Napailing si Anastacia. Hindi pa rin tumitigil si Casimiro sa kanya. Ngunit kagaya ng dati, isinilid lamang niya sa isang kahon ang sulat at saka siya nagsimulang maghugas ng katawan. Pagkatapos, nakarinig siya ng tumatahol. Marahil, si Gatas iyon at may tinatahulan na namang tao. Nang silipin niya, bumalik ang kartero at may dala-dala uling sulat. Ngayon, si Donya Vivencia ang lumabas at sumalubong sa kartero. Samantala, kasama niya si Tiyo Feliciano na kadarating lamang mula sa sentro ng Vigan. Nang makuha niya ito, tinawag niya ang kanyang mga anak dahil mahalaga raw ang laman ng sulat.
"Umalis papuntang Inglatera sina Antonina at Ginoong Anderson," sambit ni Donya Vivencia nang matapos niya itong basahin ang sulat na galing kay Antonina.
Hindi makapaniwala si Anastacia na nagawa ni Ginoong Anderson na ilabas sa bansa ang kanyang Ate Antonina.
"Ang Ingles na iyon! Talagang inilalayo niya si ate sa atin!" himagsik ni Anastacia.
"Ang pag-alis ni Antonina ay para sa kanyang kaligtasan," sambit ng donya. "Sana'y maintindihan ninyo ang desisyon ng ate niyo at ni Ginoong Anderson."
"Ngunit ina... hindi natin alam kung kailan natin makikita si Ate Antonina!" pagpapatuloy ni Anastacia.
Sumingit si Asuncion, "Anastacia, kumalma ka."
"Ayon sa inyong ate, susulat siya. At hindi naman daw permanente ang pagpunta nila roon. Sinamantala lang nila ang pagdaong ng barkong Galleon sa Maynila. Babalik raw sila kapag maayos na ang ating bansa," saad ng donya.
"Kaya kailangan na talagang supilin ang mga nanghaharing-uri. Tama sina Donya Gabriela. Walang maalipin kung may magpapaalipin. Kailangan natin lumaban upang maisaayos na ang nating lipunan," saad ni Anastacia.
Napalingon si Donya Vivencia sa anak. "Anong sabi mo?"
Napatakip ng bibig si Anastacia. Ngunit mukhang hindi na niya mababawi ang kanyang sinabi.
Yumuko si Anastacia at naghanap sya ng mga salita upang ipaliwanag ang kanyang sinabi.
"I-ina.. kailangan na nating kumilos. Kailangan na natinig gumawa ng paraan upang mabawi ang ari-arian ni Ama at mga ari-arian ng ating mga kababayan na kinamkam ng mga abusado," saad ni Anastacia. Hindi niya alam kung saan niya nakuha ang lakas ng loob na magsabi ng ganoon sa kanyang ina. Simula nang bata pa sila, hindi na tinatanggap ni Donya Vivencia ang ideya ng paghihimagsik. Ang paalala niya sa kanyang mga anak, huwag makialam sa mga usaping politikal, partikular na sa pakikisali sa mga grupo ng naghihimagsik.
Magsasalita pa sana siya nang bigla siyang nakaramdam ng matinding sampal mula sa kanyang ina. Nagulat ang lahat sa nasaksihan.
"Gusto mo na bang mamatay?" nanginginig sa galit na sabi ng donya. "Kaya pala sumasama ka sa mag-asawang Silang na iyan. Kasama ka pala nila sa kanilang kilusan!"
Halos namanhid ang pisngi ni Anastacia sa sakit. Inaasahan niyang magagalit ang kanyang ina, ngunit hindi niya inaasahang sasaktan siya nito.
Pumigil sa hidwaan si Tiyo Feliciano. Minabuti niyang pakalmahin ang lahat dahil sa komosyon.
" Ate Vivencia, magbalik ka sa katinuan," pakiusap niya sa kapatid. "Nagsasabi lamang si Anastacia ng kanyang hinanaing."
"Hindi ako kakalma, Feliciano. Nagpapatiwakal ang iyong pamagkin sa pagsama sa mga utak-rebelde. Hindi niya alam kung anong panganib ang sinusuong niya!" nagpupuyos ang damdamin ng donya.
Huminga nang malalim si Tiyo Feliciano. Alam niyang mahirap nang baliin ang paniniwala ni Donya Vivencia sa mga nagrerebelde. Ngunit, alam niyang ganoon lang ang normal na reaksyon ng ina sa tuwing lumalapit sa panganib ang kanyang anak. At batid niya, mapanganib nga ang sumama sa himagsikan.
BINABASA MO ANG
La Escapador
Tarihi Kurgu[COMPLETED] Nakakulong si Anastacia sa kahong ginawa para sa kanya ng lipunan -- pagkilos nang mayumi, pananatili sa loob ng tahanan, pag-aaral kung papaano maging mabuting ina at maybahay, at pagpapakasal sa lalaking itinakda sa kanya ng kanyang mg...
