Capitulo 4 - Ang Misa De Gallo

2K 115 62
                                    

Pasado alas dos y media ng madaling araw nang sabay-sabay na bumaba mula sa mataas na balkonahe ang mag-anak na Rivero upang dumalo sa Unang Araw ng Misa De Gallo.

Halos ayaw namang sumama ni Anastacia sapagkat dinadapuan pa siya ng antok. Kung hindi pa siya kinurot ng kanyang ina ay hindi pa magigising ang kanyang ulirat. Gayundin, nagsimula ulit ang pagtatalo ng mag-ina nang tumangging sumakay sa kalesa ang dalaga.

"Ina, napakalapit ng simbahan. Bakit kailangan pa pong sumakay sa kalesa? At isa pa, kaawa-awa ang kalagayan ng kabayo kung anim tayong hihilain niya," pagpapaliwanag nito sa kanyang ina.

Tumawa lamang si Don Sigmundo sa sinabi ng kanyang anak samantalang namumula naman ang pisngi ni Donya Vivencia sa galit.

"Sigmundo! Tignan mo ang iyong anak, hindi na nakikinig sa akin! " nangangalaiting sabi ng Donya.

"Vivencia, tama nga naman ang iyong anak. Talaga namang may puso siya sa mga hayop!" saka ito tumawa nang sarkastiko.

Napabukas ng abaniko nang wala sa oras ang Donya kahit napakalamig ng hangin na hatid ng Disyembre.

"Kung gayon, tayo'y gumayak na. Hayaan natin siyang mapagod sa paglalakad!" utos ng Donya.

"I-ina, maari bang sumabay ako kay Anastacia sa p-paglalakad?" mahinang saad ni Asuncion.

Lumaki ang mata ng Donya at saka huminga ng malalim.

"Bueno, kung 'yan ang inyong kagustuhan. Batid kong nasa husto na kayong pag-iisip at alam ninyo ang nararapat sa hindi. Basta't mag-ingat lamang kayo sa daan. Hihintayin namin kayo sa bukana ng simbahan," saad ni Don Sigmundo.

Gumayak ang kalesa na hindi na umimik ang donya.

Bumulong si Anastacia habang nakatingin sa papalayong kalesa.

"Manang, di yata't masyado tayong ginagawang bata ng ating ina? Sa tingin niya'y isa pa rin tayong mga paslit," saad nito.

"Marahil ay nag-aalala lamang siya sapagkat tayo'y mga dalaga na. At isa pa, dis-oras ng madaling araw. Baka kung mapaano tayo," sagot ni Asuncion.

Luminga sa paligid si Anastacia.

Sinuri niya ang mga dumadaang mga kababaihan at magpapamilya na dadalo sa Misa De Gallo. Kapwa mga nakabelo ang lahat ng kababaihan. Naka-kayabyab (sumbrerong gawa sa hinabing dahon ng niyog) naman ang mga kalalakihan bilang pananggalang sa lamig. Habang ang iba'y may dalang parol (lampara) na ilaw nila sa kanilang daraanan.

"Napakarami nating kasama kaya't wala syang dapat ipag-alala o mag-alala. At isa pa, napakalapit ng simbahan. Ilang metro lang ang ating hahakbangin, tiyak na paroroon na agad tayo," saad nito habang inaayos ang kanyang belo.

"Minsan, ang pagmamahal ng magulang ay nakasasakal, ngunit tandaan mong ang lubid na itinatali sa atin ng ating mga magulang ay lubid upang hindi tayo dumausdos sa bangin ng panganib," ani Asuncion.

"Kung sabagay! Patawarin sana ako ni ina sa pagiging suwail. Ipinapangako kong mag-iingat ako lagi," saad ni Anastacia nang may matanto siya sa pangyayaring iyon.

"Ngunit, talagang napakagandang maglakad sa kailaliman ng nagniningningang mga tala!" daGdag pa ni Anastacia.

Tahimik na naglakad ang magkapatid sa gilid ng daan. Subalit hindi lahat ng magagandang bagay ay nangyayari kapag may tala. Saksi silang dalawa sa kung papaano nangangamba ang bawat mamamayan habang may nakakasalubong silang mga gwardiya sibil sa kalye.

Gumigilid at napapayuko na lamang ang ilan. Ang mga bata ay halos itago ng mga ina sa kanilang mga saya. Humihigpit ang kapit sa braso ng mga kababaihan sa kanilang mga asawa.

La EscapadorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon