Hindi sanay si Anastacia sa katahimikang nananaig sa loob ng kanilang tahanan. Isang linggo na ang nakararaan mula nang ilibing ang kanyang ama, ngunit sariwa pa rin sa kanyang alaala ang araw na tuluyan na nilang hindi makikita ang kanilang ama. Ngayon ay ang ikasiyam na araw na kamatayan ni Don Sigmundo kung kaya't katatapos lamang ng padasal at naiwan siyang nakatitig sa mga huhugasing pinagkainan.
"Hija, ako na diyan, bumalik ka na sa sala," pagbasag ni Aling Claring sa kanyang katahimikan.
Muling siyang nagbalik sa katinuan at saka kumilos.
"Ako na po, manang. Kayo na po ang magpahinga sapagkat halos ilang linggo na po kayong nagtatrabaho kahit hindi na po namin kayo nabibigyan ng karampatang kabayaran sa inyong serbisyo" pagtatanggi niya.
"Ano ka ba, hija. Ilang dekada na akong nagtatrabaho sa inyong pamilya at lubos akong nagpapasalamat sa pagturing niyo sa akin bilang kabilang sa inyong pamilya. Ngayo'y nalulungkot ako't hindi na magtatagal ang aking paninilbihan sa inyo. Kaya't sa araw na ito'y ako muna ang mag-aasikaso sa lahat ng gawain dito sa bahay," saad ni Manang Caring.
Niyakap nang mahigpit ni Anastacia si Manang Claring. Itinuring din niya itong isang kaibigan at guro na nagtuturo sa kanya sa mga gawaing bahay.
"Maraming salamat po, kung hindi dahil sa inyo, hindi ko po matututunan ang mga bagay-bagay," pahayag pa nito.
Masakit man sa kanyang kalooban ang nalalapit na pag-alis ni Manang Claring, handa naman siyang gampanan ang mga tungkulin sa kanilang bahay, at nagpapasalamat siya na hindi siya lumaking malabalat-sibuyas ang kamay.
Nagpumilit man ang matandang katiwala na siya na lamang ang gumawa ng mga gawain sa kusina, mas nagpumilit din si Anastacia na tumulong at magsilbi itong oras kung saan mas makakasama niya ang papaalis nang katiwala.
Pagkatapos na ang pagliligpit ng mga pinggan, nagtungo si Anastacia sa kwarto at binuksan ang mga sulat mula sa kahong nakatago sa parador.
Hawak-hawak niya ngayon ang mga sulat na naipon niya sa kahon. Naisipan niyang basahin ang lahat ng iyon mula noong gabing nagharap sila ni Casimiro.
Laman ng sulat ang mga pangako ni Casimiro na babalikan siya nito matapos ang pag-aaral ng binata sa Madrid. Nakasaad din sa mga sulat ang mga plano ng binata sa kanyang buhay, ang mga ideya niya ng makabagong lipunan, at ang pangarap niya kung matutuloy man ang kanilang pag-iisang dibdib. Iyon nga lamang, nalaman ni Casimiro na hindi na itutuloy ng kanyang mga magulang ang planong pag-iisang dibdib nila ni Anastacia kaya nagyaya ito ng tanan. Ilang beses pala siyang niyayang magtanan ng binata ngunit hindi siya sinisipot dahil hindi nito binabasa ang kanyang mga sulat. Sa pinakahuling sulat na iniabot ng binata sa dalaga noong gabi ng lamay, tuluyan nang nagpaalam ang binata at ipinangakong gagawin niya ang bagay na ikasisiya ng dalaga, at iyon ay ang iwan siya.
Napabuntong hininga na lamang si Anastacia. May kaunting parte sa kanyang puso na gumaan ang kanyang pakiramdam matapos mabasa ang mga sulat ni Casimiro. Bahagya rin siyang natawa – isang malimit na mangyari sa kanya simula nang mamatay ang kanyang ama.
"Ang lalaking ito'y puno ng kahambugan at pantasya. Ngunit napapangiti ako sa mga kahibangan niya," sambit pa nito. "Maraming salamat at napangiti mo ako sa mga biro mo."
BINABASA MO ANG
La Escapador
Historical Fiction[COMPLETED] Nakakulong si Anastacia sa kahong ginawa para sa kanya ng lipunan -- pagkilos nang mayumi, pananatili sa loob ng tahanan, pag-aaral kung papaano maging mabuting ina at maybahay, at pagpapakasal sa lalaking itinakda sa kanya ng kanyang mg...
