Capitulo 27 - Paghahanda at Pagpaplano

445 29 2
                                        


Mula sa loob ng kahon, nagitla si Anastacia nang makita niyang may dumungaw na lalaki. Muli siyang napapikit.

"Binibining Anastacia," saad ng lalaki. "Ayos ka lamang ba riyan?"

"Ginoong Maximiliano!" gulat na sabi ni Anastacia. Nakahinga siya nang maayos.

"Mabuti kung gayon. Delikado kung mag-isa ka lamang dito sa kariton. Narito pa man din ang mahahalagang bagay para sa ating rebolusyon."

"A-ayos lamang talaga ako. Huwag ka nang mag-alala," saad niya.

"Pasensiya na binibini, ngunit nais ko lamang sundin ang payo ni Senyor Diego," saad niya habang sumasakay sa kariton. "Kung iyong mamarapatin, bigyan mo sana ako ng espasyo diyan sa loob."

Hindi malaman ni Anastacia ang gagawin. Anong gagawin niya ngayong dalawa na sila ngayon ni Maximiliano sa loob ng kahon?

Sumenyas si Maximiliano na umurong siya upang makapuwesto ang binata. Naisip niyang magpagilid. Humiga naman si Maximiliano sa kanyang tabi. Halos magkadikit na ang kanilang balat. Hindi maiwasang mapatulala si Anastacia dahil ilang sentimetro na lang ng pagitan ng kanilang mukha. At kapag matatagtag sila sa baku-bakong daan, hindi na niya alam kung ano ang kahihiyaang maaaring mangyari.

Sinubukan ni Anastacia na tumalikod kahit na nahihirapan siyang gumalaw dahil sa sikip. Kahit na nangangawit siya sa ganoong posisyon, pinilit niyang tumalikod sa binata.

"Pasensiya na binibini," muling usal ni Maximiliano habang unti-unti silang binalot ng dilim nang maisara ng kutsero ang loob ng kahon.

Nagsimulang maramdaman ni Anastacia ang bigat ng mga kahoy na dumadagan sa kahong kinalalagyan nila ni Maximiliano. Ngunit. Mas mabigat ang nararamdaman niya ngayon dahil nasa iisang kahon sila ni Maximiliano.

"Paumanhing walang katapusan, binibini," muling bulong ni Maximiliano. Sa pagbulong niyang iyon, nararamdaman niya ang paghinga ng binata mula sa kanyang likuran.

Napapikit na lamang siya. Ang kabang nararamdaman niya ngayon ay mas matindi pa kaysa sa kabang naramdaman niya kaninang akala niya'y mahuhuli siya ng guardia civil.

Makailang ulit silang kumalabog sanhi ng baku-bakong daan, ngunit mas malakas yata ang kalabog ng kanyang puso. Mas lalo pa siyang kinabahan nang biglang tinakpan ni Maximiliano ang kanyang bibig.

"Shhhh..." saad ni Maximiliano.

Nagitla siya, ngunit kailangan niyang pigilan ang kanyang nararamdamang hindi niya maipaliwanag.

"May guardia civil," bulong ni Maximiliano.

Tumigil ang karitong kanilang sinasakyan. Tahimik silang nakinig sa usapan sa labas ng kahon. Sinilip ni Maximiliano sa uwang ng kahon kung ano ang nakapagpatigil sa kanilang kariton. Naaninag niya ang isang pares ng bota, nangangahulugang iyon ay pagmamay-ari ng iisang guwardiya sibil.

"Shhhh.." saad niya ulit kay Anastacia. "...dinidiskarga nila ang laman ng kariton."

Natakot si Anastacia. Kung makikita ng guardia civil na nasa loob sila ng kariton kasama ng mga armas, maaari silang mapahamak.

Nararamdaman na ni Anastacia na tila inaalis na ang mga kahoy na nakadagan sa kahong kinalalagyan nila. Katapusan na yata nila ni Maximiliano.

"Ano ang gagawin natin?" bulong ni Anastacia.

"Huwag ka sanang magugulat sa gagawin ko," saad naman ni Maximiliano.

Hinigit ni Maximiliano ang nakatalikod na katawan ni Anastacia papalapit sa kanya. Ipinaunan niya ang ulo ni Anastacia sa kanyang kanang braso. Ang kailwang kamay naman nito ay kumapa ng baril. At nang may makapa siyang baril, niyapos niya ang ulo ng dalaga saka tinakpan niya ang tenga nito.

La EscapadorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon