Capitulo 42 - Ang Bagong Gobernadorcillo

328 26 16
                                        



Naroon na sa bulwagan ng Casa Real de Pueblo Camaya ang mga opisyales ng bayan. Ang labintatlong cabeza de Barangay ay pawang seryoso sa paghihintay sa pangunahing panauhin. Maging ang mga teniyentes, alguaciles at ang directorcillo ay naroon din upang makinig kay Don Camilo sa mahalaga nitong sasabihin.

Bumukas ang pintuan at bumungad sa mga nasa silid ang di nila inaasahang itsura ng kasama ni Don Camilo. Batid ng ilan kung sino siya, ngunit ang iba'y nagtataka pa rin at napapatanong kung sino nga ba talaga ang kasama ni Don Camilo, at kung ano ang pakay niya sa pueblo.

Nagtayuan ang lahat ng naroon at binati ang mga kararating. Nagsimula nang uminit ang temperatura sa loob ng silid, ang ilan ay hindi mapakali at hindi kumportable. Hinihintay nila ang sasabihin ni Don Camilo.

Bumulong si Don Camilo sa directorcillo (secretary). Umalis agad ito pagkatapos masundan ang utos ni Don Camilo. Tumingin si Don Camilo kay Casimiro at tinanguan siya ng binata, hudyat upang magsimula na siyang magsalita.

"Bueno Diaz, senyores," unang salita ni Don Camilo. Pinagmasdan niya ang mga naroon. Alam niyang hindi magugustuhan ng ilan ang kanyang susunod na anunsiyo.

"Bago tayo magsimula, hinihiling ko ang bawat isa na matamang makinig sa akin at manatiling kalmado. Hindi pinapayagan ang marahas na reaksyon, kundi mas pinapaboran ang pagtatanong upang malinawan sa nais mabatid."

Umayos ng upo ang mga opisyales na naroon.

"Ipinapakilala ko sa inyo, ang inyong bagong gobernadorcillo, Si Senyor Juan Casimiro delos Reyes y Encarnacion," pahayag niya. "Siya'y nag-aral ng abogasya sa Madrid. Siya'y kaibigan ng ating gobernador-heneral at kinilala ang kanyang kahusayan ng Hari ng Espanya kung kaya't pinauwi siya upang maglingkod dito sa ating bayan."

Ilang segundong nanahimik ang mga naroon. Nang magsimulang pumalakpak si Don Camilo, saka naman ito sinundan ng patak-patak na pagpalakpak. Walang nagawa ang iba kundi ang pumalakpak din.

Batid ni Casimiro ang hindi mainit na pagtanggap sa kanya. Alam niya ang dahilan niyon. Ngunit sa halip na matakot at panghinaan ng loob sa malamig na pagturing sa kanya ng mga cabezas, matatag niyang hinamon ang sarili sapagkat alam niya ang iniatang na tungkulin sa kanya sa pueblong iyon.

Biglang tumayo si Don Anselmo at nagsalita, "Don Camilo, hindi man lamang kami binigyan ng kapangyarihang mahalal mula sa mga cabeza ang susunod na gobernadorcillo!"

"Oo nga naman, Don Camilo. Sa gayak at tikas, alam naming marangal na tao si Senyor Casimiro, ngunit ni hindi pa yata siyang bente-singko. Ito'y malinaw na kawalang-respeto sa aming mas may karanasan! " saad ni Don Dionisio. Isinuntok niya ang kanyang kamao sa mesa. Gayundin ang ginawa ng ilan. Halos nakakuyon ang kani-kanilang palad.

Inagaw ni Casimiro ang atensiyon ng lahat nang siya'y magsalita. "Naniniwala akong wala sa edad ang paglilingkod. Ngunit, ngayong araw ang aking ika-25 na kaarawan, mga senyor. Pumasok na ba ang aking edad sa pamantayan?"

Sumingit si Don Camilo. "Maligayang bati, kung gayon, Senyor Casimiro."

Tumigil ulit ang bulong—bulungan at isa-isang bumati ang mga naroon.

Natigil lamang ang pagbati, nang dumating ulit ang directorcillo na inutusan ni Don Camilo. Ngayon ay hawak-hawak niya ang isang sulat na may makintab na pulang sobre.

Nagsimula ulit ang mga tanong ng mga opisyal na naroon.

Tumikhim ulit si Don Camilo upang makuha ulit ang atensiyon ng nagkakagulong mga opisyal.

"Batid ninyo na sa aking paglisan, ay may bagong papalit sa aking puwesto. Ngunit ang pagkakaluklok ng bagong gobernadorcillo ay isang espesyal na kautusan mula sa Gobernador-Heneral na sinang-ayunan ng Hari ng Espanya, kaya nararapat natin itong sundin," saad ni Don Camilo at iwinagayway niya ang sobreng iyon.

La EscapadorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon