Capitulo 15 - Laylayan

836 45 3
                                    


Ilang araw nang matamlay ang mansiyon ng mga Rivero. Hindi inaasahan ni Anastacia na mas nakalulungkot ang pag-alis ng kanyang ate, ngayong alam niyang hindi ligtas ang kanyang ate sa piling ng Ingles na si Mr. William Anderson.


"Ayon kay Mr. Anderson, poprotektahan niya si Antonina kung darating man sa Pilipinas ang mga Ingles," saad ni Don Sigmundo habang nakasandal sa sandigan ng kanilang kama.


"Totoo ba itong sinabi ng ginoo?" tanong ni Donya Vivencia na hinahalo ang lugaw para sa asawang tila nanghihina.


"Umiigiting raw ang labanan sa pagitan ng Pransiya at Gran Britanya, kaya natagalan bago siya nakabalik dito sa Pilipinas," paliwanag ng Don. Kahit tila hirap na hirap siya sa paghinga, nagagawa pa rin nitong makipag-usap nang maayos sa donya.


"Kung ganoon, hindi malayong madamay ang ating bayan sa hidwaan ng dalawang bansang iyon sa Europa?" nag-aalalang tanong ni Donya Vivencia.


"M-maaari. K-kaalyado ng Espanya ang Pransiya," saka tumikhim ang Don at tila hinahabol ang hininga.


"Dios Santissima, nawa'y ligtas tayo at hindi madamay!" anang donya at saka nagkurus. "Sigmundo, sa tingin mo'y tamang ipasama natin sa kanya si Antonina?"


"Hindi ko masasabi, Dios lamang ang nakakaalam," tipid na sagot ng Don.


"Ngunit sana'y gabayan sila ng Dios!" saka nangurus ulit ang donya.


Nais namang magsalita ng Don ngunit tila nanunuyo ang lalamunan nito at hindi makakilos nang maayos.


"Sana'y makaalis agad sina Ginoong Anderson at Antonina sa bansa sa lalong madaling panahon," may pag-aalalang saad ni Donya Vivencia.


"Mas nararapat na umalis na muna sila rito sa Pilipinas. At mas mapoprotektahan niya ang anak natin kaysa sa ating... mga kapos-palad," malungkot na tono nito.


Bumakas sa mukha ng donya ang panghihinayang.


"Kasalanan natin ito Sigmundo. Alam natin noong hindi maganda ang relasyon sa pagitan ng mga Ingles at mga Espanyol dahil sa digmaan sa Europa ngunit ipinagkasundo natin siya sa ingles na iyon sa ngalan ng pera!"


"Kung hindi natin ginawa iyon, baka wala na sa atin ang lahat ngayon," sagot ng Don.


"Mababawi pa kaya natin mula sa mga prayle ang ating – "


"Sssh, huwag na muna natin itong pag-usapan, Vivencia. Napag-usapan na namin ito ni Gobernadorcillo dela Joya, " pagpipigil ni Don Sigmundo.


Napayuko na lamang ang Donya. At saka napatingin sa ngayong nakapikit nang asawa.


Samantala, hindi naman pinapayagang lumabas ng bahay ang mga dalaga sapagkat abala sila sa mga gawaing-bahay – pagluluto, pagwawalis, pagpupunas ng alikabok at iba pa. Si Manang Claring na lamang kasi ang naiwan sa mga katiwala sapagkat pinayagang umuwi muna sa baryo sina Manang Auring at Engkay at may posibilidad na matatagalan bago ang kanilang pagbabalik. Napagdesisyunan na ring hindi na papasok si Anastacia sa escuela na ayon sa kanyang ina'y mas pagtuunan niya muna ng pansin ang mga gawaing bahay dahil ito'y malapit nang ikasal.

La EscapadorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon