Capitulo 40 - Ang Anunsiyo ni Don Camilo

201 22 0
                                    


Napuno ng tawanan at kwentuhan ang bulwagan ng Casa de Gobernadorcillo. Halos oras-oras, hindi alam ng mga bisita kung ano ang kakainin o ano ang iinumin. Ang iba'y abala sa pakikipag-usap sa iba't ibang tao. Halos hindi na nila mabilang kung ilang beses na nilang ikinuwento ang mga pangyayari sa kanilang buhay na ipinagmamalaki nila sa isa't isa. Minsan, paulit-ulit na lamang ang mga ito at patay-malisya naman ang mga nakikinig upang hindi mapahiya ang nagkukwento. Habang ang gobernadorcillo ay abala rin sa pangungumusta, pagbati at pagpuri niya sa mga bisitang naroon, ang iba nama'y abalang inihahayag ang mga sa tingin nila'y kagila-gilalas sa kanilang buhay. Iba-iba ang umpukang naroon. May umpukan ng mga esposa ng mga cabeza, may umpukan ng mga dalaga, may sariling umpukan ang mga binata, at may umpukan ang mga opisyal sa bayan.

"Itong si Alejandra ko, wala pang napupusuang lalaki. Nais ko sanang ipakasal siya sa anak ng mayayaman dito sa atin, ngunit sadyang napakapihikan niya. Mataas na klase ng babae ang aking anak," kwento ni Don Anselmo.

Ngingisi-ngisi naman si Don Damian. Alam niyang nagsisimula na namang magmalaki ang cabezang ito.

"Ang aking anak na si Martina nama'y hibang sa mga nag-aaral sa escuela. Ang sabi ko'y maghanap siya ng lalaking matalino," kumento naman ni Don Dionisio.

"At anong mapapala ng isang babae sa isang matalinong lalaki? Nakabibili ba ng sandaang perlas ang talino? Walang silbi ang isang babae sa lipunan kung hindi siya ginagayakan ng kanyang esposo ng makikinang na kagamitan. Nararapat na siya'y bihisan ng ginto," pangongongontra ni Don Anselmo.

Natawa lamang si Don Damian sa itinuring ni Don Anselmo.

"Don Anselmo, kaya naman pala! Hindi magkakasilbi ang iyong asawa kung hindi dahil sa iyo! Ang aking asawa ko'y masasabi kong kahit hindi ko bihisan ng ginto, may silbi siya sa lipunan," pahayag ni Don Damian, habang umiiling-iling saka sumimsim ng cerveza sa baso ng alak na kanyang hawak.

Tila namula si Don Anselmo. Ang kanyang pangmamaliit sa mga asawa ng mga lalaking hindi gaanong sagana sa kayamanan ay bumalik sa kanya.

"Hindi mababang uri ang aking asawa! Mula siya sa angkan ng mga principalia, kaya may silbi siya sa lipunan!" pangongontra ni Don Anselmo kay Don Damian. Dinuro pa niya si Don Damian gamit ang kanyag kanang kamay kahit na ay hawak din itong baso.

Tila nakaramdam ang mga kasama nila sa umpok ng mga taong nag-uusap-usap na kasama nina Don Damian at Don Anselmo. Ipinatong ni Don Dionisio ang kanyang kamay sa balikat ni Don Anselmo upang pakalmahin siya. Samantalang ang iba'y napapainom ng alak dahil sa init ng tensiyong namamagitan sa dalawang cabeza.

"Tila may mahalaga kayong pinag-uusapan," saad ni Don Camilo nang mapadaan siya sa umpukan nina Don Anselmo.

"Ah, wala ito, Don Camilo. Pinag-uusapan lamang namin ang mga kababaihan," sagot naman ni Don Dionisio.

"Minsan, ang mga babae ang nagiging sanhi ng di pagkakasundo ng mga lalaki," kumento ni Don Camilo.

Tumawa ng mahina si Don Dionisio, "Sabi nga nila senyor, ang babae raw ay walang kapangyarihan kung wala silang makapangyarihang asawa. Kaya hindi yata ako sang-ayon na ang mga babae pa ang magiging sanhi ng pag-aaway ng mga lalaki? Kabulaanan," komento ni Don Dionisio.

"Bueno, opinyon mo yan. Sinasabi ko lamang ang aking opinyon," saka tummawa ni Don Camilo.

"Naku senyor, akala ko'y sasalungat ka sa akin," saad ni Don Dionisio.

"At bakit naman ako sasalungat? Ang iyong sasabihin ay iyong sasabihin at ang aking sasabihin ay aking sasabihin, simple lamang iyon," saad ni Don Camilo. "Kaya kung may hindi kayo pagkakaunawaan, sikapin ninyong linawin ito. Imulat niyo ang isa't isa sa kani-kaniyang paniniwala, saka ninyo bukud-bukurin ang inyong mga argumento at pag-aralan kung alin sa inyong mga opinyon ang pinag-aralang opinyon, o opinyong nabuo lamang sa haka-haka. Sikapin ninyong maging mapayapa ang inyong pagsasama."

La EscapadorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon