Nang marinig ng lalaki ang usapan nina Anastacia at Don Camilo, tila hindi niya napigilan ang sarili sa pag-atras. Nasagi niya ang isang plorera na nakalagay sa isang lamesita. Narinig niya ang yabang na nagmula sa labas ng kanyang silid at agad na pinatay ang gasera.
Kumatok si Anastacia sa pinto. At nang wala siyang marinig na sagot ay bigla nitong binuksan ang pinto. Agad na nagitla ang lalaki, kaya nagpunta siya malapit sa bintana. Hindi niya alam kung ano ang pakay ni Anastacia, ngunit nais niyang hindi siya makita ng dalaga sa loob ng silid na iyon.
"Sino ka?! Anong ginagawa mo rito?" sigaw ni Anastacia sa kanya.
Hindi makasagot ang lalaki. Madilim ang silid ngunit nararamdaman niyang papunta sa kanya si Anastacia. Napaatras ang lalaki at nagtungo sa bintana.
"Saan ka pupunta? Magnanakaw!" agad na sinungaban ni Anastacia ang lalaki nang binuksan ng huli ang bintana.
Mabilis namang inakbayan ni Anastacia ang leeg ng lalaki saka niya ito hinigit upang hindi na ito muling makatakas sa kanya. Gamit ang mga natutunan niya kay Tiyo Feliciano sa tamang pagpapatumba ng kalaban, agad niyang inilipat ang buong lakas sa kanyang braso upang higpitan ang pagkakayapos niya sa leeg ng lalaki. Saka niya pinatid ang kanang paa ng lalaki na siyang nawalan ng balanse at natumba sa sahig.
Napadaing sa sakit na naramadaman ang lalaki, tila hindi mausal ang mga salita dahil hindi na niya maigalaw ang ibang bahagi ng kanyang katawan. Agad na dinaganan ni Anastacia ang lalaki upang hindi na ito muling makabangon.
Nagtakbuhan ang mga katiwala at si Don Camilo sa silid kung nasaan sina Anastacia dahil sa kalabog na nangyari. nito.
Agad namang rumesponde si Don Camilo at inawat si Anastacia.
Nagsilapit naman ang mga katiwalang may dala-dalang gasera.
"Dios Mio!" usal ni Ginang Clotilde na makita ang kanilang posisyon. Nakadapa na ang lalaki at nakatapong si Anastacia habang pinapalo-palo ng dalaga ang ulo ng lalaki.
"Maghunos-dili ka, hija," saad ni Don Camilo, habang pinapatayo si Anastacia. Pagkatapos, ang lalaki ang kanyang tinulungang makatayo.
"Ayos ka lamang ba, senyor?" alalang sabi ni Don Camilo sa lalaki.
Nagtaka si Anastacia kung bakit tila alalang-alala si Don Camilo sa lalaki.
Nang tumayo ang lalaki mula sa pagkakadapa, doon nakita ni Anastacia ang mukha ng lalaking pinagbuhatan niya ng kamay.
Halos hindi siya makapagsalita sa gulat.
"Senyor, pasensiya na sa inasal ng katiwala natin. Pasensiya na at hindi ko agad na nasabi sa kanya," pagpaumanhin ni Don Camilo.
Pinapagpag ng lalaki ang nadumihan niyang camisa. Pinaikot-ikot niya ang kanyang leeg saka hinaplos-haplos ito dahil sa sakit na naramdaman kanina.
Kinuha ni Don Camilo ang atensiyon ni Anastacia nang makitang parang nabuhusan ng malamig na tubig at nakatitig lang ito sa lalaki.
"Anastacia, anong ginagawa mo? Humingi ka ng tawad sa bago nating gobernadorcillo," utos ni Don Camilo sa kanya.
Nanlambot ang tuhod ni Anastacia kaya wala siyang nagawa kundi ang lumuhod lamang at yumuko.
"P-patawad po, s-senyor," nauutal niyang sabi. Hindi pa rin siya makapaniwalang ang kanyang sinaktan ay ang bagong gobernadorcillo at...
"Senyor Casimiro, humihingi ulit ako ng iyong kapatawaran. Hindi nalalaman ng katiwalang ito na ikaw ang magiging gobernadorcillo dahil ayon ito sa iyong kagustuhang panatilihing lihim muna ang iyong pagparito," paghinigi ng dispensa ni Don Camilo.
BINABASA MO ANG
La Escapador
Historical Fiction[COMPLETED] Nakakulong si Anastacia sa kahong ginawa para sa kanya ng lipunan -- pagkilos nang mayumi, pananatili sa loob ng tahanan, pag-aaral kung papaano maging mabuting ina at maybahay, at pagpapakasal sa lalaking itinakda sa kanya ng kanyang mg...
