"Don Damian, hindi ba dapat ito ay alam mo? Isa dapat siyang babaeng kagalang-galang, may paninindigan, may malasakit sa kapwa at higit sa lahat, mabuting ehemplo sa kapwa niya kababaihan. Mayroon ang mga katangiang iyon kay Senyorita Alejandra," tugon ni Don Camilo.

La EscapadorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon