"Senyor! Senyor! Nais raw kayong makausap ni Padre Jimeno," humahangos na saad ni Ginang Clotilde.
Nakahinga nang maluwag sina Anastacia at Ramon. Sa pagkakataong ito, naging anghel ang tingin ni Anastacia kay Ginang Clotilde dahil naantala nito ang pag-iinteroga ng gobernadorcillo sa kanila.
"Senyor, nasa Casa Real po si Padre Jimeno. Mayroon daw siyang nais isangguni," saad ni Ginang Clotilde, na naging dahilan upang agad na umalis sa casa si Casimiro.
"Nakatatakot palang magsalita ang gobernadorcillo," kumento ni Ramon.
"Hindi lang pagsasalita, pati paraan ng pagkilos niya ay nakatatakot rin," pagsang-ayon ni Anastacia.
"Napapansin ko, parang kilala ka niya," takang tanong ni Ramon.
Natahimik si Anastacia. Naisip niyang kailangang malaman ni Ramon ang totoo upang makapaghanda sila sa mga tanong ni Casimiro.
=====
"Ano? Magkababata kayo?!" hindi makapaniwalang saad ni Ramon nang ikwento ni Anastacia ang lahat ng tungkol kay Casimiro.
"Shhh, wag kang maingay, baka marinig nila tayo," mahinang bulong ni Anastacia kay Ramon habang nag-aani sila ng mais sa lupain ni Don Damian.
Tanghali na sila nakarating sa baryo dahil matagal nilang natapos ang pinapaburdang panyo ng gobernadorcillo. Sa halip na magpahinga, minabuti ni Anastacia na sumama sa pag-aani ng mais sa sakahan ni Don Damian upang palitan si Nanay Dolores na siya namang nag-aalaga sa may sakit na si Ate Carmencita.
"Ikaw.. at siya??? Binibiro mo na naman ba ako?" wika ni Ramon.
"Totoo ang mga sinabi ko," depensa naman ni Anastacia.
"Hoy!! Kayo diyan! Marami pa rito sa banda rito! Huwag kayong kukupad-kupad!" sigaw naman ng pinakapinuno ng mga trabahador ni Don Damian. "Iyong mga babae, maghanda na raw ng meryenda!"
Kaya naman, tahimik na humiwalay si Anastacia kay Ramon at nagpunta sa gilid ng sakahan upang makalas niya ang nakasukbit na sisidlan ng mais sa kanyang likod. Tinanggal na rin niya ang kanyang sumbrero at nagtungo sa bahay ni Don Damian kung saan malapit ang sakahan.
Dumaan si Anastacia sa likod-bahay nina Don Damian upang mas mabilis ang kanyang tatahaking daan papunta sa kusina kung saan siya kukuha ng meryenda ng mga magsasaka. Puno ng kahoy ang likod-bahay ng mga Montealegre. Dahil malapit ito sa paanan ng bundok, iba't ibang klaseng mga punong kahoy ang mga tumutubo rito.
Nang makarating siya sa puno ng acacia, nadatnan niyang may lalaking nakahiga sa papag. Habang dahan-dahan siyang naglalakad upang hindi ito magising, pinagmamasdan niya kung sino ang lalaking iyon. Nakataklob ang sumbrero sa mukha nito kaya hindi agad makilala. Ngunit, napansin niyang may mga nakataling gasa sa mga daliri nito at doon niya nakitang ito si Senyorito Santiago.
"Kaya pala walang tumutugtog ng piano ngayon. Tulog pala ang senyorito," saad ni Anastacia sa sarili. Minsan kasi, tuwing tanghali, umaalingawngaw na ang musika ni Senyorito Santiago sa buong bakuran. Oras ng pagsasanay niya sa pagtugtog kasama ng kanyang guro sa musika. Pangarap nitong maging isang tanyag na pianista sa Europa. Ngunit, nitong mga nakaraang araw, nababalitaan ni Anastacia na malimit na lamang ang pag-eensayo ng binata. Ang itinuturng dahilan nito ay ang pagkaroon daw ng pamamanhid sa kanyang mga daliri sanhi ng madalas na paggamit nito (Carpal Tunnel Syndrome).
Nang makarating siya sa kusina, nadatnan niya doon si Ginang Lupe, ang mayordoma sa tahanan nina Don Damian na naghahanda ng ng suman at kape para sa mga trabahador.
BINABASA MO ANG
La Escapador
Tarihi Kurgu[COMPLETED] Nakakulong si Anastacia sa kahong ginawa para sa kanya ng lipunan -- pagkilos nang mayumi, pananatili sa loob ng tahanan, pag-aaral kung papaano maging mabuting ina at maybahay, at pagpapakasal sa lalaking itinakda sa kanya ng kanyang mg...
