Datapwat hindi na niya maramdaman ang hapdi ng kanyang mga sugat na dulot ng pagkakahulog niya sa puno at mga pasang natamo niya sa binti mula sa pagkakapalo sa kanya ng kanyang ina, binagalan ni Anastacia ang kanyang pagkilos sapagkat batid niyang sasabihin ng kanyang ina sa kanyang ama ang kanyang ginawa nito lamang. Natatakot siyang madismaya sa kanya si Don Sigmundo.
Isinuot niya ang bagong saya na gawa sa jusi at naadornahan ng mga bulaklaking burda. Regalo ito ng kanyang ama noong nakaraang kaarawan niya. Hindi niya nais na maisuot ito sapagkat nangangati siya, ngunit ito ang nais ng kanyang ina. Kung hindi niya ito susundin ay tiyak na sasabog na tila bulkan ang donya.
Isinukbit niya sa kanyang nakapusod na buhok ang kanyang payneta na may mga perlas na sinisid pa sa Dagat Tsina. Regalo naman ito ng kaibigang Tsino ng kanyang ama sa pangangalakal. Maging ang pagsusuot ng payneta ay labag sa kanyang kalooban, ngunit kinakailangan niyang suotin ito, dahil utos ito ng kanyang ina. Nangangati ang ulo niya at maituturing niyang sagabal sa pagkilos ang anumang nakasabit sa kanyang katawan.
Inihanda na rin ni Manang Claring ang pampapula ng kanyang pisngi at labi ngunit hindi niya ito ipinahid sa kanyang mukha. Sa tingin pa lamang niya ay mangangati na siya sa mga ito.
Halos magkakasabay silang magkakapatid na nagtungo sa tarangkahan upang salubungin ang kanilang ama na kabababa pa lamang sa karwahe. Kapwa nakagayak sina Ate Asuncion at Angelita sa kanilang mararangyang damit. Dito napagtanto ni Anastacia na may katuturan nga ang sinasabi ng kanyang ina na hindi sila pangkaraniwang dalaga lamang. Magaganda ang kanyang mga kapatid. Pinakamaganda ang kanyang kapatid na si Ate Antonina na nakapangasawa ang isang merkador na Ingles na anak ng kaibigan ng kanilang ama. May nananalaytay pa ring dugong mestiza ang mga ito.
"Buenas Dias, Senyor Sigmundo!" sabay-sabay na bati ng mga katiwala sa kanilang mansiyon.
"Buenas Dias mi Amor esposo," bungad ni Donya Vivencia sa kabiyak at kanyang niyakap.
"Buenas Dias, Ama," saad naman ng mga dalagang magkakapatid.
"Estoy feliz de verte, hijas," bati rin ni Don Sigmundo at isa-isa niyang niyakap ang mga ito.
Napansin naman ni Don Sigmundo ang gasgas sa kanang pisngi ni Anastacia.
"Por que? Ano'ng nangyari sa magandang mukha ng aking mahal na anak?" alalang sagot ni Don Sigmundo.
"Mahabang historia, mahal. Tara na sa loob sapagkat sumasapit na ang hapon," yakag ng donya.
Nagtungo ang magpapamilya sa comedor (hapag-kainan) upang pagsaluhan ang pagdating ng kanilang ama sa pakikipagkalakal sa mga Tsino at mga Espanyol sa Maynila.
Naghain ng inabrawan at pinakbet sina Manang Caring, ang punong katiwala, si Manang Engkay na ilang taon lang ang tanda kay Antonina at si Manang Auring, na katiwala sa kusina.
"Los alimentos son deliciosos! (The foods are delicious!)" sambit ni Don Sigmundo kina Manang Claring.
"Wala po bang ibang karneng putahe, manang?" tanong ni Anastacia.
"Anastacia!" pagpipigil na saad ni Donya Vivencia. "Kung anong nakahain sa hapag ay dapat mong ipagpasalamat sa Diyos! Dios Mio! Bakit ka maghahanap ng bagay na wala sa iyong harapan? Tila isa kang ibon na nagnanais ng bulaklak!"
Napayuko si Anastacia. Umiiling lang si Don at hinimas ang braso ng asawa upang kumalma.
"Nagtatanong lang naman po ako," mahinang saad ni Anastacia. Batid niyang ang lahat ng gagawin at sasabihin niya ay pinapansin ng kanyang ina.
"Détente, por pabor! (Stop it please!) Nasa hapag tayo't nariyan ang grasya ng Dios. Que mayroon, que wala, sana'y ang inyong pagtatalo'y hindi rito!" saad ng ulo ng tahanan.

BINABASA MO ANG
La Escapador
Historical Fiction[COMPLETED] Nakakulong si Anastacia sa kahong ginawa para sa kanya ng lipunan -- pagkilos nang mayumi, pananatili sa loob ng tahanan, pag-aaral kung papaano maging mabuting ina at maybahay, at pagpapakasal sa lalaking itinakda sa kanya ng kanyang mg...