Unti-unting naaabot ni Senyor Diego Silang ang kanyang pinapangarap para sa buong alcaldia ng Ylocos. Sa pagtatalaga sa kanya ng mga Briton bilang gobernador ng Ylocos, hindi niya sinayang ang pagkakataon upang mabago ang sistema ng pamamahala. Itinigil niya ang paninigil ng buwis. Ang pinantutustos sa mga pangangailangan ng kanyang pamahalaan ay nagmumula sa mga kontribusyon o di kaya'y pinuwersa niya ang mga babaknang na magbigay ng kanilang kayamanan na kinakailangan sa kanilang bagong rehimen. Ikinulong din nila ang mga taksil sa kanilang grupo ka gaya ni Rosalina na nahuli nilang tauhan pala n isang opisyal na napatalsik.
"Magtatalaga ako ng mga bagong opisyal ng ating bayan. Ang mga ari-arian ng mga kastilang opisyal at ng mga prayle ay mapupunta sa ating pamamahala sapagkat may karapatan tayo dito," saad ni Senyor Diego nang siya ay magpatawag ng pagpupulong. Kasama na niya ang mga umanib sa kanilang bagong pamahalaan.
"Mananatili ang pagmimisa. Magbubukas muli ang mga paaralan. Sapagakat ang sistema lamang naman sa gobyerno ang napalitan, hindi ang ating kalakaran sa buhay,"dugtong pa niya
"Ngunit senyor, anong gagawin natin sa kumbento at sa mga prayle?" tanong ng isa sa mga kilalang opisyal ni Silang.
"Hayaan niyo sila. Wala silang magagawa kundi sundin ang ating bagong pamamahala. Sa halip, huwag na nating harangin ang pagbibigay sa kanila ng kanilang pagkain at pangangailangan sa kumbento," sagot ni Silang.
"Ngunit ang mga prayle'y hindi pa rin tumitigil. Ang kanilang kumbento sa Bantay ay naging kanlungan ng oposisyon sa ating bagong gobyerno," sabat ni Ginoong Sebastian Anadaya, isa sa mga pinagkakatiwalaan ni Senyor Diego.
"Kabsat, hindi ko sila magagawang saktan, sapagkat ilang beses ko nang sinasabi – sila ay akin pa ring itinuturing na mga magulang," sagot ni Senyor Diego.
"Senyor, hindi ba't ipinag-utos ng mga Briton na ipadala mo sa Maynila ang iyong mga bihag na mga espanyol at mga prayle. Bakit sa halip, mga produkto at mga iba pang pangangailangan ang iyong ipinadala?" tanong ni Maximiliano. Siya ngayon ang inatasang maging kanang kamay sa aspetong pakikipag-ugnayang panlabas sa bagong gobyerno ni Silang.
"Iyan ang isa sa sagisag ng pakikipag-alyansa. Wala nang silbi pang ang mga bihag ay ipapadala natin sila sa Maynila. Ang mahalaga'y hawak pa rin natin sila," sagot niya. "Ngayon sa pagkakataong ito, ang ating aasikasuhin ay kung papaano natin mapalakas ang ating pamamahala, at maiwasang maagaw ito sa atin ng ating mga kaaway."
"Senyor, maaari kaya tayong makipag-ugnayan kay Senyor Juan dela Cruz Palariz ng Pangasinan? Siya'y isang maaasahang pinuno at naghihimagsik rin sa mga kastila sa kanilang lalawigan," mungkahi ng isa nilang kasama.
"Sige, magpapadala ako ng embahada upang makipag-ugnayan kay Senyor Palaris. Naisip ko ring magpadala ng magkaibang embahada upang alukin ang mga Zambal na umanib sa atin. Alam ko ang kakayahan at katapangan nila sa pakikidigma," tugon ni Senyor Diego.
"Kung ganoon po, kailangan din po nating palakasin ang ating militar, senyor," sabat ni Anastacia.
Napatingin ang lahat sa kanya.
"Bueno, ano ang iyong naiisip usaping militar, binibini?" tanong niya.
"Upang mas madaling proteksyunan ang ating ciudad sa mga pwersang manggangaling sa labas, maari po tayong gumawa ng baluarte kung saan gagawin din natin itong kuta ng ating hukbo. Batid naman nating hindi ligtas na dito sa sentro tayo maglalagay ng kuwartel sapagkat hindi lahat ay pbor sa iyong pamumuno at nananatili katapataan ng ibang mga kakailyan sa Esapanya," saad ni Anastacia.
Tumango-tango ang lahat sa sinabi ng dalaga.
"Kahanga-hanga ang iyong ideya. Bueno sa aking palagay, kakailanganin nga nating pagtibayin ang ating hukbong pang-militar. Kung gayon, maaari tayong magtayo ng ating baluarte at artilyera sa burol ng Tamag. Estratehiko ang lokasyon nito sapagkat natatanaw nito ang buong ciudad ng Vigan at ito bungad lamang ng ating bayan. Walang sinuman ang makakapasok dito nang hindi sinusuri at hindi natin kaalyado," saad ni Senyor Diego. "At tama ka binibini, may mga taksil pa rin sa ating mga kailyan at hindi na ako magtataka kung isang araw at may magtututok sa akin ng baril upang mapaslang ako."
BINABASA MO ANG
La Escapador
Tarihi Kurgu[COMPLETED] Nakakulong si Anastacia sa kahong ginawa para sa kanya ng lipunan -- pagkilos nang mayumi, pananatili sa loob ng tahanan, pag-aaral kung papaano maging mabuting ina at maybahay, at pagpapakasal sa lalaking itinakda sa kanya ng kanyang mg...
