Capitulo 49 - Simula ng Paghilom

367 25 2
                                        



Ipinatawag ni Casimiro si Anastacia sa kanyang silid nang matapos at masolusyunan na ang inihaing problema ni Don Anselmo. Tila sumakit ang kanyang ulo sa naganap, ngunit mas nais niyang malaman ang kalagayan ni Anastacia.

Nang bumukas ang pintuan, kahit na inaasahan niya ang pagdating ni Anastacia, nagulat pa rin siya sapagkat kanina'y nasa isip lamang niya si Anastacia. Ngayo'y nasa harap na niya.

"Magandang hapon po, Senyor," bati ni Anastacia sa gobernadorcillo.

Tumayo si Casimiro at lumapit sa dalaga. "Kumusta na ang iyong sugat?"

Ipinakita ni Anastacia ang nakabendaheng sugat. Sa lalim nito, alam niyang ganoon din kalalim ang galit ni Don Anselmo kay Casimiro sa pagkakataong iyon.

"Kaunting galos lamang po ito, senyor," pagsisinungaling ni Anastacia. Ayaw niyang mag-alala pa ito at maging dahilan ng gulo.

"Alam kong kung gaano iyan kalalim. Huwag ka nang magsinungaling sa akin," saad ni Casimiro nang tumalikod at humakbang papalayo kay Anastacia. Isinandal nito ang kanyang katawan sa pader na malapit sa bintana.

"Senyor, ayos lamang po talaga ako," pagpipilit niya.

"Sana'y hinayaan mo akong ako ang gumamot niyan sapagkat kasalanan ko kung bakit napunta ka sa ganoong sitwasyon," saad ni Casimiro. Humalukipkip ito at tumingin sa kisame na nangingilid ang luha. "Patawad dahil sa panahong kailangan mo ako'y mas inuna ko ang obligasyon ko sa iba."

"Hindi niyo po kailangang sabihin iyan, senyor. Wala rin po kayong obligasyon sa akin. Nais ko lamang pong makatulong sa pagpapadali sa paglutas ng inyong suliranin," saad ni Anastacia, ramdam na niya ang hapdi ng sugat ngunit tinitiis niya ito.

"Salamat," bigla nitong sambit. "Salamat sa iyong tulong. Pakiabot din sa iyong pamilya, lalong-lalo na kay Ramon ang aking pasasalamat. Kung hindi dahil sa iyo at sa kanila, hindi natin malulutas ang problemang iyon."

"Walang anuman po, Senyor. Tungkulin po namin ang magsilbi sa inyo at makatulong sa abot ng aking makakaya."

"Malaki ang naging parte mo sa solusyon, Anastacia. Kaya kung may gantimpala kang nais, ihayag mo lamang," saad ni Casimiro.

Nais sana niyang sabihin kay Casimiro na nais niya ng sasakyang maghahatid sa kanya sa Ilocos, ngunit tila ayaw pa niyang umalis sa Pueblo Camaya. Nais pa niyang manatili rito. Nais sana niyang sabihing sasama siya kay Casimiro pagkatapos ng termino nito sa bayan, ngunit hindi niya alam kung papaano ito sasabihin sa binata.

"Opo senyor. Siguro'y sasabihin ko na lamang po ang gantimpalang nais ko sa ibang pagkakataon," saad na lamang niya.

"Siya nga? Kung iyan ang iyong kagustuhan," saad ni Casimiro. Kinuha niya ang ang kaniyang kwaderno at pluma at siya'y nagsulat. "Mayroong gantimpalang maaaring makuha si Anastacia. Ngunit, ang gantimpalang ito ay kukunin niya sa ibang pagkakataon. Lumagda, Juan Casimiro delos Reyes."

Saka niya ipinakita ang sulat kay Anastacia. Natawa na lamang siya dahil sa kakatwang kilos ni Casimiro.

"Salamat po, Senyor," saad ni Anastacia nang nakangiti.

Napatingin na lamang si Casimiro sa nakangiting si Anastacia. Hindi niya mawari kung bakit tila ayaw niyang ngumiti ito sa harap niya. Nakita na niya ang ngiting iyon, at lagi niyang nakikitang nakangiti nang ganoon si Anastacia tuwing kasama niya si Ramon.

"Senyor, mayroon lamang po akong katanungan," biglang sabi ni Anastacia.

Bumalik sa ulirat si Casimiro. "Ano iyon?"

La EscapadorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon